Thursday, February 13, 2014

14 na mag-aaral na nakapasa sa pagsusulit binigyang pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte

BY: REYJUN VILLAMONTE

DAET, Camarines Norte, Peb. 13 (PIA) -- Binigyan ng pagkilala kamakailan ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte ang 14 na mag-aaral na nakapasa sa isinagawang pagsusulit ng Philippine Science High School System (PSHSS) Search for Scholars para sa ngayong taon.

Sa pangunguna ni Bise Gob. Jonah G. Pimentel, pinagkalooban ng Sangguniang Panlalawigan ng Certificate of Recognition ang mga mag-aaral na nakapasa sa  PSHSS-Bicol Region Campus  mula sa limang paaralan sa elementarya sa lalawigan.

Sa 14 na mag-aaral, anim ang mula sa Daet Elementary School (DES); tig-tatlo sa Montessori Children’s House of Learning (MCHL) at Labo Elem. School (LES),  at tig-isa naman sa Vinzons Pilot Elem. School (VPES)  at  Camarines Norte State College (CNSC).

Ito ay pinagtibay kamakailan ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolusyon Blg. 020-2014 na kumikilala sa 14 na mga mag-aaral.

Ang tagumpay ng mga mag-aaral ay naghatid ng malaking karangalan hindi lamang para sa kanilang sarili, magulang at paaralan kundi sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ito ay magsisilbing inspirasyon sa mga estudyante at magulang upang higit na magsikap, magpunyagi at paghusayin ang pag-aaral para maging produktibong mamamayan ng bansa.

Katangi-tangi ang nakamit ng naturang mga kabataang mag-aaral dito sapagkat sa 22,661 na sumailalim sa nationwide entrance exam  na ibinigay ng  PSHSS  noong Oktubre 2013,  kabilang sila sa may 1,231 estudyante o 5.43%   na tanging nakapasa sa pagsusulit.

Kabilang sa mga mag-aaral sina John Paul Cereno Mago – VPHS; Princess Willen Frilles Villarin – CNSC; Rae Gabriel Escolano Samonte, Kurt John Brimbuela Palivino at John Harold Juan Natano – LES; Philip Jonathan Obusan Malubay, Adriana Roni Caleon Bombase at Aldrian Perez Alarcon – MCHL, at mula sa Daet Elem. School – Viberly Rashad Rom Reyes, Jose Elijah Perez Pineda, Shiri Padrigon, Jence Christian Prestado dela Fuente, Janvirben Tagala Cale at Kristel Gayle Labrador Abriol.

Sa 14 na nakapasa, si Reyes lamang ang tanging nagkwalipika sa PSHSS Main Campus sa Maynila at pwedeng pumasok sa Bicol Region Campus. (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)