Tagalog news: Kampanya laban sa rabies higit na pinaigting, rabies-free Sorsogon target na maabot
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 15 (PIA) -- Sa kabila ng magandang record ng Sorsogon kaugnay ng kampanya sa rabis, patuloy pa rin ang lokal na pamahalaan ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office (PVO) sa pagpapaigting pa ng kanilang kampanya laban sa rabis.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu, sa pakikipagkawing sa Global Alliance for Rabies Control (GARC), target nilang maging rabies-free ang lalawigan ng Sorsogon kung kaya’t higit pa nilang pinaigting ang kanilang kampanya kung saan hiningi din nila ang tulong ng Sangguniang Kabataan sa buong Sorsogon upang maging mga volunteer vaccinator.
Ayon kay Dr. Espiritu, sa ginawa nilang inisyal na pagbabakuna nitong mga nakaraang buwan, nakita nilang epektibo ang naging pagtutulungan ng mga tauhan ng PVO at ng mga kabataan lalo pa’t sa loob lamang ng halos ay tatlong linggo ay umabot na sa 4,000 ang bilang ng mga nabakunahang aso.
Dagdag pa niya na sa pamamagitan ng Communities Against Rabies Exposure (CARE) Project ng GARC, mababawasan ang pagdami pa ng populasyon ng mga aso at maiiwasan ang posibilidad ng paglaganap pa ng rabies sa tao man o sa aso. Mababawasan din umano ang suliranin sa kalusugan ng publiko na may kaugnayan sa kagat ng aso.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa 52,000 populasyon ng aso sa buong lalawigan ng Sorsogon at target nilang mabakunahan ang 70 porsyento nito.
Kasama din umano sa programa ang pagbibigay ng tamang edukasyon sa publiko upang maiwasan ang panganib mula sa mga asong may rabies.
Nanawagan ang beterinaryo sa publiko na suportahan ang kampanya laban sa rabies at sa mga may mga alagang hayop na maging responsable nang sa gayon ay maiwasan ang masmalala pang suliraning dala ng rabies. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Tagalog news: Naga-X ilulusad ng Naga City Tourism Office
By Danilo C. Abad
LUNGSOD NG NAGA, Marso 15 (PIA) -- Nakatakdang ilunsad ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga sa pamamagitan ng Tourism office ang Naga-X o Naga City Excursion Tourism Package sa darating na Marso 22 na dadaluhan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Ramon R. Jimenez Jr.
Ayon kay Naga City Tourism Officer Alec Santos, kabilang sa tourism package ang tatlong araw at dalawang gabing pagbisita sa mga magagandang resorts sa loob ng lungsod at karatig na mga bayan o mga munisipyong nasasakupan ng Metro Naga. Kasama din sa package ang personal services, hotel accommodation and resto services.
Kabilang sa mga lugar na maaaring puntahan ng mga turista ay ang Peñafrancia Resort sa Barangay Carolina; Malabsay Falls Ecology Park sa may paanan ng Mount Isarog; Inarihan Dam; Panicuason Hot Spring Resort; Naga City Ecology Park. Maari ring puntahan ang Camarines Sur Water Sports Complex at iba pang tourist destination na matatagpuan sa lalawigan ng Camarines Sur.
Samantala, lalong pinalakas ng lokal na turismo ng lungsod ng Naga ang "public and private partnership." Isa sa mga napagkasunduan ay ang pag-aalok ng mga hotel at restaurants ng mababang presyo sa mga lokal at foreign tourists na bibisita dito.
Sinabi ni Santos na patuloy din ang pagdagdag ng nasabing mga negosyo lalo na ng food service industry sa loob ng lungsod ng Naga.
Matatandaan na nagkaroon ng kasunduan ang lokal na pamahalaan at mga negosyante na magbigay ng diskwento o mababang presyo o ang tinatawag na Naga City Great Sale na linahukan ng mga negosyante.
Ang local government unit ng llungsod ng Naga ay naniniwalang sa pamamagitan ng naturang kasunduan sa mga negosyante ay mas mapapalakas pa ang lokal na turismo sa lungsod. Batay sa record, umabot na sa 1.2 milyong turista ang bumisita sa lungsod noong 2012 at inaasahan na tataas pa ito ngayong taon dahil sa pagiging agresibo at inisyatibo ng lokal na pamahalaan na makasama sa mga package tours ang rehiyon Bicol. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)
Tagalog news: Kahalagahan ng Organikong Agrikultura, tinalakay
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Marso 15 (PIA) -- Tinalakay noong Martes, Marso 12, sa little theater ng kapitolyo dito sa probinsiya ang kahalagahan ng paggamit ng organikong agrikultura sa pamamagitan ng Consumer Awareness on Organic Agriculture.
Isinagawa ito sa samahan ng mga magsasaka sa lalawigan ng Camarines Norte para sa unang grupo sa apat na bayan ng Daet, Talisay, Basud at Vinzons sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon kay OPAg Acting Provincial Agriculturist Francia C. Pajares, layunin nito na hikayatin ang mga magsasaka na gumamit ng tradisyunal na pamamaraan sa pagtatanim sa pamamagitan ng organikong agrikultura.
Aniya, gamitin pa rin ang tamang pamamaraan sa pagsugpo ng sakit at peste sa mga tanim na hindi ginagamitan ng mga kemikal na nakakaapekto sa kalusugan ng tao.
Tinalakay naman ang Health, Safety and Wellness sa paggamit ng organiko sa mga pagkain na walang gamit na kemikal at mga sanhi ng sakit mula sa mga produktong may kemikal at kung paano ito malulunasan ganundin ang kahalagahan nito sa kalusugan at kapaligiran.
Tinalakay din ang batas at kahalagahan ng paggamit ng organikong abono sa ilalim ng Republic Act 10068 o Organic Agriculture Act of 2010.
Ang RA 10068 ay batas ng estado na isulong, palaganapin at paunlarin ang pagpapatupad ng paggamit ng organikong agrikultura sa layuning mapayaman ang mga lupaing tinataniman upang magkaroon ng masaganang ani.
Mabawasan ang polusyon at maiwasan ang pagkasira ng kapaligiran at maprotektahan ang kalusugan ng mga magsasaka at ang publiko at makatipid sa paggamit ng mga inangkat na gamit sa pagsasaka.
Ang organic agriculture ay sistema ng pagsasaka na hindi ginagamitan ng anumang kemikal na may masamang epekto sa kalusugan ng tao at nakasisira sa kalikasan. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
Tagalog news: Bayanihan Team patuloy sa Camarines Norte
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Marso 15 (PIA) -- Patuloy ang isinasagawang “Bayanihan Team” ng 49th Infantry (Good Samaritans) Battalion ng Philippine Army sa lalawigan ng Camarines Norte sa pamumuno ni Lt. Col. Michael M. Buhat, commanding officer ng naturang pamunuan.
Isinasagawa ito ngayon sa limang barangay ng bayan ng Sta. Elena at apat na barangay sa bayan ng Labo upang alamin ang mga pangunahing problema at mga isyu sa naturang lugar.
Ayon kay Lt. Col. Buhat, ito ay ipinararating sa mga tamang ahensiya na mayroong kaugnayan dito upang matugunan ang mga suliranin partikular ang mga problema sa lupain.
Katuwang dito ang mga ahensiya mula sa Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources, National Commission on Indigeneous Peoples at ang Presidential Agrarian Reform Committee.
Ayon pa rin sa opisyal, katuwang din ang Land Bank of the Philippines dahil karamihan na problema dito ang pagbabayad sa Certificate of Land Owned Award (CLOA), marami na rin ang benepisyaryo ng CLOA subalit kaunti ang nagbabayad sa monthly amortization dahil ito ay mawawala sakaling hindi sila makapagbayad.
Isinasagawa din ng naturang pamunuan ang pagsasaayos at pagtatayo ng mga palikuran at nakapagbibigay ng mga materyales na kailangan katuwang ang mga mamamayan ng barangay ganundin ang paglalagay ng mga balon mula sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Ang Bayanihan Team sa bawat barangay ay para alamin ang mga suliranin at iparating sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan at matugunan ang mga problema partikular na ang mga usapin sa lupa.
Prayoridad ang mga malalayong barangay dahil mas malaki ang pangangailangan nila dahil sila ang mga lugar na hindi masyadong nararating ng mga ibat-ibang ahensiya ng ating pamahalaan ganundin ang mga programa.
Ang Bayanihan Team ay magpapatuloy sa pakikipagtulungan ng mga barangay upang matugunan ang mga proyekto at mga pangangailangan sa kanilang lugar.
Matatandaan ng nakaraang taon, 61 barangay na sa lalawigan ng Camarines Norte na mayroong Bayanihan Team sa pamamagitan ng pamunuan ng 49th IB.
Ayon naman sa pahayag ni Lt. Col. Buhat sa mga barangay, ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa mga kasundaluhan at sa lokal na pamahalaan upang ganap nang makamit ang kapayapaan at kaunlaran.
Bukas ang kanilang pamunuan sa mga impormasyon na ipararating sa kanila upang matulungan higit na ang mga naging biktima ng paglabag sa mga karapatang pantao ng mga New Peoples Army, tulungan silang maibalik ang mga labi nito sa kanilang mga pamilya at magkaroon ng maayos na libingan.
Ayon pa rin kay Buhat, nais din na iparating ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bukas din ang kanilang tanggapan para sa mga magbabalik loob kung saan mayroong programa dito na nagbibigay ang AFP ng halagang P50,000 para sa mga mayroong matataas na kalibre ng armas.
Dagdag pa niya, tatanggapin pa rin ang mga walang dalang armas upang mabigyan ng maayos na pamumuhay sa pamamagitan ng Comprehensive Local Integration Program na programa ng mga lokal na pamahalaan para mabigyan ng panimulang pamumuhay at tamang kinabukasan ang kanilang mga anak. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
Tagalog news: Suspek sa massacre ng isang pamilya sa Masbate tinutugis ng pulisya
By Rogelio Lazaro
LUNGSOD NG MASBATE, Marso 15 (PIA) -- Tinutugis na ng pulisya ang sangkot sa pagpaslang sa apat na miyembro ng isang pamilya ang nsa Sitio Malamag, Brgy. Poblacion sa bayan ng Pio V. Corpuz, Masbate noong noong nakaraang Biyernes, Marso 8, batay sa report ni Police Provincial Director Heriberto Olitoquit.
Ayon sa otoridad dakong alas sais ng umaga ng i-report ng isang concerned citizen sa Pio V. Corpuz Municipal Police Station na may isang babaeng duguan at wala nang buhay na natagpuan sa labas ng kanilang tahanan sa Sitio Malamag, Brgy. Poblacion sa nabanggit na bayan.
Ang mga bangkay naman ng asawa at anak ng biktima at ang dalawang anak nito ay natagpuan sa loob ng kanilang tahanan.
Ayon sa ulat nakaligtas naman ang dalawa sa anim na miyembro ng pamilya na nasa kustodiya na ngayon ng DSWD.
Ayon sa OIC ng Pio V. Corpuz Municipal Police Station na si PSI Rodel Arevalo prayoridad nila ang imbestigasyon ng pamamaslang na ito, nangako naman si Police Provincial Director Olitoquit na gagawin ang lahat para mahuli ang suspek sa lalong madaling panahon. (MAL/RAL-PIA5/Masbate)
Tagalog news: Mga mamamahayag maaari nang mag-aplay ng Local Media Accreditation para sa Halalan 2013
Ni Francisco B. Tumalad
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 15 (PIA) -- Muling nakipag-ugnayan sa Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon si Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino Jr. upang matulungan ang Comelec Sorsogon para sa aplikasyon ng akreditasyon ng mga lokal na mamamahayag.
Ito ay matapos ang pag-uusap at pagbibigay paliwanag sa mga media ng Sorsogon noong Pebrero 19, 2013 tungkol sa Local Absentee Voting (LAV) at ilan pang mahahalagang impormasyon kaugnay ng darating na halalan sa Mayo 2013,
Ayon kay Atty. Aquino, ang Local Media Accreditation (LMA) ay iniisyu para lamang sa mga lokal na mamahayag na aktibo sa serbisyo. Sa pamamagitan umano ng akreditasyong ito ay mabibigyan sila ng Identification Card (ID) na pirmado ng komisyon nang sa gayon ay madali silang matukoy kung sila nga ay lehitimong media na nagsasagawa ng coverage sa panahon ng eleksyon.
Kinakailangan lamang umanong isulat sa LMA Form ang buong detalye ng pagkatao ng media na nais magpa-akredit, pati na ang pangalan ng pinagsisilbihang istasyon at kung saan ito madedestino sa araw ng eleksyon.
Bawat kasapi ng media na mag-aaplay ng media accreditation ay kailangang magsumite ng tatlong piraso ng form na lalakipan ng 2x2 ID picture.
Maaaring makakuha ng local media accreditation form sa tanggapan ng Comelec o sa PIA Sorsogon.
Kinakailangan umanong maisumite ang naturang aplikasyon sa tanggapan ng Comelec simula ngayon, Marso 15 at hindi lalagpas ng Abril 15, 2013.
Kalakip sa aplikasyon ang endorsement letter ng kanilang pinagtatrabahuang istasyon ng radyo, telebisyon, pahayagan o ahensya ng balitaan sa internet. (MAL/FBT-PIA5 Sorsogon)
Tagalog news: Suplay ng tubig mula sa SCWD, sapat
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 15 (PIA) -- Kung magpapatuloy ang pagbuhos ng ulan ngayong Marso inaasahang hindi magkakaroon ng paghina ng suplay ng tubig kahit pa ang mga nakatira sa matataas na lugar sa lungsod ng Sorsogon.
Ito ang inihayag ng pamunuan ng Sorsogon City Water District (SCWD) sa ipinadalang impormasyon nito sa mga kumukonsumo ng tubig sa lungsod. Ayon dito, ang pinagkukunan ng inuming tubig ng lungsod ng Sorsogon ay nanggagaling sa malalim na bukal at deepwell na may pambomba.
Sa tala ng SCWD, ang spring sources kapag maulan ay lumilikha ng 114 litro bawat segundo (LPS) at kapag tag-init naman ay 36 LPS lamang, nababawasan ito ng 70 porsyento sa panahon ng tag-ulan.
Ang kabuuang produksyon ng 12 deepwell at pumping station ng SCWD ngayon ay humigit-kumulang sa 160 LPS kung lahat ng ito ay gumagana.
Sa kasalukuyan, ang mga kumukonsumo na sinusuplayan ng tubig ng SCWD sa lungsod ay nasa 8,700 na kabahayan at nangangailanagan ito ng 122.25 LPS average bawat araw kasama na ang 30 porsyento tagas ng tubo.
Kapag peak hours o sabay-sabay ang paggamit ng tubig ng mga kumukonsumo simula alas-sais hanggang alas-otso ng umaga at alas-onse ng umaga hanggang alas-otso ng gabi domodoble naman ang nagiging kunsumo ng tubig.
Lumalabas na ang konsumo ng tubig tuwing peak hours ay nangangailangan ng 244.50 LPS, dito rin makikita na sa tuwing tag-ulan ay sagana ang suplay ng tubig at minsan ay sumusobra pa ito.
Subalit sa panahon naman ng tag-init, makikitang kulang na kulang ang suplay ng 48.50 LPS sa pangangailangan ng kasalukuyang bilang ng mga kumukonsumo.
Inamin ng SCWD na malaking epekto ang sobrang pag-init dala ng Global Warming dahil maraming kabahayan ang gumagamit ng tubig, dagdag pa ang sabay-sabay na pagbukas ng gripo at pagkakaroon ng problema sa mga makinang ginagamit na umaasa din sa kuryente.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng SCWD na ginagawa nito ang lahat ng makakaya upang matugunan ang kinakailangang suplay ng tubig sa lungsod. Nanawagan din ito sa publiko na patuloy na maging responsable sa paggamit ng tubig at tiyaking naisasarado ng maayos ang mga gripo at maayos ang mga tubo ng tubig sa loob at labas ng mga kabahayan. (MAL/FBT-PIA5 Sorsogon)
Tagalog news: Isang suspek sa pagpaslang sa kandidatong bise-alkalde sa Masbate, kinasuhan na ng pulisya
By Ernesto A. Delgado
LUNGSOD NG MASBATE, Marso 15 (PIA) -- Isang kagawad sa barangay na umano’y sangkot sa pagpaslang sa isang kandidato sa pagka-bise-alkalde sa Mobo ang sinampahan na ng kasong murder.
Ayon kay Police Provincial Director Heriberto Olitoquit, kanyang isinampa ang kaso kahapon, Marso 14 sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa kagawad ng Barangay Mandali, Mobo.
Sinabi ni Olitoquit na ginamit nilang ebidensya ang deklarasyon na ibinigay sa pulisya ng biktima bago ito nalagutan ng hininga.
Sa kanyang deklarasyon sa imbestigador, idinawit umano ng biktima ang kagawad sa naganap na pamamaril sa kanya nitong nakaraang Sabado, Marso 9, habang siya’y nasa sabungan sa kanyang bayan.
Ang biktima ay nakapanayam ng imbestigador bago ito nalagutan ng hininga sa isang ospital sa lungsod ng Masbate nang sumunod na araw ng Linggo.
Ang biktima ay kapitan ng Barangay Tugbo, Mobo at tumatakbong bise-alkalde ng kanyang bayan.
Tiniyak ni Olitoquit na tatapusin nila agad ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan sa iba pang John Does sa kaso upang makasuhan na ang iba pang sangkot sa pagpaslang. (MAL/EAD-PIA5/Masbate)
Tagalog news: P1.5M inilaan ng DA sa Camarines Norte para sa gusali ng mga produktong agrikultura
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Marso 15 (PIA) -- Naglaan ng P1.5 milyon pondo ang Regional Field Unit 5 ng Department of Agriculture (DA-RFU 5) para sa itatayong gusali sa mga produktong pang-agrikultura ng lalawigan ng Camarines Norte.
Ito ang Organic Trading Post Facility and Equipment kung saan bahagi naman ng pamahalaang panlalawigan ang pagtatayuan ng lugar nito.
Nakatakdang itayo ang naturang gusali sa katabing bahagi ng Camarines Norte Government Workers Multi-Purpose Cooperative ng kapitolyo probinsiya na siyang mangangalaga at magpapaunlad dito.
Kasama sa inilaang pondo ang pasilidad ng gusali at puhunan para sa mga bibilhing produktong agrikultura mula sa mga magsasaka.
Ang naturang pondo ay nasa ilalim ng proseso at anumang araw na maaprubahan ito ay maaari ng mapasimulan ang itatayong gusali.
Ang lahat ng produkto ng mga magsasaka ay dito na dadalhin at organikong agrikultura lamang ang bibilihin dito o hindi ginamitan ng mga kemikal at pestisidyo.
Ayon sa pahayag ni Provincial Focal Person Marilyn Puato, Supervising Agriculturist ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), kailangan ang taniman ng mga magsasaka ay mayroong certified organic farm mula sa Bureau of Agriculture Fisheries Standard (BAFS) at Organic Certification Center of the Philippines (OCCP).
Aniya, ito ang magpapatunay na ang kanilang mga tanim ay mayroong organikong abono at hindi ginamitan ng anumang nakalalasong kemikal at nakasisira sa kalusugan ng tao.
Ayon pa rin kay Puato, kailangan din na organisado ang taniman ng mga magsasaka at mayroong sariling Internal Control Inspector na siyang sumusuri sa mga tanim na gumagamit ng organikong abono.
Ito ay kaugnay sa isinagawang Consumer Awareness on Organic Agriculture noong ika-12 ng Marso ngayong taon sa little theater ng kapitolyo probinsiya. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
No comments:
Post a Comment