Friday, September 6, 2013

Pamamahagi ng pantanim na mga punongkahoy patuloy sa Camarines Norte

DAET, Camarines Norte, September 6 (PIA) -- Patuloy ang pamamahagi ng mga pantanim na punongkahoy o forestry seedlings ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng LGU Provincial Environment and Natural Resources Office (LGU-PENRO).

Ito ay sa ilalim ng Provincial Forestry Seedlings Production and Tree Planting Program sa pamumuno ni Gobernador Edgardo A. Tallado na itinataguyod upang pagbigyan ang kahilingan ng mga publiko at pribadong tanggapan, grupo at indibidwal na humihiling ng mga pantanim na punongkahoy.

Sa pamamagitan din ito ng patuloy na pagpaparami ng ibat-ibang uri ng punongkahoy sa provincial nursery ng pamahalaang panlalawigan sa bayan ng Basud na siyang pinagkukunan ng mga ipinamamahaging pantanim.

Kamakailan lang ay ipinamahagi ang 715 pantanim na puno sa barangay Luklukan Sur sa bayan ng Jose Panganiban at 200 sa barangay Calabagas ng San Vicente kaugnay sa isinagawang tree planting activities bilang bahagi ng clean and green program ng naturang lugar.

Kabilang sa mga punongkahoy ang Camagong tree seedlings, Narra, Catmon, Dancalan, Banocboc, Pulawan Cherry at Mahogany tree seedlings.

Nakatakda naman ang 500 Mahogany tree seedlings na ibibigay sa Pablo S. Villafuerte High School sa bayan ng Mercedes para sa kanilang tree planting activities na isasagawa sa ika-13 hanggang 14 ng Setyembre ngayong taon.

Isasagawa ito sa pamamagitan ng Youth for Environmental and School Organization (YES-O) na isang organisasyon ng paaralan na binubuo ng mga guro, mag-aaral, magulang at kumunidad na nagtutulungan para maipatupad ang mga programang pangkalikasan.

Ito ay bilang suporta nito sa P-Noy 1 billion Tree Program ng pamahalaang nasyunal.

Samantala, sa patuloy na produksiyon ng mga pantanim ay pinangangasiwaan ito ng LGU-PENRO na pinamumunuan ni PENR Officer Engr. Leopoldo P. Badiola ng naturang tanggapan.

Layunin nito na magkaroon ng magandang uri ng mga pantanim na punongkahoy na madaling mabuhay at mabilis lumaki sa lugar na pagtataniman.

Isa rin itong paraan upang mapanumbalik ang luntiang kapaligiran at mapangalagaan ang ating mga likas na yaman.

Batay sa talaan ng LGU-PENRO umaabot sa 13,510 na ibat-ibang uri ng forestry seedlings ang naipamahagi na simula Enero hanggang Agosto ngayong taon. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)

- See more at: http://r05.pia.gov.ph/index.php?article=871378444783#sthash.IsAkAhvq.dpuf

No comments:

Post a Comment