Tuesday, November 5, 2013

Red tide warning, nakataas pa rin sa isang bayan sa Masbate

BY: ERNESTO A. DELGADO

LUNGSOD NG MASBATE, Nob. 5 (PIA)— Muling nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pagkain ng mga lamang dagat mula sa bayan ng Milagros sa Masbate.

Sa huling shellfish bulletin na inilabas ng BFAR, nanatiling positibo sa paralytic shellfish poison or red tide toxin ang baybaying dagat na sakop ng  Milagros.

Kabilang sa ipinagbabawal pa ring kainin at ibenta sa mga pamilihan ang mga lamang dagat kagaya ng alamang at talaba na makukuha sa baybaying dagat ng Milagros.

Ang isda, alimango, pusit at hipon ay ligtas namang kainin basta tanggalan ng bituka at hasang at linising mabuti bago lutuin at kainin.

Itinaas ang red tide alert sa Milagros sa pamamagitan ng shellfish bulletin No. 19 na inilabas ng BFAR noong Agosto 5.

Sa shellfish bulletin No. 25 na inilabas ng BFAR, ipinaalala ni BFAR Director Asis Perez na kabilang ang Milagros sa mga lugar na nananatiling mataas ang red tide toxin.

Nananatiling positibo sa dynoflagellate bloom o mas kilala sa red tide toxin ang baybayin ng Milagros.

Ang Milagros ay isang major source ng seafoods dahil sa yamang-dagat nito sa Asid Gulf.  Ang bulto ng marine products nito ay  iniluluwas sa kabisera ng Masbate, Metro Manila at Bicol mainland.

Kapuna-punang may pagsibol ng red tide sa Milagros magmula  noong dekada 90. Sa obserbasyon ng lokal na pamahalaan sa Milagros, ang red tide ay maaring magtagal ng ilang linggo o ilang buwan bago ito maglaho.

Hindi pa rin maipaliwanag ng mga syentipiko kung ani ang nagiging sanhi ng pamumukadkad ng dinoflagellates.

Bukod sa Milagros, Masbate, nananatili pa ring positibo sa red tide ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental at Balite Bay sa Mati, Davao Oriental. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=821383599117#sthash.ew54RkJX.dpuf

No comments:

Post a Comment