Wednesday, March 13, 2013

Tagalog news: Libreng Spay/Neuter sa mga alagang hayop isasagawa bukas sa bayan ng Daet

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Marso 13 (PIA) -- Isasagawa bukas sa Animal Heart Veterinary and Grooming Center sa bayan ng Daet ang libreng Spay/Neuter sa mga alagang hayop sa loob ng tahanan.

Pangungunahan ito ni Gobernador Edgardo A. Tallado sa pamamagitan ng Provincial Veterinarian (ProVet) Office ng pamahalaang panlalawigan at sa pakikipagtulungan ng Philippine Veterinary Medical Association (PVMA) sa rehiyong Bikol.

Ayon kay Acting Provincial Veterinarian Dr. Ronaldo U. Diezmo, supervising agriculturist ng ProVet, inaanyayahan ang mga may-ari at mayroong alagang aso at pusa sa kanilang mga tahanan na makiisa bukas upang mabigyan ng libreng Spay/Neuter ang kanilang mga alagang hayop.

Aniya, ito ay isang pamamaraan upang hindi dumami at makontrol ang populasyon ng mga hayop at mapigilan ang paglaganap ng rabies at ito ay makakatulong upang mabawasan ang insidente nito.

Dagdag pa niya na hindi naman maaapektuhan ang kalusugan ng mga hayop dahil ito ay ipinapayo ng mga beterinaryo sa mga may-ari at sakaling ayaw na itong dumami at nagiging problema na ay kailangan na ang ganitong pamamaraan.

Paalala pa rin niya na anumang araw, maulan man o mainit ang panahon ay dapat maging responsable sa pag-aalaga ng hayop at talian ito sa loob ng bakuran upang maiwasan ang insidente ng rabies.

Inabisuhin din nila na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa kapitolyo probinsiya para sa mga karagdagang impormasyon tungkol dito.

Dapat ay sundin pa rin ang ipinatutupad na batas na Republic Act 8485 o Animal Welfare Act of 1998 at Republic Act 9482 o Rabies Act of 2007 na nagbabawal sa lahat na ang alagang aso ay gumagala sa kalsada at ito ay responsibilidad ng barangay na kailangan ipatupad bilang katungkulan at pananagutan ng bawat lokal na pamahalaan.

Batay naman sa talaan ng naturang tanggapan, tatlo ang namatay sa insidente ng rabies ng nakaraang taon ng 2011 at 2012 kung saan isa ang namatay ngayong unang kwarter ng taon ng 2013.

Ang naturang aktibidad ay bahagi sa selebrasyon ng “Rabies Awareness Month” ngayong buwan ng Marso. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)


Tagalog news: Konsultasyon para sa road widening project ginawa sa lungsod ng Naga

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Marso 13 (PIA) -- Isang konsultasyon ang pinangunahan ng Department of Public Work and Highways o DPWH sa rehiyon Bicol at ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod ng Naga para sa road widening project na gagawin sa Maharlika Highway mula sa Rotonda ng lungsod hanggang sa boundary ng Pili, Camarines Sur.

Ginanap ang naturang konsultasyon noong Marso 6, 2013 sa Barangay Concepcion Grande na dinaluhan ng mga residente, mga may pag-aari ng lote, barangay officials at mga kinatawan ng utilities gaya ng Metro Naga Water District, Electric Cooperative, Telcos at Cable TV providers at iba pang indibidwal na maaaring maapektuhan ng naturang proyekto.

Ayon kay Allen Reodanga, public relations officer ng lungsod ng Naga, maraming pampubliko at pribadong gusali ang apektado ng proyekto kung kaya kailangan ang konsultasyon bago ipatupad ang proyektong pagpalapad ng kalsada sa nasabing lugar.

Sinabi ni Reodanga na 6.3 metro ng magkabilang kalsada o may kabuuan na 12.60 metro ang idadagdag para sa pagpapalawak ng daan sa Maharlika Highway upang maging four-lane highway. Nangangahulugan ito ng karagdagang daan, shoulder at sidewalk sa magkabilang panig ng daan.

Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng 100 milyong piso at nakatakdang ipatupad ng DPWH regional office mula sa buwan ng Abril o Mayo ngayong taon.

Kaugnay nito, maaapektuhan sa gagawing road widening ang pinakamalaking sementeryo sa rehiyon Bicol, ang Naga City Cemetery kung kaya isa sa mga panukala ang pagsasagawa ng restoration sa nasabing lugar. Gagawan muna ng apartment type na istruktura ang mga puntod sa gilid ng kalsada bilang bakod habang naghahanap pa ang lokal na pamahalaan ng permanenteng paglilipatan ng sementeryo.

Samantala, inumpisahan na din ang pag-aayos and rehabilitation ng Almeda Highway sa lungsod ng Naga simula pa noong Marso 1 ngayong taon.

Ito ang alternatibang daan papuntang Maynila o lungsod ng Legazpi upang maiwasan ang mabigat na trapiko sa Maharlika Highway sa bahaging barangay Concepcion Pequeña at Concepcion Grande. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)


Tagalog news: Samahan ng mga kabataan ipagpapatuloy ang mga proyektong pangkabuhayan

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Marso 12 (PIA) -- Muling ipagpapatuloy ng samahan ng mga kabataan o 4-H Club sa lalawigan ng Camarines Norte ang mga proyektong pangkabuhayan ng nakaraang taon.

Ito ay kaugnay sa isinagawang pagpupulong noong Biyernes (Marso 8) sa little theater ng kapitolyo probinsiya dito ng mga Municipal Federation President at mga Coordinator ng bawat bayan.

Ayon kay Agriculturist II Irene Olivar ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan at Provincial Farm Youth Development Program Coordinator ng naturang samahan, layunin ng pagpupulong ang pag-usapan ang mga programa, mga problema na kailangan bigyan ng solusyon, mga usapin at mayroong mga kaugnayan dito ganundin ang ipagpatuloy ang mga nasimulang proyekto.

Kabilang sa mga proyektong pangkabuhayan ang pag-aalaga ng hayop, pagtatanim at ang pagpoproseso ng iba't ibang pagkain na maaaring pagkakitaan.

Pinag-usapan din sa pagpupulong ang isasagawang paligsahan sa Abril 5 ngayong taon sa kapitolyo probinsiya kabilang na ang poster making, extemporaneous speaking, quiz bee at iba pang mga patimpalak.

Ang pagpupulong ay pinangunahan ng Farm Youth Development Program Coordinators ng Provincial 4-H Club sa Camarines Norte at sa pakikipagtulungan ng panlalawigang agrikultura dito. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)


No comments:

Post a Comment