Friday, July 19, 2013

Higanteng pawikan nangitlog sa dalampasigan ng Legazpi

 By Sally A. Atento

LUNGSOD NG LEGAZPI, Hulyo 19 (PIA) -- Isang leatherback sea turtle o higanteng pawikan na may tinatayang haba na dalawang metro ang nagluwal ng aabot sa 100 itlog sa baybayin na malapit sa tanggapan ng Naval Forces Southern Luzon (Navforsol) sa baranggay Rawis sa lungsod na ito nitong Hulyo 15. 

Bandang 8:00 ng gabi ng matagpuan ang leatherback turtle na ito
sa dalampasigan ng baranggay Rawis sa lungsod ng Legazpi

Ayon sa pahayag ni Navy Ensign Mon Duruin, public information officer ng Navforsol dito, ang pawikan ay nakita at ipinagbigay alam sa kanilang tanggapan ng isang residente at ito ay nangingitlog sa buhangin nang bandang ikawalo ng gabi. 

Agad na rumesponde ang kanilang tauhan upang malaman kung ito ay may natamong sugat o pinsala. 

Matapos mangitlog at masigurong ligtas sa anumang pinsala, pinagtulungan ng mga tauhan ng Navforsol, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga residente na maibalik at mapalaya ang nasabing pawikan sa karagatan. 

Nagtulong-tulong ang mga residente at tauhan ng DENR at Navforsol
 na maibalik at mapalaya sa karagatan ang pawikan na ito matapos mangitlog sa baybayin
Dagdag pa ni Duruin, kanilang sisiguruhin na ang mga naiwan nitong itlog ay ligtas hanggang sa mapisa. 

Ang leatherback sea turtle (Dermochelys coriacea) ang pinakamalaking uri ng pawikan. Madali itong matukoy dahil kakaunti lamang ang shell sa likuran nito ngunit ang carapace o matigas na balat sa likod nito ay nababalot ng balat at mamantikang laman. 

Ang mga itlog na ito ay iilan lamang sa
 tinatayang 100 itlog ng nabanggit na pawikan 
Ang malalaking ‘flippers’ nito na siyang ginagamit upang makagalaw sa dagat at buhangin ay kulay itim na may halong kayumanggi sa parteng itaas at dilaw sa bandang ibaba. 

Ang mga pawikan ay tinatawag ding green turtle sa Ingles dahil sa kulay berdeng taba sa katawan nito bunga ng halaman na kinakain nito. 

Naghuhukay ito sa buhangin kapag mangingitlog na at saka tinatabunan ang mga itlog. Ang mga itlog ay kusang napipisa at ang maliliit na pawikan ay isa-isang naglalakbay papunta sa dagat. 

Umaabot ng mahigit 100 ang itlog ng pawikan ngunit hindi lahat ay nabubuhay at umaabot sa gulang na sila ay mangingitlog na rin 

Bagama’t ang pawikan ay kadalasang nangingitlog kung saan sila ipinanganak, ang uring ito ay maaaring pumili rin ng ibang dalampasigan sa parehong lugar na kanilang pangingitlogan. (MAL/SAA-PIA5 Albay)

No comments:

Post a Comment