Wednesday, August 28, 2013

Paghango sa mga batang may mapanganib na trabaho, gagawing institusyon ng panukalang batas sa Masbate

BY: ERNESTO A. DELGADO

LUNGSOD NG MASBATE, Agosto 27 (PIA)—Magiging institusyon  sa lalawigan ng Masbate ang pagsusumikap na sagipin ang mga batang maagang nasadlak sa mapanganib na trabaho kapag naipasa ng pamahalaang panlalawigan ang isang ordenansa na nagtatadhana ng programa  sa child labor sa lalawigan.

Ang panukalang lokal na batas na pinamagatang “An Ordinance Defining And Penalizing The Use Of Children In Worst Forms Of Child  Labor, And Providing For A Program For The Prevention And Progressive Elimination Of Hazardous Forms Of  Child Labor In Masbate,”  ay inihain na kahapon sa Sangguniang Panlalawigan kung saan may himig ng pagsang-ayon ang mayorya ng mga kasapi nito.

Sa nakalipas na dalawang taon, tinustusan ng International Labor Organization at pinangunahan ng Department of Labor ang paglaban sa masasamang anyo  ng child labor sa Masbate.

Sa pag-aaral na isinagawa para sa ILO program, maraming mga bata sa Masbate ang maagang tumutulong sa paghahanapbuhay para sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pamamasukan sa konstruksyon, pangingisda sa karagatan, pagpapaalila, pagmimina, pagsasaka, paglalako sa kalsada,   pangangalkal ng basura at pamamalimos sa kalsada.

Ayon kay Carlos Onding ng DOLE sa Masbate, ang mga trabahong ito ay peligroso sa mga bata at balakid sa kanilang  karapatan sa kaligtasan, pag-unlad, paglahok, at  proteksyon.

Ilan sa mga batang manggagawa ang nahango na sa mahirap na kondisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng desenteng trabaho sa kanilang mga magulang at pagkakaloob sa kanila ng gabay .

Sinabi ni Onding na kahit nakakalas na sa programa  sa susunod na buwan ang International Labor Organization, magpapatuloy ang  paghango sa mga batang may peligrosong trabaho  sa Masbate sa tulong ng ordenansang isasabatas ng lokal na pamahalaan. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)




No comments:

Post a Comment