Tagalog news: Opisyal ng LTO, nanawagan sa mga walang-ingat na drayber
By Ernesto A. Delgado
LUNGSOD NG MASBATE, Marso 12 (PIA) -- Nanawagan ang isa ang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) sa mga nagmamaneho na hin di nag-iingat sa karsada.
Ito ay dahil sa kabila ng mga seminar na ibinibigay ng Land Transportation Office sa mga kumukuha ng lisensya sa pagmamaneho, hindi pa rin maabot ng Bikolandia ang inaasam nitong zero road accident.
Hindi pa rin mabibilang ang mga drayber na walang ingat at kaskasero dahil para sa mga nagmamaneho ng sasakyan, ang kalsada ay hindi para sa mga mahihina ang loob.
Ginawa ni Johnny Bandola ang panawagan sa programa sa radyo ng Philippine Information Agency sa Bikol. Si Bandola ay panauhin ng programang "Aramon Ta Daw" nitong nakaraang Martes, Marso 5 at muling makakasama ng publiko sa parehong programa ngayong umaga.
Bunsod nito, inulit ng opisyal ng LTO ang panawgan sa mga nagmamaneho ng sasakyan na ibayong pag-iingat ang gawin habang sila’y bumibiyahe.
Binigyang-diin ni Bandola na kung sinusunod lamang ng mga drayber ang batas trapiko, hindi na kailangan ng mga pulis at traffic enforcers na pumapagitna sa kalsada upang ayusin ang trapiko. (MAL/EAD-PIA5)
Tagalog news: 'Barakalan asin Patiribayan sa Bulan nin Kababayihan' pangungunahan ng DTI at PGADC
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 12 (PIA) -- Sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababihan ngayong Marso, patuloy pang pinaiigting ng Pamahalaang Lokal ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Gender and Development Council (PGADC) at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbibigay kakayahan sa mga kababaihang Sorsoganon.
Kaugnay nito, muling ipapakita ang angking husay ng mga ito sa larangan ng pagbebenta at kumpetisyon ng mga natatanging kasanayan sa gagawing “Barakalan sa Kapitolyo” at “Patiribayan sa Bulan nin Kababayihan” sa darating na Marso 14 hanggang Marso 16, 2013 sa Kasanggayahan Village, Capitol Compound sa lungsod ng Sorsogon.
Ang DTI ang siyang mangunguna sa nasabing mga aktibidad.
Ayon kay DTI Sorsogon GAD focal person Glenda Goingo, layunin din ng aktibidad na maipakita at maisulong ang mga gawang produkto ng mga babaing Sorsoganon na nagsisimula pa lamang magnegosyo partikular ang mga nasa mahihirap na sektor.
Aniya, sa unang araw ay gaganapin ang mga kumpetisyon ng kasanayan tulad ng “pagsalad nin bay-ong” (bayong weaving) at “pagtilad nin pili” (pili nut cracking).
Sa loob aniya ng tatlong araw ay makikita sa mga itatayong bahay kubo malapit sa may gusali ng Provincial Tourism Office ang mga makakalikasang mga likhang produkto, mga pagkain at produktong agrikultural ng Sorsogon.
Dagdag pa ni Goingo na dahilan sa ang pangunahing layunin ng aktibidad ay ang himukin ang mga kababaihang Sorsoganon na pasukin ang pagnenegosyo at maipakita ang angking kasanayan nito sa pagsusulong ng kultura at tradisyon ng lalawigan ay inimbitahan ang lahat na mga munisipalidad at lungsod na magpadala ng mga lalahok. Wala din umanong bayad na kokolektahin mula sa mga lalahok.
Hanggang ngayong araw na lamang ang itinakda ng DTI para sa pagsusumiti ng mga entry form. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Tagalog news: DENR Bicol nagbabala laban sa sunog sa mga kagubatan
LUNGSOD NG LEGAZPI, Marso 12 (PIA) -- Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol sa mga insidente ng sunog sa kagubatan bunsod na rin ng papalapit na tag-init.
Ayon kay DENR Bicol regional executive director Gilbert Gonzales bagaman’t ang publiko ay nag-iingat laban sa sunog kasabay sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month sa buwang ito kinakailangan ring maging alerto sa sunog sa mga kagubatan.
Paliwanag ni Gonzales ang sunog sa kagubatan na tinatawag rin wild o grass fire ay may dalang panganib sa kapaligiran. Ilan sa mga negatibong epekto nito ay pagkamatay ng mga pananim at mga hayop at pagkawala ng mahalagang sustansiya sa lupa.
Dahil dito humihina ang kakayahan ng lupa na makapag-imbak ng tubig kaya’t nagkakaroon ng pagbaha gayundin ng pag-init ng mundo dahil sa pagkaipon ng usok sa kaulapan.
Binigyang diin ni Gonzales ang mga dapat at di dapat gawin sa pag-iwas sa sunog sa kagubatan.
Ilan sa mga ito ay siguruhing napitpit mabuti ang upos ng sigarilyo bago itapon, iwasan ang pagkakaingin sa mga lugar na bukas sa pagkalat ng sunog, gumawa ng fireline o hangganan ng sunog sakaling magsunog ng damo o tuyong kahoy.
Nararapat din na gumawa ng hukay para sunugin ang dumi at iba pang basura. Kung gagawa ng “bonfire” ilayo ito sa mga kakahuyan at siguraduhing patayin ang baga bago ito iwan. (Sally Atento/MAL/Albay)
No comments:
Post a Comment