Thursday, January 9, 2014

Mabilis na serbisyo at maayos na pamamahala ipatutupad ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Enero 9 (PIA) -- Ipatutupad ngayong taon ng pamahalaang panlalawigan ang Camarines Norte Network Architecture (CNNA) upang mapakinabangan ng mas malawak ang information technology sa paghahatid ng mabilis na serbisyo at maayos na pamamahala ng gobyerno.

Ang lahat ng tanggapan ng kapitolyo probinsiya ay mapapabilang dito kung saan ang harapan naman ng kapitolyo ay magkakaroon din ng libreng Wi-Fi access sa tuwing may mga mahahalagang okasyon na isinasagawa.

Ang CNNA ay ang pagkokonekta ng mga computers ng bawat tanggapan ng pamahalaang panlalawigan o pagkakaroon ng local area network (LAN) kung saan makikita at magagamit ng mga tanggapan ang mga datus na kailangan para sa kanilang mga transaksiyon.

Mas mapapadali nito ang pag-access sa mga dokumentong kinakailangan at makakatipid sa ilalim ng LAN sapagkat hindi na kailangan ang bawat tanggapan ay magbayad ng kanilang linya ng internet.

Kaugnay rin ng proyektong ito, sa bisa ng resolusyon ng sangguniang panlalawigan blg. 463-2013 na hiniling sa lahat ng munisipalidad na magbigay ng libreng public wireless internet access sa mga municipal halls, state colleges, pampublikong parke at pagamutan sa pamamagitan ng paglalagay ng wireless internet hotspots sa kanilang mga gusali at paglalaan dito ng kaukulang pondo.

Ito ay susog sa itinakda ng Artikulo XVI, Seksiyon 10 ng ating konstitusyon “The State shall be provide the policy environment of the full development of Filipino capability and the emergence of communication structure suitable to the needs and aspirations of the nation and the balanced information into, out of, and across the country, in accordance with a policy that respects the freedom to speech and of the press”.

Binigyang-diin din sa resolusyon na akda nina Bise Gobernador Jonah Pimentel at Bokal Renee Herrera na ang internet ay daan sa mas mabilis na komunikasyon sa pagitan ng publiko at mga institusyon gayundin sa iba’t-ibang transaksyon katulad ng online banking, trading, procurement, sourcing at interaction.

Ang publiko ay madali na ring nakakakuha ng kaukulang dokumento at serbisyo mula sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan pati na ang pagsubaybay sa mga programa ng gobyerno sa pamamagitan ng internet.

Nakakapag-aral at nakakakuha na rin ngayon ng degree courses sa pamamagitan ng distance learning at online learning management systems dito.

Isinulong ng pamahalaang panlalawigan ang nasabing inisyatibo sapagkat tungkulin ng pamahalaan na magbigay sa publiko ng libre at access sa internet na nagpapakita sa determinasyon ng pamahalaan na maghatid ng tunay at epektibong communication and information technology upang higit na maisulong ang demokratikong karapatan at interes ng mga mamamayan. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/index.php?article=881389232376#sthash.CSwEmCTQ.dpuf

No comments:

Post a Comment