Tagalog news: Mga batang mag-eenrol sa pasukan, sa sariling barangay na lamang mag-aaral -- DepEd
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 11 (PIA) -- Sa pagbubukas ng pasukan sa Hunyo 2013, dapat ay sa mga paaralan na lamang sa kanilang kani-kanilang barangay na lamang i-enroll o papasukin ng mga magulang ang kanilang mga anak.
Ayon kay Deped City Schools Division Education Supervisor Nestor Detera hindi dapat pilitin ang mga anak na mag-enrol sa dalawang malalaking paaralan dito sa lungsod, ang Sorsogon Pilot Elementary School (SPES) at ang Sorsogon East Central School (SECS) dahil ang mga ito ay umaapaw na sa dami ng mga mag-aaral.
Ayon pa sa kay Detera, pareho lamang naman ang itinuturo sa SPES at SECS at iisang kurikulum at mga aklat lang din ang ginagamit ng mga guro sa kanilang pagtuturo. Ibinigay pa niyang halimbawa na ang kasagutan sa “one plus one” ay “equals two” pa rin saan mang paaralan sa lungsod papasukin ang mga bata.
Dagdag pa niya na base sa mga kompetisyon sa mga pampublikong paaralan, lumalabas na nakikipagsabayan na rin sa central school ang mga mag-aaral na nasa barangay at napatunayang mataas na ang kalidad ng itinuturong mga leksyon sa barangay schools salungsod ng Sorsogon. (MAL/FB Tumalad-PIA5 Sorsogon)
Tagalog news: Sorsogon, prayoridad ng Agrarian Production Credit Program
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 11 (PIA) -- Inihayag ni Provincial Agrarian Reform Officer (PARO) Gina D. Bolanos na isa na namang bagong proyekto ang binuo ng pamahalaan para sa mga magsasaka at ito ay ang Agrarian Production Credit Program (APCP).
Ang APCP ay ipatutupad ng Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR) at Land Bank of the Philippines kung saan makakabenepisyo ang mga magsasaka sa lalawigan ng Sorsogon.
Aniya, ang ACPC ay isang programang pautang para sa mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na kasapi ng Agrarian Reform Beneficiaries’ Organizations (ARBOs) subalit hindi naging kwalipikado sa regular na pautang ng Land Bank.
Sinabi ni PARO Bolanos na isang bilyong piso mula sa pondo ng DA ang inilaan para sa APCP sa buong bansa upang magamit ng mga kuwalipikadong ARBOs na tutukuyin ng DAR nang sa gayon ay mapautang ito ng Land Bank.
Aminado siyang nangangailangan ng kapital ang sinumang nagsisikap na umasenso ang kanyang buhay. Kung kayat sa isinagawang APCP orientation noong Pebrero 21, 2013, tinalakay niya ang tulong na maaaring maibigay ng APCP.
Isa umano sa maaaring pagkuhanan ng capital ay ang paghiram ng pera na siyang layunin ng APCP upang matugunan ang pangangailangang ito ng mga magsasaka. (MAL/BAR/AAJaso-DAR-PIA5)
Tagalog news: ARBO’s sa Camarines Sur tumanggap ng makinarya at iba pang kagamitan sa pagsasaka
By Danilo C. Abad
LUNGSOD NG NAGA, Marso 11 (PIA) -- Anim na mga Agararian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa lalawigan ng Camarines Sur ang tumanggap ng farm machineries mula sa Agrarian Reform Community Connectivity and Economic Support Services (Arccess) project ng Kagawaran ng Pagsasaka noong Martes, Marso 5, 2013.
Ayon Provincial Agrarian Reform Office Chief Ramon B. Fuentebella ng DAR Camarines Sur B, ang Arccess isa sa may malaking ibinibigay na suporta sa mga agrarian reform beneficiaries sa buong bansa.
“Bahagi ng programa ng Arccess na magbigay ng 'comprehensive business training programs' sa mga opisyal at miyembro ng ARBOs gaya ng business etiquette, marketing assistance, accounting & financial management, credit funds & guarantee programs at iba pa,” dagdag pa ni Fuentebella.
Ang blessing & turn-over ceremony ay ginawa sa compound ng DAR provincial office dito sa lungsod ng Naga at pinangunahan ni Rev. Fr. Jose L. Cortes. Dumalo rin ang mga grupo ng mga benepisyaryo gaya ng Pinit Irrigators Association (PIA) sa barangay Pinit, Ocampo; Alyansa ng mga Magbubukid sa Tinawagan (Alamat) ng Tinawagan, Tigaon; Bicol Sugar Coconut Planters Association (Bisucopa) ng Hacienda Salamat, Cadlan, Pili; Bayanihan Savings Replication Organization (BSRO) ng Danawin Del Gallego; Quepotol Farmers Multi-Purpose Cooperative (QFMPC) ng Cabugao, Milaor; at ang San Agustin-San Ramon Farmer’s Cooperative, Inc. (SARFC) ng Bula, Camarines Sur na tinanggap ang mga makinarya at iba pang kagamitan sa pagsasaka.
Ang naturang mga organisasyon ng mga magsasaka ay nabigyan ng 4-wheeled 90 HP Ford Farm na traktora, hand tractors na may kumpletong gamit sa pagsasaka, mechanical transplanters, corn shellers, palay threshers, flat-bed dryers at combined harvesters.
Gagamitin ng ARBO ang mga modernong makinarya para mapabilis at madagdagan ang produksyon sa pagtatanim ng palay, mais at tubo sa mga lugar na nasasakupan ng nasabing organisasyon.
Dumalo rin sa okasyon si DAR-Bicol Regional Director Maria Celestina Manlagñit-Tam; Asst. Regional Director for Operations Miguel S. Gracilla, Support Services Chief Maria Gracia R. Sales at iba pang representante mula sa mga Local Government Units ng Camarines Sur at iba pang ahensiya ng pamahalaan. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)
Tagalog news: Pulis, pinaghahandaan na ang rodeo festival at semana santa
By Ernesto A. Delgado
LUNGSOD NG MASBATE, Marso 11 (PIA) -- Hindi lang ang pagdis-arma sa private armed groups at pagtugis sa mga kriminal ang pinagkakaabalahan ngayon ng pulisya sa lalawigan ng Masbate.
Sa pulong na ipinatawag ng Commission on Elections (Comelec) nung nakaraang Biyernes, sinabi ni Masbate Police Provincial Director Heriberto Olitoquit na pinaghahandaan na rin ng mga pulis ang pagsisimula ng bakasyon sa mga paaralan at pagdiriwang ng Semana Santa, Rodeo Masbateño, Flores de Mayo at piyesta sa mga kanayunan.
Bilang karagdagan sa random checkpoints at pagpapatrolya na isinasagawa kaugnay ng panahon ng eleksyon, sinabi ni Olitoquit na magtatayo rin ng police assistance desks sa mga matataong bahagi ng lalawigan.
Gayunpaman, binigyang diin ni Olitoquit na nanatiling pangunahing tungkulin nila ang pagbuwag sa private armed groups na sinisisi sa asasinasyon ng apat na kandidato, kabilang ang isang tumatakbong bise-alkalde.
Ang sunod-sunod na pamamaslang ang nagbunsod sa Comelec na pulungin ang Provincial Joint Security Coordinating Committee.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Noriel Badiola, isinasaalang-alang ng Comelec ang paglalagay sa Masbate sa ilalim ng poll body. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
No comments:
Post a Comment