Tagalog news: Mga gumagamit ng motorsiklo, tinuruan ng mga hakbang pangkaligtasan
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 21 (PIA) -- Sa patuloy na pagdami ng mga gumagamit ng motorsiklo para sa kanilang transportasyon, minabuti ng Pink Tie Management (PTM), Inc. sa pakikipagtulungan sa Motorcycle Development Participants Program Association (MDPPA), Inc. na magsagawa ng Motorcycle safety Caravan kamakailan dito sa lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay PCInsp Nonito F, Marquez, isa sa mga dumalo sa nasabing caravan nais matiyak ng mga organizer ng aktibidad na maisulong ang ligtas na pagsakay sa motorsiklo ng mga motorista lalo na ang mga kabataan hindi lamang dito sa lungsod kundi sa buong bansa.
Nais din umanong isulong ng PTM at MDPPA ang mga patakarang binuo ng pamahalaan sa paggamit ng helmet bilang isa sa mga mahahalaagang gamit pangkaligtasan ng mga nagmamaneho at sumasakay ng motorsiklo.
Maliban sa mga pulis na nais matuto ng mga hakbang pangkaligtasang makakatulong hindi lamang sa kanilang mga personal na pangangailangan kundi maging sa uri ng kanilang trabaho, dumalo rin ang mga motorcycle enthusiasts at kasapi ng motorcycle organization sa lungsod ng Sorsogon.
Positibo naman ang mga organizer na masmagiging maingat na ang mga gumagamit ng motorsiklo sa lungsod nang sa gayon ay higit na maiiwasan ang pagtaas pa ng bilang ng mga aksideteng sanhi ng pagiging iresponsableng tsuper.
Noong huling bahagi ng 2012, 16 na mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga motorsiklo ang naitala ng Sorsogon Police Provicial Office, karamihan sa mga tsuper at sakay nito ay mga kabataang hindi gumamit ng helmet na kung hindi man namatay ay nagtamo naman ng seryosong danyos sa kanilang mga ulo. (MAL/BAR-PIA5)
No comments:
Post a Comment