Tagalog news: Kampanya sa Income Tax Filing pinanguhan ng BIR sa Camarines Sur
By Danilo C. Abad
LUNGSOD NG NAGA, Marso 18 (PIA) -- Pinangunahan ng Kawanihan ng Rentas Internas o ng BIR Revenue District Office No. 65 dito sa Lungsod ng Naga ang Tax Education Campaign kasabay ng paglulunsad ng 2013 Income Tax Filing Season.
Ito ay ginanap sa Event Center ng SM City-Naga nitong Marso 14.
Naging panauhing si BIR Bicol Assistant Regional Director Janette R. Cruz sa pagtitipon bilang resource person. Inihayag ni Cruz na ang mga tanggapan ng BIR sa buong bansa ay nangangampanya para sa maagang pagpafile ng Income Tax Return (ITR).
Ayon naman kay RDO-65 Asst. Revenue District Officer Maria Elizabeth R. Silava, misang masusing kampanya ang kanilang ginagawa para maging on-time sa ibinibigay na deadline ng opisina sa filing ng income tax return sa Abril 15. Ito ay kanilang ginagawa upang ipaalala din sa mga tax payers ang kanilang obligasyon partikular sa pagbabayad ng kanilang buwis.
Sinabi ni Silava na P1.9 bilyong piso ngayong taon 2013 ang target na koleksyon ng Naga City RDO-65. Ito ay may halos 30 porsyentong karagdagan kung ikukumpara noong nakaraang taon. P1.4 bilyong piso lamang ang target noong 2012 subalit umabot ang kabuoang koleksyon ng P1.5 bilyong piso.
Positibo naman ang BIR na makukuha nito ang nasabing target dahil sa pagkakaroon ng mga kumpanya sa lungsod na malalaking magbayad ng buwis.
Upang mapagsilbihan naman ang lahat ng magbabayad, nakatakdang buksan ng BIR dito sa Naga ang dalawang Tax Tulungan Center sa susunod na buwan. Ang mga ito ay ilalagay sa SM-City Naga at Naga E-Mall.
Samantala, sabay din naglunsad ang BIR-RDO 66 sa Lungsod ng Iriga ng Tax Season.
Ayon kay RDO Maria Luisa I. Belen sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng isang motorcade upang ipaalala sa mga taxpayers na malapit na ang deadline sa pagpafile ng income tax return sa nasabing lugar. Isang massisve tax campaign din ang kanilang ginawa kasabay ng pagtatalaga ng mga Tax Centers sa mga munisipyo.
Ang revenue district office bilang 65 ay sakop ang mga munisipyo sa district 1,2 at 3 kasama ang Lungsod ng Naga, habang ang RDO-66 ay sumasaklaw sa mga bayan ng district 4 at 5 kasama na ang Lungsod ng Iriga. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)
Tagalog news: Bagong Gawad Kalinga Site itatayo sa bayan ng San Lorenzo Ruiz sa Camarines Norte
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Marso 18 (PIA) -- Nakatakdang isagawa sa ika-23 hanggang 27 ng Marso ang pagtatayo ng bagong Gawad Kalinga Site sa barangay Laniton sa bayan ng San Lorenzo Ruiz sa pamamagitan ng Gawad Kalinga Bayani Challenge 2013.
Ito ay itataguyod ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte at lokal na pamahalaan ng bayan ng Daet at San Lorenzo Ruiz.
Ang Camarines Norte ay isa sa 34 na probinsiya na sabay-sabay na magsasagawa ng naturang aktibidad kung saan 44 na bahay dito ang maitatayo sa pamamagitan ng bayanihan at inaasahan ang pagdating ng 2,000 boluntaryo mula sa iba't ibang lugar sa rehiyong Bikol at ibang probinsiya.
Ang GK Bayani Challenge ay limang araw na subukan ng tatag, lakas at pagmamahal sa bayan mula sa mga boluntaryong makikiisa sa pagtatayo ng mga bahay.
Kasama sa mga gawain ang paghuhukay, paglalagay ng bloke ng semento at iba pang gawain upang maitayo ang bahay na ipagkakaloob sa isang mahirap na pamilya upang patuloy na maibsan ang kawalan ng maayos na tahanan at kahirapan.
Ang mga magboboluntaryo sa gawaing ito ay darating dito sa lalawigan mula sa kanilang pagsisikap at sa kanilang sariling pangangailangan at handang magtiis anuman ang kanilang sitwasyon ayon sa Bayani Challenge para sa pagmamahal sa bayan.
Samantal ang Daet Elementary School naman ay nakatakdang magboluntaryo sa loob ng limang araw sa pagtatayo ng mga bahay.
Nagsagawa na rin ng pagpupulong ang mga tagapagtaguyod ng Bayani Challenge bilang paghahanda sa mga kailangan na materyales at iba pang gastusin sa pagtatayo ng mga bahay at iba pang gawain tulad ng pagsasaayos ng ilang paaralan, pagsasagawa ng farm building at tree planting sa GK site.
Hinihikayat naman nina Gobernador Edgardo A. Tallado, Mayor Tito Sarion ng bayan ng Daet at Mayor Nelson delos Santos ng bayan ng San Lorenzo Ruiz ang mga mamamayan dito na makiisa sa gawaing ito na ang unang makikinabang ay ang lalawigan ng Camarines Norte. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
Tagalog news: Ika-112 kaarawan ng Masbate sa Marso 18, idineklarang ‘Special Non-Working Day’ ng Malacañang
By Ernesto A. Delgado
LUNGSOD NG MASBATE, Marso 18 (PIA) -- Isang mahabang weekend ang matatamasa ng mga manggagawa sa Masbate kasunod ng deklarasyon ng Malacañang na ang araw na ito, Lunes, Marso 18, bilang “Special Non-Working Day” sa lalawigang upang maipagdiwang ng Masbate ang kanyang ika-112 kaarawan.
Ang holiday ngayong Lunes ay opisyal na inihayag sa Proclamation 547 na inilabas ng Malacañang nung nakaraang Pebrero 8 na nalathala sa Official Gazette.
Layunin ng Proclamation 547 na mabigyan ang mga manggagawa sa pamahalaan at pribado ng panahon na makibahagi sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanilang lalawigan.
Ayon sa mananalaysay na si Danilo Madrid Gerona ang may akda sa aklat na Las Islas de Masbate: A Beacon of Faith, A Fortress of Resistance, ang Marso 18 isang daan at labing dalawang taon na ang nakaraan nang ang rehimeng sibil ay pasinayaan ng Komisyon ng Pilipinas na itinatag sa pagtatapos ng Filipino-American war.
Ayon sa mananalaysay, ang lalawigan ay binubuo ng mga isla ng Masbate, Ticao at Burias at ang mga kalapit na maliit na isla na kilala sa panahon ng Kastila bilang Distrito de Masbate.
Sasariwain ang kasaysayang ito sa isang palatuntunan na inihanda ng pamahalaang panlalawigan sa kaarawan ng Masbate ngayong araw. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
Tagalog news: Pagtugis sa suspek sa massacre sa Masbate pinaigting ng pulisya
By Rogelio Lazaro
LUNGSOD NG MASBATE, Marso 18 (PIA) -- Maspinaigting pa ang paghahanap sa suspek sa nangyaring massacre sa Sitio Malamag, Bgry. Poblacion, Pio V. Corpuz sa lalawigang ng Masbate kamakailan.
Ito ay base sa ibinigay na utos ni Police Provincial Director Heriberto Olitoquit sa Pio V. Corpuz Municipal Police Station, Regional Special Operations Task Group at Masbate Police Provincial Office.
Base sa imbestigasyon ang massacre ay naganap noong ika-7 ng Marso taong kasalukuyan, bandang alas onse ng gabi, na ikinasawi ng mag-asawang Jimmy at Elena Dublin at kanilang dalawang anak na sina Jayson at Gerald Dublin.
Ayon sa ulat ng PNP Masbate Provincial Office, sa inisyal na imbestigasyon kaagad na nakatakas si Jenelyn bibit ang dalawang buwang kapatid na si John sa pintuan sa likod ng kanilang bahay nang ang suspek ay pwersahang pumasok sa kanilang tahanan bitbit ang itak at baril at pinagtataga ang mga biktima.
Ayon kay Jenelyn habang siya’y tumatakbong papalayo may narinig siyang putok ng baril, pero ayon sa kanya hindi naman sinaktan ang iba pa niyang mga kapatid na sina Jesieryl, Geralyn at Jay-Ar na naiwang sa loob ng kanilang bahay.
Ang limang nakaligtas ay nasa kalinga ngayon ng kanilang lola at binibigyan sila ng counseling at kinakailangang tulong ng Women’s and Children Protection Desk ng Pio V. Corpuz Municipal Police Station.
Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang isang itak at kalibre .38 baril at ayon kay Dir. Olitoquit, magpapatuloy ang manhunt operations ng pinagsanib na pwersa ng Pio V. Corpuz police at Regional Special Task Force Group para sa agarang ikadarakip ng suspek. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)
Really nice words of this post. I read your post. Thanks for share your post with us.
ReplyDeleteBuy Gold Coins In San Francisco