Thursday, August 15, 2013

Pambansang ICT Roadshow, sisimulan sa lungsod ng Naga

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Agosto 15 (PIA) -- Papangunahan ng National Confederation of ICT Councils of the Philippines o NICP ang dalawang araw na Information Communications Technology (ICT) Roadshow simula ngayong araw katuwang ang ilang ahensya ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon.

Napiling ganapin dito sa lungsod ang naturang aktibidad dahil sa pagkakasali ng lungsod ng Naga sa listahan ng 2013 Next Wave Cities in the Philippines.

Ayon kay ICT@Bicol Council chairman E. Daniel de Leon, gaganapin dito ang unang yugto ng pagbisita ng mga pangunahing miyembro at ICT players sa bansa dahil ito ang napagkaisahan ng mga opisyal ng pampubliko at pribadong sektor ng Information Technology-Business Processing Management (IT-BPM).

“Isang malaking karangalan, hindi lamang para sa mga Nagueno kundi na rin sa ating mga Bikolano na tayo mismo ang manguna sa ICT Roadshow. Hindi lahat ng lungsod o lugar ay nabibigyan ng ganitong pambihirang pagkakataon, kaya inaasahan po naming ang suporta ng ating mga kababayan sa aktibidad na ito,” paglalahad ni De leon sa ginawang press conference kanina.

Ang aktibidad ay may temang “Bringing ICT Opportunities to Countryside Filipino Talents,” ay isa ring malaking oportunidad sa mga Bikolano.

Nahahanay na rin ang lungsod bilang isang ICT investment destination and IT-BPM hub dito sa bansa.

Sinabi ni De Leon na tatalakayin din ang pagkakataon na mapalakas ang maliit na negosyo sa pamamagitan ng digital commerce at gawing magtagumpay ito.

Ang iba pang mga lungsod na pupuntahan ng ICT Roadshow ay ang mga lungsod ng ng Baguio (Agosto 22-23), Laoag (Setyembre 5-6), Tacloban (Setyembre 12-13), Butuan (Setyembre 19-20), Puerto Princesa (Oktubre 11-12), Cagayan de Oro (Oktubre 24-25), Tarlac (Nobyembre 7-8), Iloilo (Nobyembre 18-19) at Rizal (Nobyembre 25-26).

Samantala, dahil sa kabilang sa top ten ang lungsod ng Naga sa listahan ng National Competitiveness Council (NCC) at bilang pang siyam na lugar sa mga nangungunang siyudad sa pagiging best in infrastructure at best in transparent LGUs sa buong bansa, nahirang ang lungsod sa mga kasaping next wave cities ng naturang roadshow. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)

No comments:

Post a Comment