Monday, August 5, 2013

Pribadong negosyo nagtulak sa ekonomiya ng Bikol – NSCB

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Agosto 5 (PIA) -- Sa pagrehistro ng rehiyon Bikol ng 7.1 porsyentong pagtaas sa gross regional domestic product (GRDP) noong 2012, ang National Statistical Coordination Board (NSCB) ng Bikol ay nagtala ng pag-unlad ng pribadong negosyo na magsusulong ng pagkakaroon ng trabaho, mataas na produksyon at paglaki ng kita.

“Ang services ang nagbigay ng pinakamalaking bahagi sa ekonomiya sa rehiyon sa pagtala ng 56% (growth rate),” sabi ni NSCB Regional Head Engineer Gil Arce sa isang pahayag sa medya.

Ang sektor ng serbisyo ay binubuo karamihan ng pribadong negosyo sa transportasyon, storage, komunikasyon, pangangalakal at pagkumpuni ng sasakyan, financial intermediation (pawnshops, insurance, banks, pre-need), real estate, renting at gawaing negosyo maliban sa public administration at defense, compulsory social security na binibigay ng pamahalaan, ayon sa NSCB.

“Kailangan natin ng pribadong negosyo upang magkaroon ng trabaho,” sabi ni National Economic Development Authority (NEDA) Assistant Regional Director Engineer Luis Banua. Maaaring ikonsidera ng mga pribadong negosyante ang paglunsad ng mga negosyong may kaugnayan sa agrikultura na sisiguro ng pagsulong ng pamahalaan ng pangkalahatang kaunlaran o inclusive growth.

“Ang (Agri-business) ay konti lang ang konsumo sa tubig at kuryente na nagpapabigat sa over-head na gastusin ng ibang industriya na service-oriented,” sabi ni Banua. Iminungkahi ni Banua na mainam sa Bikol ang agri-business sa abaka, niyog, pinya, paghahayupan, pangingisda at pagproseso ng pili. Ang industriya sa turismo ay nagtala din ng tuluy-tuloy na pag-unlad at kinokonsidera na isa sa nagbibigay ng malaking kontribusyon sa ekonomiya ng Bikol, ayon sa NSCB at NEDA.

“Galing sa Bicol ang 17 porsyento or 700,000 ng 4.2 milyon banyagang turista na bumisita sa Pilipinas noong 2012,” sabi ni Department of Tourism (DOT) Bicol Regional Director Maria Ong- Ravanilla. Ang target na isang milyon na banyagang turista o kahit 10 porsyento ng inaasahang darating na banyagang turista ay ikinasa sa Bicol pagdating ng 2016. Aabot sa P10 milyong kita ang inaasahan na makukuha ng Bicol sa industriya ng turismo sabi ni Ravanilla sa PIA.

Pinagdiinan din ng hepe ng NEDA ang kahalagahan ng paghahanda ng yamang tao o human resource para sa pagdami ng pribadong negosyo sa rehiyon. “Ang mga kursong may kaugnayan sa information technology, engineering, maritime, hotel and restaurant services ay rekomendado,” sabi ni Banua. Ang mga institusyon sa edukasyon ay kailangang may mga kurso na magbibigay ng tauhan para sa kasalukuyan at darating na mga industriya at pagnenegosyo sa rehiyon, ayon kay Banua.

Ayon sa NSCB, ang pagkakaroon ng trabaho na mahusay ang pasahod ay ang tanging paraan upang mahango ang mga Pilipino sa kahirapan. Subalit, kinakailanagang magkaroon ng nararapat na edukasyon upang magkaroon ng trabahong may mainam na sahod. Ang pagpapa-unlad ng sistema ng edukasyon ay nangangailangan ng malaking kapital.

Ang pagkakaroon ng trabahong may mataas na sahod ang dapat na resulta ng pamumuhunan sa agrikultura, industriya at mga serbisyo sa mga kanayunan sa labas ng Kamaynilaan. Upang matupad itong mithiin ng pamayanan, malaking pampublikong pamumuhunan sa edukasyon, kalusugan, mabuting pamamahala, imprastuktura sa kanayunan, seguridad at pagsulong sa produksyon ay dapat na unahin, sabi ng NSCB sa PIA. (MAL/JJJP-PIA5/PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment