Thursday, April 18, 2013

PhilHealth nagsasagawa ng 'validation' at 'mapping' ng mga kasapi nito

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 18 (PIA) -- Kaugnay ng ipinatutupad na universal coverage ng Philhealth at ng pamahalaang nasyunal, umiikot at bumibisita ngayon sa mga tanggapan at mga "business establishment" ang mga kinatawan ng Philhealth Sorsogon upang magsagawa ng "validation" at "mapping" ng mga kasapi ng PhilHealth.

Ayon kay PhilHealth Sorsogon SIO1 Vic Ardales, nais umanong makamit ng PhilHealth ang target nilang mai-enrol ang lahat ng mga kuwalipikadong Pilipino sa tinatawag na "Universal Coverage" alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 7875 na binago naman ng Republic Act 9241.

Dagdag pa niya na ang ginagawa nilang ito ay bilang pagtupad din sa Rule III at sa Section 14 at 18 ng nabanggit na batas.

Ayon sa nakatalaga sa Section 14, lahat ng mga empleyado kabilang na ang mga kasambahay at mga sea-based Overseas Filipino Worker (OFW) ay obligadong maging kasapi ng PhilHealth, habang nakasaad naman sa Section 18 na lahat ng mga government at private employer ay obligadong irehistro ang kanilang mga empleyado sa PhilHealth at dapat na bigyan ng permanente at sariling PhilHealth Identification Number.

Aniya, nais din umano ng PhilHealth na matukoy ang aktwal na bilang ng mga employer at empleyado na rehistrado at saklaw nito at ang kabuuang populasyon, kabilang na ang mga dependent na saklaw ng nasa business, government at private sector. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)


Alcantara, kaunaunahang Bikolanang manlalaro ng Pilipinas sa Universiade


By Marlon A. Loterte

LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 18 (PIA) – Itinanghal si Arianne Armi Alcantara, mula sa Bicol University (BU), na kaunaunahang Bikolanang mapapasama sa Philippine team para sa 27th Summer Universiade, na tinagurian ring World University Games, na gaganapin sa Kazan, Russia sa darating na Hulyo 6-17, ngayong taon.

Napili si Alcantara ng Federation of School Sports Associations of the Philippines (FESSAP) upang maging isa sa mga kalahok ng Pilipinas sa swimming competition.

Siya ay makikipagtunggali sa ibang manlalangoy na mula sa iba’t ibang unibersidad ng iba't ibang bansa kasama ang iba pang kasapi ng Philippine Swimming League na ipapadala sa Russia.

Ipinakita naman ng mga taga BU ang kanilang suporta para kay Alcantara na isa ring mag-aaral ng unibersidad ng Bicol at nangungunang myembro rin ng BU swimming team sa isang agaw pansing tarpaulin na ipinaskil sa harap ng BU main campus dahil sa kanyang pagiging kaunaunahang manlalangoy na magdadala ng pangalan ng BU, lungsod ng Legazpi, probinsya ng Albay at rehiyon ng Bikol sa nasabing prestihyosong pang-internasyonal na kompetisyon.

Ang Summer Universiade na ginaganap dalawang beses kada taon ay magtatampok ng pinakakilala at pinakamahuhusay na mga atleta ng mga Unibersidad mula sa iba't ibang panig ng mundo kung kaya nama’y ito ay tinaguriang pangalawa sa Olympic games bilang pinakaprestihiyosong pang-internasyonal na patimpalak.

Mahigit 180 mga bansa ang lalahok sa naturang kompetisyon. Kabilang na rito ang Russia, Estados Unidos, People’s Republic of China, Japan, at South Korea.

Ang Universiade na pinamumunuan ng International University Sports Federation (FISU) ay naglalayong magkaroon ng pandaigdigang kapayapaan at pagkakaisa sa mga kabataan anumang bansa ang kanilang pinagmulan sa pamamagitan ng palakasan. (MAL/MEEser-OJT-BU/PIA5)


Kampanyang 'Ako Responsable Huwaran!' ilulunsad

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 18 (PIA) -- Inilunsad kahapon ng dalawang magkatuwang na non-government organization (NGO) dito sa Sorsogon ang kampanyang “Ako Responsable Huwaran!”

Ito ay sa ilalim ng programang Adolescent Reproductive Health (ARH) ng Federation of Associations for Communities and Children’s Empowerment Incorporated (FACE) at ng Child Fund Philippines.

Ayon kay Chit F. Novela, community mobilizer ng FACE sa Bicol, ang paglulunsad ng kampanyang “Ako Responsable Huwaran!” ay may layuning maitaas ang antas ng kamalayan ng publiko ukol sa ARH program at sa patuloy na pagpupunyagi ng FACE at Child Fund Philippines na masuportahan ang mga programa ng pamahalaan ukol sa mga Pilipinong kabataan.

Inaasahang magbibigay ng mensahe si assistant provincial health Officer Dr. Liduvina Dorion, Bicol Area Manager ng Child Fund Philippines Pedro L. Tamayo at National Director ng Child Fund Philippines Katherine K. Manik.

Tatalakayin din ni FACE federation President Gloria Lorena R. Senosin ang ARH Campaign: “Ako Responsable Huwaran!” habang ang mga kinatawan naman ng Board of Trustees at iba pang stakeholders ang maghahayag ng kanilang statement of support sa kampanyang “Ako Responsable Huwaran!”.

Ipapakita din ang mga resulta ng ginawang sining ng mga benepisyaryong kabataan sa pamamagitan ng isang eksibit.

Sinabi din ni Novela na tinututukan ng kampanya ang lebel ng kamalayan upang ganap na maging responsable ang mga kabataan sa kanilang sarili at sa kanilang kapwa kabataan lalo pa’t sila ang kadalasang nalalantad sa eksploytasyon at mga pang-aabusong sekswal. Katuwang umano nila ang Department of Social Welfare and Development sa pagpapatupad ng programang ito.

Ang programang ARH na tinatawag din nilang 15-24 program ay nakatuon sa mga kabataang may edad 15 hanggang 24 kung saan bahagi ng ginagawa ng FACE ay ang pag-oorganisa sa mga ito at pagtulong sa mga kabataan upang mabigyan ng maaayos na kinabukasan tulad ng pagbibigay ng socialized educational assistance sa anumang napili nilang dalawang taong kursong bokasyunal at pag-enrol sa mga ito sa Alternative Learning System (ALS) ng DepEd sa pakikipagkawing sa Technical Education Skills Development Authority (TESDA) nang sa gayon ay mabigyan ng kaukulang kasanayan at pag-unalad ang mga kabataang ito.

Sinasanay din nila ang mga kabataan na magkaroon ng kumpyansa sa kanilang sarili sa pamamagitan ng paglinang ng mga angking galing nito. Isa na rito ang pagho-host sa “Balitang Bata”- isang programa sa radio ng mga batang naka-enrol sa Child Fund na sumasahimpapawid sa DZGN-FM tuwing huling Linggo bawat buwan.

Dagdag pa ni Novela na mayroon ding "formation session" kung saan ang mga kabataan na rin ang nagsasagawa nito.

Ang ARH ay nasa pangatlong taon na ng implementasyon sa pangunguna ng FACE na pinopondohan naman ng Child Fund Philippines. Benepisyaryo nito ang bayan ng Pili sa Camarines Sur at ang lungsod ng Sorsogon at mga bayan ng Irosin, Bulan at Matnog sa lalawigan naman ng Sorsogon kung saan umaabot sa mahigit 3,000 mga indibiduwal ang benepisyaryo nito. Pagtitiyak ni Novela na hangga't may Child Fund ay mananatili ang mga programa ng FACE sa rehiyon ng Bicol. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)

No comments:

Post a Comment