Wednesday, March 11, 2015

Kaayusan ng pangangasiwa ng slaughter house sa Sorsogon City, siniguro

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 11 (PIA) -- Pormal na pinulong ng punong lungsod ang mga opisyal na itinalagang nangangasiwa ng Sorsogon Slaughter House o katayan ng mga baboy at baka dito sa lungsod.

Ang pulong ay kaugnay sa problemang ipinaabot ng mga tindero ng karne at apektadong sektor sa palengke sa  tanggapan ni Alkalde Sally Lee ukol sa pagkawala ng mga laman-loob ng kanilang mga baboy sa loob mismo ng lugar katayan.

Bilang tugon ng alkalde ay napagkasunduang baguhin ang mga  regulasyunes sa slaughter house at ipatupad sa mga trabahador ang pagkuha ng identification cards at police clearances para masigurong mga lehitimong mangagawa lamang ang makapasok sa loob.

Habang ang mga pribadong mangangatay naman ay kinakailangang magdala ng  seritipikasyon bilang patunay na sila ang inatasan ng kanilang mga amo.

 Marami ang mga alituntuning binago tulad na lamang ng  tamang pagtatala ng mga ipinapasok  at inilalabas na mga baboy at baka.

Masyado din aniyang maluwag ang seguridad kung kaya’t marami ang mga hindi awtorisadong mga tao na lango sa alak at droga ang malayang nakakalabas masok sa nasabing pasilidad.

Pinangunahan ni  Sorsogon City Veterinary Officer Dr. Alex Destura ang naturang pag-uusap kaugnay rin ng problema sa sistema ng sanitasyon o ang  pag-obserba sa paggamit ng  Butcher dress, guwantes at bota .

Sinabi  ni  Destura ang derektiba ay ibinaba sa kanyang tanggapan na silipin ang sitwasyon at gumawa ng agarang hakbang at solusyunan  ang problemang kinakaharap sa maayos at mahinahong pamamaraan.

Ito ay bilang patunay na walang sinisino at kinikilingan ang administrasyon  at nakahandang making sa mga hinaing ng apektadong mamamayan.

Kabilang naman sa mga dumalo at nakinig sa talakayan sina City Traffic Chief Victorino Daria III at City Police Chief Pol. Supt. Aarne Oliquino.

Nagbigay naman ng kasiguruhan si Oliquino na magtatalaga ito ng mga personahe para magpatrulya sa paligid ng Slaughter House para mamantini ang kaayusan.  (MAL/FBT-PIA5/Sorsogon)

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/2581426060437/kaayusan-ng-pangangasiwa-ng-slaughter-house-sa-sorsogon-city-siniguro#sthash.jse1nI4K.dpuf

No comments:

Post a Comment