Wednesday, November 6, 2013

Pasok sa mga paaralan, opisina sa Albay suspendido simula bukas

LUNGSOD NG LEGAZPI, Okt 6 (PIA) – Upang makapaghanda sa nakaambang panganib dulot ng bagyong Yolanda ipinagutos ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang pagsuspinde ng pasok sa lahat ng antas ng pampamahalaan at pampublikong paaralan at trabaho sa mga pampamahalaang tanggapan simula bukas, Nobyembre 7.

Ayon kay Albay Gov. Joey Salceda, PDRRMC chair, ang direktiba ay bahagi ng mga isinasagawa ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang negatibong epekto ng nakaambang kalamidad sa buhay ng mga mamamayan at makamit ang adhikaing “zero casualty.”

“Ang maagang pagsuspinde ng pasok ay para sa mga pamilya ng mga mag-aaral na ito at ng mga guro at tagapangasiwa ng paaralan upang mabigyan sila ng panahon na makapaghanda sa bagyo gayundin ang paghahanda ng mga paaralan upang magamit na evacuation centers,” ani Salceda.

Dagdag pa ni Salceda hindi sakop ng pagsuspendi ng pasok sa mga pampamahalaang ipisina ang mga tanggapan na kinakailangan sa emergency response kasama na ang  Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Bicol Regional Teaching and Training Hospital (BRTTH) at iba pang pampamahalaang pasilidad sa mga lungsod at bayan.

Hindi rin kasama sa nasabing pagsuspendi ang mga government financial institutions, lalo na mga bangko, upang makapagbigay-tugon sa pinansyal na pangangailangan ng mga mamamayan hanggang sa Biyernes bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa bagyo.

Hinihimok naman ang mga tindahan ng mga pangunahing bilihin, gamot at iba pa na manatiling bukas hanggang bukas ng hapon para sa mga mamimili upang masigurong sapat ang kanilang mga kinakailangan bilang paghahanda sa nasabing sama ng panahon.

Samantala, ayon kay Bicol regional director Bernardo R. Alejandro IV ng Office of the Civil Defense (OCD) at chairman ng Bicol Regional Disaster Risk Reduction Management Council (RDRRMC), kanya ring inererekomenda ang mga nasabing gawain sa mga DRR authorites ng ibang probinsiya sa rehiyon lalo na sa Masbate at Sorsogon na tinatayang maapektuhan ng bagyo. (MAL/SAA/PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment