Tagalog news: PIA at Comelec pinulong ang tri-media sa Sorsogon
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 15 (PIA) -- Binigyang-linaw ni Commission on Election (Comelec) Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino ang ilang mahahalagang probisyon kaugnay ng darating na halalan sa Mayo, noong Martes, Marso 5.
Sa pangunguna ng Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon, pinulong ang mga kasapi ng media na mga radio at TV station manager at ang mga publisher at editor ng lokal na pahayagan.
Tampok sa naging talakayan ang Local Absentee Voting (LAV) at ilang mga isyu tulad ng pagsasa-himpapawid at pagsasa-dyaryo ng mga political ad.
Ipinaliwanag din ni Atty. Aquino kung papaano mag-aapply ang mga miyembro ng media para sa "Local Absentee Voting" alinsunod sa nakasaad sa Comelec Resolution No 9637.
Nilinaw ni Atty. Aquino na sa LAV, maaari lamang bomoto sa mga senador at party-list representative ang botante at hindi sa mga lokal na kandidato sapagkat walang Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na gagamitin bagkus ay espesyal na balotang maglalaman lamang ng mga national candidate.
Lahat ng mga balota ay selyadong ipapadala sa Maynila. Ang botohan ay gagawin sa Abril 28, 29 at 30, 2013. Subalit ang hindi makakaboto sa mga itinakdang araw ay maaari pa ring makaboto sa araw ng halalan.
Halos lahat ng mga dumalo ay naghayag ng kawalan ng interes sa pag-aaplay sa LAV lalo pa’t ayon sa mga ito ay hindi naman hadlang sa kanilang pagboto ang mga area of assignment na ibinibigay sa kanila sapagkat malalapit lang naman ito sa lugar kung saan sila bumoboto.
Samantala, binigyang-linaw naman ni Atty. Aquino ang ilang mga katanungan ng media kaugnay ng pagsasahimpapawid ng mga political ad alinsunod sa isinasaad sa Republic Act 9006 o ang “Fair Elections Act” kaugnay ng halalan sa Mayo 13, 2013.
Partikular na tinalakay nito ang Sec 6, 7 at 9 ng RA 9006 kung saan nakasaad ang mga probisyon sa Lawful Election Propaganda, ipinagbabawal na uri ng election propaganda, rekisitos at limitasyon sa paggamit ng election propaganda sa pamamagitan ng mass media at iba pang mga impormasyong kaugnay nito.
Sa pagtatapos ng forum ay umapela sa media at maging sa publiko si Atty. Aquino na tulungan ang Comelec upang epektibong maipatupad ang mga probisyong nakasaad sa resolusyon ng Comelec at sa RA 9006 at upang mapayapang maidaos ang halalan sa 2013. Dapat din umanong isumbong sa kanilang tanggapan ang anumang makikitang paglabag ng mga kandidato at mga taga-suporta nito. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Tagalog news: Maagang paglutas sa pamamaslang sa 2 kandidato sa Masbate, iniatas sa special task group
By Ernesto A. Delgado
LUNGSOD NG MASBATE, Marso 15 (PIA) -- Isang special investigation task group ang binuo ng pulisya upang mapabilis ang paglutas sa pamamaslang sa dalawang kandidato sa lalawigan ng Masbate na naganap sa loob lamang ng 24 oras nang nakaraang Linggo.
Inihayag ng spokesperson ng Masbate police na si Haidelyn Pimentel na kumikilos na ang pinakamahuhusay na imbestigador ng task group para agad na makilala at maaresto ang dapat managot sa pamamaril na ikinasawi ng isang kapitan ng barangay at ng isang konsehal ng minisipalidad at ikinasugat ng isang saksi.
Ang biktimang kapitan ng barangay na pangulo rin ng Association of Barangay Captains ay tumatakbong bise alkalde sa bayan ng Mobo samantala ang konsehal naman ay nagnanais na muling mahalal sa kanyang parehong posisyon sa bayan ng Balud.
Ayon kay Masbate Police Provincial Director Heriberto Olitoquit, bagamat pulitika ang tinitingnan nilang dahilan ng pamamaslang, hindi rin isinasantabi ng pulisya ang iba pang maaaring motibo.
Batay sa ulat ni Olitoquit, ang kapitan ng barangay ay papalabas sa sabungan sa kanyang bayan bandang 4:40 ng hapon noong Sabado, Marso 9, nang barilin ng isang di pa nakikilalang lalaki.
Sa tinamong sugat sa tiyan at hita, nalagutan ito ng hininga sa isang ospital sa lungsod ng Masbate.
Samantala bandang 3:30 ng hapon nang sumunod na araw ng Linggo, Marso 10, ang konsehal naman ang tinambangan at binaril ng mga di pa nakikilalang kalalakihan habang ito ay may kinakausap sa barangay San Andres, Balud.
Agad na nalagutan ng hininga ang biktima, samantalang kritikal naman ang kalagayan ng kasama nito matapos na tamaan din ito ng bala.
Ayon kay Olitoquit, mismong si Police Deputy Regional Director Arnold Albis na tumatayo ding commander ng Regional Special Operations Task Group ang mangangasiwa sa pag-iimbestiga ng task group.
Hangad ng mga opisyal na agad na malutas ang pamamaslang sa dalawang kandidato dahil umano sa hinahamon ng kaso ang pagsisikap ng mga otoridad na mahadlangan ang marahas na hakbang sa panahon ng kampanya at halalan. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
No comments:
Post a Comment