Sunday, April 19, 2015

Barangay na sakop ng forest program sa Albay patuloy na nadaragdagan

LUNGSOD NG LEGAZPI, Abr 14 (PIA) – Umabot na sa 216 na mga barangay sa Albay ang sakop ng Barangay Forest Program (BFP) na siyang itinuturing na pinakamalaking reforestration program na inilunsad sa probinsiya noong Marso 7, 2015.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol director Gilbert Gonzales kanya nang pinamamadali ang pagbibigay ng mobilization fund sa lahat ng mga barangay na masasakop ng programa upang kanila ng masimulan ang mga proyekto sa ilalim ng programa tulad ng seedling production.

Ang mobilization fund ay 15% ng kabuuang halaga ng proyekto.

Sa ngayon ay aabot na sa 949,719 seedlings ang naipon ng mga sakop na baranggay para sa outplanting sa pagdating ng tag-ulan.

Ani Gonzales, patuloy rin ang technical team ng DENR na binubuo ng mga forest extension officers sa pag-aaral ng mga lugar o baranggay na nararapat para sa BFP upang maabot ang kabuuang target na 1,614 ektarya sa Albay.

Layunin ng DENR na maisama sa BFP ang mga lugar na pagmamay-ari ng LGUs, may katabing sapa, communal forest o watershed, open and denuded forestland at iba pang nararapat na lupain. Ilan sa mga itatanim dito ay mga namumungang kahoy, mangroves, kawayan at iba pa.

Sa ilalim ng BFP, ang DENR ang magbibigay ng pondo sa unang taon ng pagpapatupad ng programa at ang barangay naman ang magsasagawa ng mga proyekto. Sa pangalawa at pangatlong taon naman ay bibigyan na ito ng alokasyon mula sa IRA ng barangay.

Dagdag pa ni Gonzales, ang BFP ay isang paraan ng DENR katuwang ang DILG sa pagsuporta sa National Greening Program na isang priority program ng pamahalaan na may layuning makapagtanim ng 1.5 billion na kahoy sa 1.5 ektarya ng lupain.

Ito ay kasunod rin ng napirmahang kasunduan sa pagitan ng DENR at panlalawigang pamahalaan ng Albay nitong nakalipas na taon upang maparami ang kakahoyan sa lalawigan na isang paraan din sa pagbaka laban sa pagbabago ng panahon at pagbigay proteksyon sa lalawigan sa panahon ng kalamidad.

Ang BFP ay ipinatutupad din sa Ilocos at Davao del Sur bilang mga pilot sites. (MAL/SAA/DENR5/PIA5/Albay)

   

- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/2571428995290/barangay-na-sakop-ng-forest-program-sa-albay-patuloy-na-nadaragdagan-#sthash.OA36FPiJ.dpuf

No comments:

Post a Comment