Saturday, March 9, 2013


Tagalog news: Patimpalak sa Fire Prevention Month isinagawa sa bayan ng Daet

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Marso 8 (PIA) -- Isinagawa nitong Martes, Marso 5, sa Heritage Center ng bayan ng Daet ang mga patimpalak na kinabibilangan ng essay writing, drawing and poster making at photo contest.

Ito ay kaugnay ng selebrasyon ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso sa temang “Sunog at sakuna ay paghandaan, kalikasan ay pangalagaan nang matamasa ang pag-unlad.”

Ang essay writing ay bukas sa mga mag-aaral ng sekondarya ng pribado at pampublikong paaralan na nasasakupan ng naturang tanggapan ganundin ang drawing and poster making contest para sa elementarya at sekondarya.

Ang photo contest naman ay bukas sa lahat ng amateur at professional na photographer sa lalawigan ng Camarines Norte at kailangang makulay ang kanilang larawan base sa kanilang imahinasyon.

Ang patimpalak ay batay sa tema ng selebrasyon na kanilang isusulat at ilalarawan. Ang mga mananalo dito ay may nakalaang gantimpala.

Ayon kay Central Fire Marshal Insp. Salvador V. Arandia ng Daet Central Fire Station ng Bureau of Fire Protection, ang isinagawang patimpalak ay upang mahasa ang kaisipan ng mga kabataan na kasalukuyang nag-aaral para maslalo pa silang magkaroon ng magagandang ideya sa mga ganitong patimpalak.

Dagdag pa niya, madagdagan din ang kanilang galing hindi lang sa pagsulat kundi maging sa pagguhit at paglikha ng mga larawan at sa pamamagitan nga nito ay maslalo pang mapaunlad ang kanilang mga talento.

Nakatakda naman na magsagawa ang naturang tanggapan ng fire drill sa susunod na linggo sa mga pribado at pampublikong tanggapan at mga gusaling paaralan upang matutunan ang mga pamamaraan at pagbibigay ng pangunang lunas ganundin ang tamang lugar kung saan sila ligtas kapag mayroong sunog. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment