Wednesday, October 30, 2013

PhilRice maglulunsad ng uri ng bigas upang maiwasan ang pagkakabulag

BY: JOSEPH JOHN J. PEREZ

LUNGSOD NG LEGAZPI, Okt. 30 (PIA) – Ang kakulangan sa bitamina A lalo na sa kabataan ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng mas masustansiyang uri ng bigas. Ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ay halos nasa pagtatapos na ng pagsasaliksik at pagsusuri nito sa genetically modified rice na tatawaging “golden rice.”

“Ang Golden rice ay nabansagan dahilan sa kulay dilaw o ginto nitong butil sanhi ng pagkakaroon nito ng beta carotene na kapag kinain ng tao ay magiging vitamin A,” sabi ni PhilRice Director at Chief Science Research Specialist Antonio Alfonso sa isinagawang media seminar sa bigas at nutrisyon noong nakaraang linggo sa Lungsod ng Legazpi.

Ang kakulanagan sa bitamina A ay maaaring makasama sa immune system at mabawasan ang kakayahan ng katawan na labanan o hadlangan ang impeksyon na magsasanhi ng pagtaas ng posibilidad ng pagkakamatay sa ordinaryong karamdaman lalo na sa kabataann, sabi ni Alfonso. “Ang kakulangan sa bitamina A ay maaaring magsanhi ng paghina ng paningin kasama ang night blindness na maaaring maging sanhi ng permanente, kalahati, o ganap na pagkabulag kung hindi magagamot,” sabi ni Alfonso.

Ang pinakahuling ulat sa kakulangan sa bitamina A sa Pilipinas na tinipon ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) sa 7th National Nutrition Survey in 2008 ay natuklasang 15.2% ng kabataan na edad 6 na buwan hanggang 5 taon ay mayroong kakulangan sa bitamina A.

Ang World Health Organization ay tinatantiyang 190 milyong pre-school na kabataan at 9 milyong buntis sa buong mundo ay kulang sa bitamina A.

Ayon sa PhilRice, ang kakulangan sa bitamina A ay nananatiling suliraning pangkalusugan ng sambayanang Pilipino na apektado ang halos 1.7 milyon kabataan na may gulang lima pababa at 500,000 buntis at nagpapasusong ina na karamihan ay nakatira sa liblib na lugar.

“Ang uri ng bigas na may sangkap na beta carotene ay naghahandog ng sustenableng tugon sa kakulangan sa bitamina A dahilan sa ang bigas ay kinakain at tinatanim sa Pilipinas at pangunahing  pagkain ng mahigit  3 bilyon katao,” sabi ni Antonio. Ang bigas ay madaling makuha kesa sa vitamin A supplements sa mga liblib na lugar,dagdag ni Antonio.

Inaasahang magigigng epektibo, sustenable at abot kaya ang Golden rice  bilang tugon at karagdagan sa kasulukuyang mga estratehiya sa pagsugpo ng kakulangan sa bitamina A sa mga taong mahilig kumain ng bigas, sabi ng PhilRice.

Ayon sa isang pag-aaral na inilathala ng American Journal of Clinical Nutrition noong 2009 napag-alaman na ang pagkain ng isang tasa ng Golden Rice bawat araw ay nakapagbibigay ng kalahati ng pangangailangan sa bitamina A ng isang tao.

Tiniyak din ni Antonio na ligtas kainin, abot-kaya at hindi magsasanhi ng masamang epekto sa palayan ang golden rice.

Sa kasalukuyan, ang Golden Rice ay nasa ilalim ng pagpapa-unlad at pagsusuri sa pagtitipon ng Philrice ng datos na isusumite sa mga tagasuri ng pamahalaan na mag-aaral sa datos at magkikilatis sa kaligtasan sa pagkain at kapaligiran ng nabanggit na uri ng bigas na inaasahang ilalabas sa pamilihan sa taong 2015. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment