NFA RICE NAGING MATUMAL ANG BENTAHAN
MATAPOS TUMAAS ANG PRESYO NITO NG P2
NAGA CITY — Nagiging matumal ang bilihan ng NFA rice ngayon sa pagtaas nitong dalawang piso bawat kilo na nag-umpisa noong nakaraang araw dito sa lalawigan ng Camarines Sur.
Ayun kay Assistant Provincial Manager Nora Fullosco na nabawasan ang bintahan ng bigas ng NFA sa mga retail outlets sa buong probinsya. Sa ngayon ang presyo ng NFA rice ay 27 pesos sa mga retail outlets samantalang binibili ng mga wholesaler sa halagang 25.00 pesos na dati 23.50 bawat kilo.
Sinabi ni Asst. Manager Fullosco na posibleng maapektuhan ang presyo ng commercial rice. Kahapon nagtaas naman ng piso ang commercial rice sa wholesale kung kayat inaasahan na tataas naman ang presyo nito sa mga retail outlets.
Ang presyo ng commercial rice sa ngayon ay naghahalagang P31 hanggang P35 bawat kilo at mas mataas ang presyo ng mga superior quality rice.
Ipinahayag pa ni Asst Manager Nora Fullosco na ang presyo ng palay ni binibili ng kanilang opisina sa halagang 17.70 bawat kilo.
Sa iba pang balita, ang Department of Agriculture sa Bikol , International Fund for Agricultural Development (IFAD) at European Commission nakatakdang magbigay ng mga certified seeds sa mga magsasaka na rehistrado ng Municipal / City Agriculturists Office.
Ayun kay DA Regional Director Jose V. Dayao na makakatanggap sila ng isang bag na certified inbred rice seeds (40kgs) bawat ektaryang sinasaka.
Sa tulong ng mga LGUS ang nasabing distribution ng certified seeds ay base sa masterlist ng municipal agriculturist na ang qualifikadong magsasaka ay mga landowners, farm tenants,leaseholders at administrador ng mga palayan na nasa rainfed areas at lowland irrigated areas. (PIA CamSur)
MASBATE CITY TINATAHAK ANG DAAN NG GOOD GOVERNANCE
MASBATE CITY— Bukod sa Maguindanao, ang lalawigan ng Masbate ang agad pumapasok sa alaala kapag nababanggit ang liga ng mga pook ng patronage politics.
Walang komokontra kaya naaambunan ng ganitong political character ang isang nagniningning na bahagi ng Masbate.
Sa mga naghahanap ng modelo ng good governance, subukan nilang tingnan ang bahaging ito ng lalawigan ang kapital na tinatawag na Masbate City na tahimik na gumagawa ng pagbabago sa nagdaang apat na taon.
Niyapos ng Syudad ng Masbate ang Performance Governance Syste, ang pamamaraan para maging efficient service organization ang isang local government.
Sa Performance Governance System, lahat katulad ng vision, mission, goals at objectives ng Masbate City ay sinusukat sa pamamaraan ng tinatawag na “balanced scorecard.”
Bilib si Masbate City Mayor Socrates Tuason sa scorecard dahil kung meron ka aniya nito hindi mo na kailangan pang sabihin sa department heads at empleyado ang kanilang gagawin dahil iginigiya sila ng scorecard.
Kailangan na lang aniya ng namumuno na magparamdam ng politcal will sa mga pakikibaka katulad ng pagtigil sa korapsyon upang mabalik ang tiwala sa pamahalaan.
Ang Institute for Solidairty in Asia ang nagdala ng Performance Governance System sa Masbate. Sa katunayan, dumating ngayong umaga ang opisyal ng Intitute for Solidarity in Asia para sa taunang evaluation ng scorecards ng city government.
Ang grading sa paggamit ng Performance Governance System ay para sa taong 2010.
Bagama’t ilang taon pa bago marating ng Masbate City ang kinatatayuan ng premier good governance model na Naga City, maituturing na ang makeover na dulot ng Performance Governance Sytem ay sapat na para mawalay ito sa hanay ng patronage politics. (PIA Masbate)
BFAR PINAG-IINGAT ANG PUBLIKO SA PAGKAIN NG MGA LAMANG-DAGAT MULA SA SORSOGON BAY
SORSOGON CITY — Sa pagpasok ng mga kali-kaliwang selebrasyon at kainan ngayong Disyembre, muling ipinanawagan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa publiko na mag-ingat sa pagkain ng mga lamang-dagat mula sa Sorsogon Bay.
Ang panawagan ay bunsod pa rin ng nakataas na shellfish ban sa buong lalalawigan sanhi ng red tide at ang ilang insidente ng pagkakamatay ng mga isda na apektado ng pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan nitong mga nakaraang araw.
Sa pinakahuling shellfish Bulletin ng BFAR, positibo pa rin ang Sorsogon Bay sa nakalalasong red tide kung kaya't mahigpit pa ring pinag-ingat ang publiko.
Ayon kay BFAR Sorsogon Fisheries Officer Gil Ramos, tanging ang badoy lamang ang pinapayagan nilang maibenta at kainin subalit dapat pa ring dumaan ito sa kaukulang clearing. Muli din niyang idiniin na bawal kainin ang baloko at ang iba pang mga shellfish mula Sorsogon Bay. Subalit nilinaw nitong kung talagang nais kumain ng baloko, tanging ang tinga lamang nito ang maaari nilang irekomendang kainin at hindi ang ibang bahagi nito.
Aniya, masusing pinag-aaralan din sa ngayon ng BFAR kung nararapat nga ang pagdedeklara ng state of calamity dahilan sa matagal nang pamamalagi ng red tide dito. Regular din nilang minomonitor ang Sorsogon Bay upang matukoy kung hanggang saan na umaabot ang toxicity level dito.
Nilinaw din niyang ang mga isda mula Sorsogon Bay ay ligtas pa ring kainin ngunit kinakailangang linisin lamang ito ng mabuti.
Samantala, inamin ni Ramos na may ilang mga LGUs at mga indibidwal na mangingisda ang nagpaabot na sa kanilang tangapan ng request ng mga fingerlings bilang pamalit sa mga nangamatay na isda sanhi ng pagbuga ng abo ng Mt. Bulusan.
Ngunit sinabi ni Ramos na hindi pa sila maaaring magbigay ng mga fingerlings hanggat hindi pa tuluyang humuhupa ang pag-aalburuto ng bulkan sapagkat aniya'y mawawalang say-say din lamang ito.
Sinabi ni Ramos na natural lamang na mamatay ang mga isda kung nadadaluyan ng lahar ang mga tubig na tirahan ng mga ito. Sinabi niyang sa ngayon ay dapat pa ring mag-ingat ang mga residente sa pagkain ng mga isda na galing sa mga ilog na dinadaluyan ng lahar kahit pa nga ilang araw na ring nanahimik ang Mt. Bulusan, sapagkat maaaring hindi pa tuluyang ligtas sa kontaminasyon ng sulfur ang mga ilog na siyang nagiging dahilan upang mamatay ang ilang mga isda.
Payo nila'y maaari pang kainin ang mga isda kung buhay pa ito kahit pa naghihingalo na, subalit mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagkain ng mga isda kung patay na ito bago pa mahuli. (PIA Sorsogon)
SORSOGON HINIHINTAY ANG DA HINGGIL SA SUSPENSYON NG HIGH VALUE CROP SEEDS
SORSOGON CITY — Hinihintay na lang sa ngayon ng Provincial Agriculture Office ng Sorsogon ang resulta ng ipinatawag na pulong ni Department of Agriculture Secretary Proceso J. Alcala at ng mga matataas na opisyal ng DA noong Biyernes ukol sa magiging aksyon nito sa pagsuspinde sa distribusyon ng mga High Value Crop Seeds o ang subsidy para sa mga magsasaka hindi lamang sa lalawigan ng Sorsogon kundi sa buong bansa.
Ayon kay Assistant Provincial Agriculture Officer Tess Destura, una na nilang ipinaabot kay Sen. Panginilan sa pagbisita nito dito kamakailan, ang kasalukuyang estado ng agrikultura ng lalawigan.
Ayon kay Destura bagama't hindi naman gaanong naapektuhan ang mga palayan at ibang produktong agrikultural, karamihan naman sa mga puno ng saging at coconut plantations ay napuno ng abo, subalit dahilan sa malimit na pag-uulan ay madali ding nahuhugas ang mga ito.
Kung kaya't mas pinagtuunan nila sa kanilang rekomendasyon ang petisyon na muling ibalik ang programa ng pamahalaan sa subsidy o distribusyon ng HVC seeds na siyang hinahanap at hinihingi ngayon ng mga magsasaka dito sa lalawigan.
Matatandaang sa naging pagbisita kamakailan dito ni Senate Committee Chair on Agriculture and Food Sen. Francis Pangilinan ay nangako itong ipararating niya kay DA Secretary Proceso Alcala ang mga rekomendasyong ipinaabot ng mga opisyal ng lalawigan ng Sorsogon.
Nagbigay katiyakan din si Pangilinan na maliban sa isang milyong pisong tulong na ibinigay nya ay magpapadalang muli ng tulong ang kanyang tanggapan upang maiangat pa ang agrikultura sa lalawigan at muli ding maibangon ang mga kabuhayang nasira dahilan sa pag-alburuto ng bulkan sa ilang mga lugar dito. (PIA Sorsogon)
GALING BIKOLNON NAIPAMALAS MULI SA CE AT MIDWIFERY BOARD EXAM
LEGAZPI CITY — Muling namayagpag ang galing ng mga mag-aaral na Bikolano matapos makuha ang 2nd, 4th, at 5th top place sa katatapos pa lang na board examination sa Civil Engineering.
Si Melito Andrew Doma Daro ng Sorsogon State College sa Sorsogon City ang nakakuha ng pangalawang pinakamataas na grading 96.30%, pumang-apat naman si John Francis Pili Manila ng Bicol University sa Legazpi City na nakakuha ng rating na 94.90%, samantalang panglima naman si Russel Benosa Herno ng Sorsogon State College may rating na 94.75%.
Ayon kay Dr. Elenita Tan, regional director ng Professional Regulation Commission (PRC) Bicol, ang karamihan sa mga state universities at colleges sa bansa ay nakapasok sa top ten, bagamat mayroon rin mga private schools.
Dagdag pa ni Tan, nangunguna pa rin ang University of the Philippines (UP) Diliman ang top performing civil engineering schools sa bansa na may passing percentage na 95%. Sa kabuuang examinees na 60, 57 dito ang pumasa.
Pangalawa sa UP diliman, ang University of Santo Tomas (UST) may passing percentage na 83.96%, sa examinees na 106 ang pumasa ay 89.
Sinabi pa ni Tan na nakapasok din sa mga performing schools sa bansa ang Bicol University, Sorsogon state College, Camarines Sur Polytechnic College, at Ateneo de Naga, na pawang mga nasa Bicol.
Samantala, idinagdag rin ni Tan na nanguna naman ang Catanduanes State College sa Midwifery Exam sa buong bansa , na umabot ang passing percentage sa 91.84% at apat sa mga estudyante nito ang napasok sa top ten. (MALoterte, PIA V)
MABILISANG PAGLILITIS SA MGA KASO NG BILANGGO SA SPJ IPINAG-UTOS
SORSOGON CITY — Ipinag-utos ni Sorsogon Governor Raul Lee sa mga abogado at huwes dito ang mas mabilisang paglilitis sa mga kaso ng mga nakapiit sa Sorsogon Provincial Jail.
Ayon kay Provincial Jail Warden Major Josefina Lacdang, matapos ang pakikipagpulong niya kay Gov. Lee, tiniyak nito sa kanya na mas bibilis na ngayon ang paglilitis sa kaso ng mga bilanggo lalo’s nagbigay na rin ng direktiba ang gobernador sa mga abogado aat huwes na bigyang prayoridad ang kanilang mga kaso.
Ayon kay Lacdang hindi rin makatao at makatarungan sa isang tao na magdusa sa loob ng bilangguan ng lampas sa dapat sana’y hatol sa kanya kung nalitis agad ang kanilang kaso.
Sinabi din ni Lacdang na labingdalawang bilanggo din ang hindi maipagpatuloy ang paglilitis dahilan sa pagkakaroon nito ng diperensya sa pag-iisip sanhi ng mga pinagdadaanan nilang depresyon, subalit matapos ang mahigit isang buwang regular at maayos na medikasyon ay maaari na muling humarap sa hukuman ang mga ito.
Sa ngayon aniya ay mayroon na silang 326 na bilanggo kung saan 14 ang mga babae at 312 naman ang mga lalaki.
Lahat diumano ito ay mga detention prisoners, ibig sabihin on-going ang paglilitis sa kanilang kaso, habang ang mga nahatulan ay naipadala na lahat sa muntinlupa upang doon na nito tapusin ang kanilang hatol.
Kaso sa droga, murder at rape ang tatlong nagungunang kaso ng mga bilanggo habang pang-apat at panglima naman ang homicide at robbery.
Mga kaso sa droga at estafa naman ang karamihan sa mga kasong kinakaharap ng mga babaeng bilanggo. (BARecebido/PIA Sorsogon)
CODE OF ETHICS ORDINANCE PARA SA MGA PUV DRIVERS NG SORSOGON CITY, APRUBADO NA
SORSOGON CITY — Sa wakas kasado na sa Sangguniang Panlunsod ng Sorsogon ang CODE OF ETHICS Ordinance na isinusulong ni City Councilor Victorino Daria III para sa mga tricycle drivers na nag-ooperate sa kabisera ng syudad ng Sorsogon.
Ayon kay Daria, layunin ng nasabing Code of Ethics Ordinance na mabigyang kaalaman, matuto,madisiplina ang mga namamasadang drayber at maging presentable at magalang ang mga ito sa pagtrato ng mga pasahero ng sagayon ay maitaas ang antas ng impresyon sa transportasyon ng mga bisitang napupunta sa Sorsogon City.
Matatandaang maraming reklamo na rin ang naipaabot sa tanggapan ni Daria ukol sa pagiging bastos at walang modo ng ilan sa mga drayber dito maliban pa sa ilang mga drayber na sobrang maningil, patuloy na paninigarilyo sa behikulo kahit bawal na ito, pagiging madungis at pamimili ng mga pasahero.
Kaugnay nito, isang Code of Ethics and Values Formation Seminar ang nakatakdang ganapin sa Disyembre 4-5, 2010sa Provincial Gymnasium ng Sorsogon.
Habang ang 2nd phase naman ay gagawin sa Disyembre 18, 2010 sa magkaparehong lugar. Pangungunahan ang seminar ng mga kinatawan ng Bureau of Fire protection, provincial Disaster Risk Reduction and management Office at Philippine red Cross.
Maliban sa code of conduct ay nakatakda ring bigyan ng kaukulang impormasyon ang mga tsuper ukol sa tamang pagbibigay ng mga pangunang lunas sakaling may mga pasaherong nakakaranas ng discomfort o di kaya’y nagkakaroon ng mga aksidente sa daan. (BARecebido/PIA Sorsogon)
SUSPENSYON NG OFFENSIVE MILITARY OPERATIONS, WELCOME SA PHIL. ARMY SA ALBAY
LEGAZPI CITY — Buo ang suporta ng Philippine Army sa ideneklarang Suspension of Offensive Military Operation (SOMO) ng pamahalaan na mgasisimula sa Disyembre 16, 2010 hanggang sa Enero 3, 2011.
Bago pa man ang deklarasyon, inihayag na ni Col. Arthur Ang, brigade commander ng 901st Brigade kan Philippine Army, na hangarin niyang maging mapayapa ng pagdiriwang ng Kapaskuhan sa pagpapatupad ng tigil-putukan ng mga tropa ng gobyerno at mga rebelde.
Ginawa ni ANg ang pahayag sa kanyang pagbisita sa mga kampo ng military sa unang distrito ng Albay upang ibahagi rin an gang kanyang mga programa bilang bagong brigade commander ng Philippine Army sa Albay.
Nagpaalala rin si Ang sa kanyang mga sundalo na mahaharap ang sinumang lumabag sa patakarang bawal magpaputok sa Pasko gamit ang kanilang mga baril kung hindi naman kaugnay ng pagtupad ng kanilang tungkulin.
Maalalang inihayag ni GRP chief negotiator Alexander Padilla ang Christmas ceasefire na magtatagal ng 18 araw. Ito ang pinakahahabang SOMO na ipapautob sa nakalipas na 10 taon. (PIA Albay)
PNP, NASABAT ANG 17 BARIL SA BUS PAPUNTANG M. MANILA
LEGAZPI CITY — Nasabat ng mga otoridad ang 17 mga baril sakay ng isang Ro-ro bus habang arestado ang dalawang drivers sa checkpoint sa bahagi ng Brgy. Putiao, bayan ng Pilar, Sorsogon, dakong alas 6:30 kagabi.
Ayon kay Inspector Jim Jeremias, hepe ng checkpoint operations ng Pilar PNP, sinabi nito na nakabalot sa mga dyaryo ang 14 na piraso ng .38 caliber pistol at tatlong kalibre .45 baril.
Nadiskubre ang isang karton na naglalaman ng mga baril sa mismong ilalim ng upuan ng driver habang nakatago naman sa bandang likod ang isa pang karton.
Pinaghihinalaang galling sa Masbate ang Ro-Ro bus na may plakang TXB 911 at body number na 701 na dumaong sa Pilar Port at dideretso sana ng Metro Manila.
Minamaneho ito ng mga naarestong drivers na sina Goerge Kitones Jr., at Victor Gonzales.
Hindi pa makumpirma sa ngayon kung taga saan ang mga suspek at saan sa Metro Manila dadalhin ang mga armas.
Naniniwala ang mga otoridad na ibebenta ang naturang mga baril.
Nasa kustudiya na ngayon ng Sorsogon PPO ang mga suspek habang inilipat naman sa ibang bus ang mga pasahero. (PIA Albay)
KARAGDAGANG BONUS PARA SA ALBAY PROVINCIAL EMPLOYEES, IBIBIGAY NG LOKAL NA PAMAHALAAN - GOV. SALCEDA
LEGAZPI CITY — Dahilan umano sa magandang pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Albay, ninananis ngayon ng lokal na pamahalaan na mabigyang ng karagdagang P15,000 plus o 14th month bonus para sa taong 2010 ang mga empleyado ng gobyerno.
Ayon kay Governor Joey Salceda, ito ay sa masigagsig at dedikasyon ng mga kawani ng mga kawani para maipatupad ang mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan, lalo na ang mga basic social services sa publiko.
Dahilan rin umano rito ay naging maganda rin ang tala ng pag-ahon ng ekonomiya ng Albay at naipatupad ang mga kinakailangan programa at proyekto kay\ugnay na rin sa pag-abot ng mga hangarin ng Millennium Development Goals (MDG ng lalawigan.
Maari umanong ibigay ang nasabing karagdagang bonus na nagmula sa natipid ng lokal na pamahalaan na umaabot sa P47 milyon para mga empleyado bago sumapit ang Pasko. (MALoterte, PIA Albay)
CENTURY WOODS NA NAHUKAY SA KARAGATAN NG ALBAY,
NASA KOSTUDIYA NA NANG DENR-CENRO
LEGAZPI CITY — Nasa kostudiya na ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Albay ang mga nadiskubreng 14 pirasong mga malalaking troso na ginamit pa umano ng mga dayuhang Kastila 300 na taon na ang nagdaan.
Nasabat ang mga troso na umano’y ibibiyahe patungo sa bansang Hapon.
Ayon sa CENRO, maaring umabot sa milyong dolyar ang halaga ng nasabing mga troso kun na ayon sa mga eksperto ay malaki ang kaugnayan nito sa kasaysayan ng Pilipinas lalo na sa komersiyo ng bansa noong panahon ng Kastila.
Napag-alaman din sa pagsusuri ng National Museum na 365 nang taon nakalubog umano sa kadagatan an nasabing mga dambuhalang mga torso. Ayon rin umano sa pag-aaral na isinagawa sa Florida, Estados Unidos pinaniniwalaang pinutol ang mga nasabing puno noong taong 1650
Samantala ayon naman sa nakadiskubre ng mga troso na si Eammon Valera, natagpuan umano niya amg mga ito noong 1992 pa sa gitna ng karagatan na sakop pa ng Sitio Picadero, Sula Bacacay, Albay.
Ayon pa rin ay Valera, hindi naman umano personal na interes ang kanyang hangarin sa mga nasabing mga torso na kunsideradong national treasure ngunit pati na rin ang malaking kaugnayan nito sa kasaysayan ng Pilipinas. (MALoterte, PIA Albay)
CSC MASBATE, INATASAN ANG MGA TANGGAPAN NA IPATUPAD ANG DRUG-FREE WORKPLACE PROGRAM
MASBATE CITY — Bilang reaksyon sa kaso ng ilang empleyado ng pamahalaan sa lalawigan ng Masbate na nahaharap sa drug cases, nanawagan ang hepe dito ng Civil Service Commission na sundin ang guidelines kaugnay ng pagsusumikap ng pamahalaan na hindi mabahiran ng droga ang burukrasya.
Tinawag ni CSC Director Andronico Lanuza ang pansin ng mga hepe na aniya ay may tungkulin na isagawa ang mga hakbang sa pag-iwas at pagsugpo sa peligrosong droga.
Aniya tatlo ang hakbang na isinasaad ng resolution na kamakailan ay ibinaba ng komisyon:
Una ay ang mandatory drug testing sa mga empleyado at aplikante sa pamahalaan upang masiguro na walang drug user sa ahensiya ng gobyerno.
Ikalawa ang pagsagawa ng training, education at advocacy upang maintindihan ng mga opisyal at empleyado ang masamang epekto ng droga.
Panghuli ang pagtaguyod ng iba’t ibang activities upang mabighani ang mga empleyado na yakapin ang healthy lifestyle habang nasa trabaho o nasa bahay.
Muli ring nagbabala ang opisyal ng CSC na masisibak sa trabaho ang sinumang opisyal o empleyado na positibo sa paggamit ng droga. (PIA Masbate)
MGA BUS NA GALING METRO MANILA, GAMIT UMANO SA PAGPUSLIT NG KONTRABANDO SA MASBATE
MASBATE CITY— Mga pampasaherong bus ang ginagamit sa pagpuslit sa Masbate ng kontrabando na galing sa Metro Manila.
Ganito, ayon sa mga otoridad, ang ipinapahiwatig ng magkakasunod na pagkakatuklas ng kontrabando sa mga bus na linululan ng mga roll on-roll off type na barko at dinadala sa Syudad ng Masbate.
Mula nang buksan ang nautical highway sa Masbate nang nakaraang taon, maraming kontrabando na ang nasakote sa mga bus na galing Metro Manila.
Kasama dito ang pagkakatuklas noong Septyembre 10 ng 5 kilos ng shabu na dala ng dalawang babaeng pasahero ng Rorobus.
Noong Nobyembre 23, nasakote ng checpointCoast Guard sa Bulan, Sorsogon ang bulto ng firecrackers na isinakay sa isang Elavil Bus na nagmula sa Ali Mall Bus Terminal sa Quezon City at destinasyon ang Masbate.
At nito lamang nakaraang Linggo, Setyembre 5, tatlong .45 calibre pistols ang nabawi ng mga pulis Masbate sa Rorobus.
Naghinala ang driver ng bus na ang kahon na ilinulan sa bus terminal sa Quezon City ay kontrabando kaya isinurender niya ito kay Police Chief Inspector Rhoderick Campo.
Bunsod nito, nangako si Chief Inspector Campo na namumuno sa Masbate Provincial Public Safety Company ng mas mahigpit na pagmamanman sa mga bus na lulan ng Roro vessels.
Nagsasagawa rin ang Coast Guard ng random inspection ng mga bagahe ng mga pasahero ng bus. (PIA Masbate)
No comments:
Post a Comment