Friday, March 8, 2013


Tagalog news: PDRRMC Camarines Norte magpupulong kaugnay sa paghahanda sa sakuna at kalamidad

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Marso 7 (PIA) -- Nakatakdang magpulong sa darating na ika-8 ng Marso ngayong taon ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC sa lalawigan ng Camarines Norte.

Isasagawa ito sa Audio Visual Production Center ng kapitolyo probinsiya upang pag-usapan ang mga paghahanda sa sakuna at kalamidad.

Kabilang din ang PDRR Management at ang pagpaplano sa Climate Change Adaptation ng Camarines Norte.

Kasama pa rin sa pag-uusapan ang oryentasyon para sa isasagawang Provincial Skills Olympics at Summer Camp Training.

Sa isasagawang patimpalak, ito ay mayroong tatlong kategorya na mula sa Municipal Action Team, barangay at Sangguniang Kabataan.

Samantalang ang pagsasanay naman ay pagtutuunan ang Disaster Response and Preparedness Training kung saan pangunahing dadalo dito ang mga mag-aaral ng elementary, sekondarya at kolehiyo mula sa pribado at pampublikong paaralan sa Camarines Norte.

Kasama din sa pagsasanay ang mga pamamaraan at pagibibigay ng pangunang lunas o first aide training at ang adbokasiya sa pagbabago ng klima o climate change.

Ang mga naturang aktibidad ay nakatakdang isagawa sa buwan ng Abril sa Sanayang Pangkaligtasan sa bayan ng Vinzons kaalinsabay sa pagdiriwang ng Bantayog Festival ng lalawigan. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment