Tuesday, June 25, 2013

Camarines Sur: 9th Bicol Business Week 2013 at South Luzon Area Business Conference gaganapin sa lungsod ng Naga

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Hunyo 25 (PIA) -- Pangungunahan ng Metro Naga Chamber of Commerce and Industry (MNCCI) ang pagdaraos ng taunang Bicol Business Week simula sa Hulyo 14 hanggang 19. Ito ay gaganapin sa SM City Event Center sa lungsod ng Naga. 

Ang isang linggong pagdiriwang ng 9th Bicol Business week ay tatampukan ng iba’t ibang produkto mula sa mga negosyanteng lalahok dito. Layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga nasa larangan ng negosyo na ipakilala ang mga bago nitong innovation sa kani kanilang paninda at ibinibigay na serbisyo. 

Mga native products ang magiging sentro ng eksibisyon na may layuning palakasin pa ang produktong gawa sa Bicol at upang maipakita sa ibang bansa ang husay at talino ng mga Bikolano sa paggawa ng mga high quality native products. 

Ayon kay MNCCI President Clarine Tobias, magiging simbolo ng pagririwang ngayong taon ang Solohiya bilang kumakatawan sa iba't ibang sektor ng negosyo mula sa iba't ibang lalawigan ng rehiyon Bicol. 

Inaayayahan din ng MNCCI ang iba pang negosyante na dumalo sa okasyon o kaya’y tumawag sa kanilang opisina sa 473-6318 para makasali sa pagtitipon ng mga business sector sa Lungsod ng Naga. 

Samantala, kasabay din sa malaking aktibidad ng Metro Naga Chamber of Commerce and Industry sa isang linggong selebrasyon ng Bicol Business Week ay ang pagbubukas ng South Luzon Area Business Conference (SOLABC) na gaganapin sa Hulyo 18-19, 2013 sa Avenue Plaza Hotel, dito sa lungsod. 

Ito’y dadaluhan ng mga negosyante mula sa Calabarzon area, MIMAROPA, Bicol at iba pang lugar sa Southern Luzaon. 

Magiging bahagi din ng programa ang Halyao Awards na gaganapin sa sa Hulyo 18 sa nasabing lugar kung saan paparangalan ang mga Bikolanong negosyente bilang “Bikolano Businessperson of the Year" at ang “Young Entrepreneur of the Year." (LSM/DCA-PIA5/Camarines Sur)

No comments:

Post a Comment