Monday, August 19, 2013

1M lumahok sa humanitarian mission ng INC sa Albay

BY: SALLY A. ATENTO

LUNGSOD NG LEGAZPI, Agosto 19 (PIA) – Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Albay ang mainit na pagtanggap at suporta sa isinagawang “Lingap sa Mamamayan” humanitarian mission ng Iglesia ni Kristo Agosto 16 sa Riviera Lidong Sto. Domingo dito.

Ayon kay Albay governor Joey Salceda umabot sa tinatayang isang milyong katao mula sa iba’-ibang bahagi ng rehiyon ang dumalo sa nasabing pagtitipon kung saan tampok ang gift giving at medical mission.

Kaugnay nito, nagpalabas ng direktiba ang punong lalawigan sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC), Office of the Civil Defense (OCD) Bicol at lahat ng kinauukulang ahensya upang masiguro ang kaayusan at seguridad ng kaganapan na ito gayundin ng mga mamamayan sa probinsiya.

Una nang kinansela ng gobernador ang pasok sa bayan ng Sto. Domingo at mga baranggay ng Rawis, Bigaa, Arimbay, Bigaa at Padang bandang 7:00 ng umaga subalit bandang 10:00 ay kinansela na ang pasok sa lahat ng paaralan sa probinsiya bunsod ng matinding traffic at kakulangan sa mga pampublikong sasakyan na naupahan na upang sakyan ng mga kalahok sa nasabing pagtitipon.

Halos mapuno ng mga bus, jeep, truck at iba’t-ibang uri ng sasakyan ang mga pangunahing lansangan mula sa una hanggang pangatlong distrito ng Albay lulan di lamang ang mga kalahok kundi rin ang mga mamamayang papasok sa kani-kanilang mga paaralan, opisina at iba’t-ibang gawain

Upang maagapan ang kakulangan ng mga pampublikong sasakyan at matulungan ang mga stranded na pasahero inatasan ni Salceda ang Albay Public Safety and Management Office (APSEMO) at OCD na magsagawa ng Operation Libreng Sakay.

Bahagi nito ang 14 na truck na sinakyan ng mga mamamayan buhat at papunta sa mga lugar na apektado ng traffic at kakulangan ng pampublikong sasakyan. (SAA-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment