DAR Bicol magkakaroon ng 9,000 benepisyaryo sa crop insurance at programang pautang
By Joseph John J. Perez
LUNGSOD NG LEGAZPI, Hulyo 22 (PIA) -- Pinuri ng Center for Agriculture and Rural Development (CARRD) ang Minalabac, Mataoroc, Sagrada, San Jose, Baliuag Viejo (MASSBA) agrarian reform community (ARC) Cooperative sa Camarines Sur sa micro-finance initiatives nito sa paglunsad ng programang pautang sa kanilang pamayanan.
“Ayon sa CARRD, sila ay napahanga sa kapuripuring nagawa ng MASSBA ARC Coop sa kanilang pag-iimpok na nagamit sa pautang sa kapwa nila magsasaka,” sabi ni Department of Agrarian Reform (DAR) Bicol Regional Director Maria Celestina-Tam.
Nakatipon ang MASSBA ARC Cooperative ng halos kalahating milyong pisong deposito galing sa kontribusyon ng mga kasaping magsasaka para sa kanilang proyektong savings generation sa loob lamang ng tatlong buwan nang nagsimula sila noong Abril ngayong taon, ayon kay Tam.
“Ayon sa kanilang talaan, nakabuo sila ng halagang P497,000 at napakinabangan ng kanilang mga kasapi sa pamamagitan ng kanilang programang pautang,” sabi ni Tam.
Ang CARRD ay isang non-government organization na nabuo noong 1987 upang magbigay ng tulong teknikal sa mga pesanteng organisasyon at pormal na nailunsad noong 1989 upang isulong ang repormang pansakahan at pagpapaunlad sa kanayunan.
Ang kapuri puring nagawa ng MASSBA ARC Cooperative ay nagtutulak ngayon sa DAR para ganap na pagpapatupad ng Agricultural Insurance Program (AIP) at ng Agrarian Production Credit Program (APCP) upang mabawasan ang kalugian sa agrikultura dala ng mga kalamidad at peste.
“Inaasahan naming magkaroon ng 9,000 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na makakakuha ng crop insurance at nagsasagawa na kami ngayon ng pagpupulong sa kanila kung paano sila makakakuha ng insurance pati na rin ang pautang,” sabi ni Tam.
Nagsasagawa ngayon ang DAR-Bicol ng pagsasanay sa underwriting sa mga ARBOs bilang bahagi ng paghahanda upang makasali sa AIP. Ang agarang pagkumpleto ng mga requirements ay kinakailangan upang masimulan na ang insurance program upang makasabay sa darating na panahon ng pagtanim, ayon kay Tam.
Ang pamahalaang pambansa ay naglaan ng P1 bilyon para sa AIP na ipatutupad ng DAR kasama ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) at P1 bilyon din sa APCP na sama-samang pinapatupad ng DAR, Department of Agriculture (DA) at ng Landbank of the Philippines, sabi ng DAR-Bicol sa Philippine Information Agency.
Ang AIP ay isang tulong sa pamamagitan ng insurance na puwedeng gamitin para iseguro ang bigas, mais, high-value crops kasama na ang mga alagang hayop ng ARBs, ayon sa DAR-Bicol. Ang APCP naman ay nagbibigay ng pautang sa mga ARB o kapamilya ng ARB sa pamamagitan ng mga organisasyon o ibang conduit sa pagsuporta ng pagsasaka ng isang magsasaka o ng pamayanan.
“Sinisiguro ng APCP ang sustenableng produksiyon ng tanim at itaas ang kita ng ARBs at kanyang pamilya upang palakasin ang ARBOs at paunlarin ang kakayahan ng mga ARBs sa pamamagitan ng institutional capability building,” sabi ni Tam.
Maliban sa pautang upang magkaroon ng kapital ang produksyon ng tanim, ang APCP ay nagbibigay din ng kasunduan para sa produksiyong agrikultural, suporta sa pamamahalang pinansiyal at institutional capability building para sa ARBOs, sabi ng DAR-Bicol sa PIA. Inihahanda rin ng programa ang mga ARBO upang maging credit conduits at binibigyan prayoridad ang mga probinsiya na may mataas na talaan ng land acquisition and distribution (LAD), ayon sa DAR-Bicol.
Ayon sa DAR-Bicol, 57 porsyento lamang ng mga magsasaka ang may kakayahan na makautang sa mga institusyong nagpapautang habang isa sa tatlong ARB sa ARC ay nangangailangan ng pautang. Karadagan pa, ang mga bagong organisasyon ng ARB ay posibleng hindi pa kwalipikado sa ilalim ng credit assistance program-program beneficiaries development (CAP-PBD) ng DAR at LBP regular lending program at ang iba pang organisasyon ng ARB ay nangangailangan pa na palakasin ang kanilang organisasyon upang maging karapatdapat nang umutang. Ang mga sitwasyong ito ang nagtulak para ilunsad ang APCP sa pamamagitan ng pag-iisa ng resources at expertise ng DA, DAR at Landbank upang matulungan ang mga ARB na makakuha ng makakayanang pautang, tulong pangkaunlaran at tulong sa marketing. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)
No comments:
Post a Comment