Tagalog news: 'Gender Sensitivity Training' isasagawa sa mga empleyado ng DENR bukas
By Rosalita B. Manlangit
DAET, Camarines Norte, Marso 20 (PIA) -- Magsasagawa bukas, Marso 21, ng isang pagsasanay o Gender Sensitivity Training para sa mga empleyado ng Department of Environment and Natural Resources Office (DENR) sa kanilang tanggapan dito.
Sinabi ni Marizon Vega, forester at GAD focal person na ito ay bahagi ng kanilang gawain sa pagsusulong ng Gender and Development (GAD) at ganon din sa pagdiriwang ng buwan ng kababaihan na may pambansang tema “Kababaihan: Gabay sa pagtahak sa tuwid na daan.”
Ayon sa kanya kabilang sa mga tatalakayin ang Magna Carta of Women, The Role of Women in Socio Economic Development, gender bias at mga plano para sa GAD.
Sinabi niya na naglagay na rin sila ng tarpaulin bilang paglulunsad na gawain para sa pagdiriwang ng buwan ng kababaihan sa harapan ng kanilang tanggapan.
Aabot ng 40 empleyado ng Community Environment and Natural Resources Office at Provincial Environment and Natural Resources Office sa ilalim ng DENR ang dadalo sa naturang pagsasanay.
Aniya ang mga gawain para sa kababaihan ay palagian na nilang isinasama sa kanilang programa at proyekto sa proteksiyon at pangangalaga ng kapaligiran katulad ng National Greening Program, Protected Area Management Program, Mangrove rehabilitation at sa pagbibigay ng titulo sa lupa.
Magkakaroon din ng sports competition sa unang kalahating buwan ng Abril para sa mga empleyado kaugnay pa rin ng pagdiriwang ng buwan ng kababaihan.
Magiging tagapagsalita sa pagsasanay si OIC PSWDO Cynthia de la Cruz ng Provincial Social Welfare and Development Office at si Estela Dames ang retiradong LGOO Officer ng Department of Interior and Local Government. (MAL/RBM-PIA5)
Tagalog news: 'REGATA Conference' gaganapin sa Sorsogon
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 20 (PIA) -- Gaganapin ngayong araw dito sa Sorsogon ang pagpupulong ng mga kasapi ng Regional Association of Treasurers and Assessors (Regata) sa buong rehiyon ng Bicol para sa unang kwarter ngayong taon.
Sa impormasyong nakalap ng PIA Sorsogon, sisimulan mamayang hapon ang pormal na pagbubukas ng pulong na magtatagal hanggang sa Marso 23, 2013 sa Vicenta Hall, Sorsogon City.
Nakatutok sa temang “Local Treasurers and Assessors Toward the Rightful Path of Economic Growth and Prosperity” ang pagpupulong ng mga ingat-yaman at assessor ng Bicol ngayong taon.
Si Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas Jejomar Binay ang siya sanang magbibigay ng keynote address sa pagbubukas ng pulong ngayong araw subalit magpapadala na lamang ito ng kinatawan sapagkat kasalukuyang nasa labas ito ng bansa para sa isa ring mahalagang commitment.
Kabilang sa iba pang mga malalaking personalidad sa bansa na nakatakdang magbigay ng mensahe ay sina Senator Francis “Chiz” Escudero, dating Senador Miguel “Migz” Zubiri at dating gobernador ng lalawigan ng Tarlac Ginang Margarita “Tingting” Cojuangco.
Darating din si Executive Dirctor ng Bureau of Local Government and Finance (BLGF) Salvador M. Del Castillo at iba pang mga opisyal ng BLGF at ng Regata Bicol chapter.
Bukas ay magkakaroon ng masayang aktibidad ang mga kalahok sa gaganaping Governor’s Night sa kabutihang-loob ni Sorsogon Governor Raul R. Lee.
Maliban sa mga usaping may kaugnayan sa Regata, nakatakda ring pag-usapan ang tungkol sa Property Law at Land Ownership at Comelec Updates.
Sa pinakahuling Regata conference bago matapos ang nakaraang taon na isinagawa sa lalawigan ng Catanduanes ay kinilala ng Regata ang anim na mga bayan sa Sorsogon na nagpakitang gilas sa larangan ng pagkolekta ng buwis noong nakaraang 2011 na kinabilangan ng Matnog, Barcelona, Irosin, Castilla, Bulusan at Sta. Magdalena. (MAL/BAR-PIA5)
No comments:
Post a Comment