Tagalog news: Nakolektang buwis sa likas na yaman ng Camarines Norte, tumaas
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Marso 1 (PIA) -- Tumaas sa taong 2012 ang nakolektang buwis ng pamahalaang panlalawigan sa mga likas na yaman katulad ng Tax on Sand and Gravel at Quarry Resource; Small Scale Mining, Sand and Gravel Fee at Ore Transport Fee.
Batay ito sa talaan ng Provincial Accountant na ipinarating sa tanggapan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng pamahalaang panlalawigan.
Umabot sa P16,884,152.49 ang nakolekta sa taong 2012 kumpara sa P15,387,487.28 ng nakaraang taon ng 2011.
Ayon kay PENRO Engr. Leopoldo P. Badiola, ang nakolektang buwis sa Sand and Gravel ay umaabot sa P8,276,824.54; P3,982,873.95 sa Quarry Resource Tax; P1,019,949.50 sa Sand and Gravel Fee at P589,504.50 sa Small Scale Mining Fee samantalang ang Ore Transport Fee naman ay umaabot sa P3,015,000.00.
Ang mga nakolektang buwis ng pamahalaang panlalawigan nitong 2012 ay dahil na rin sa maraming proyektong imprastraktura sa Camarines Norte ng pribado at pampubliko lalo na ang farm-to-market road sa mga barangay ayon pa rin kay Badiola.
Ito ay bahagi ng koleksiyon na 30 porsiyento sa programa ng Small Scale Mining at Sand and Gravel Extraction Regulatory Program ng pamahalaang panlalawigan samantalang sa lokal na pamahalaan ay 30 porsiyento at 40 porsiyento naman sa mga barangay na pinagkukunan nito.
Mahigpit rin na nagbabantay ang PENRO sa mga lugar na may minahan at pinagkukunan ng bato at buhangin gayundin ng mga mineral, may mga nakatalaga naman na mga bantay o Governors Task Force na pinamumunuan ni Gobernador Edgardo A. Tallado sa bayan ng Sta. Elena, Paracale, Jose Panganiban, Labo at Daet katuwang ang Philippine National Police sakaling may mga nahuhuli.
Ipinaalala rin ni Badiola ang mga walang permit ay kailangang kumuha o magsadya sa pamahalaang panlalawigan para malaman ang mga dokumentong kailangan upang maging maayos ang kanilang operasyon ganundin ay mapaalalahanan sila at maiwasan ang sakuna, mapangalagaan din sa tamang lugar na kanilang pagmiminahan. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
Tagalog news: PENRO Masbate masigasig ang pamamaraan sa NGP
LUNGSOD NG LEGAZPI, Mar. 1 -- Isang daang porsyento ang ibinubuhos ng sangay ng Department of Environment and Natural Resources sa Masbate sa pagpapatupad ng National Greening Program o NGP sa islang lalawigan, ayon sa opisyal ng ahensiya.
Inihayag ni Provincial Environment and Natural Resources Office chief Tito Migo ng Masbate na sa ganitong pamamaraan higit nagiging mataas ang kalinangan ng mga stakeholders tungkol sa NGP.
Ayon kay PENRO Migo, tatlong pamamaraan ang isinasagawa ng PENRO Masbate upang makamtan ang maayos na pagpapatupad ng programang reforestation sa nasabing lalawigan.
"Una, ang pagsasagawa ng kampanya sa impormasyon at edukasyon tungkol sa NGP, pangalawa ang pagbibigay ng pabuya sa mga people’s organization (PO) at pangatlo, ay ang pagtatag ng maigi at malusog na nursery," paliwanag ng opisyal.
Sa kaparaanang pagpalaganap ng kaalaman, sinabi ni Migo na masidhi ang nagiging kampanya ng mga tauhan ng PENRO na nagbubunga ng pagtaas ng kaalaman ng iba’t-ibang stakeholders sa usapin ng NGP.
"Ang mga tauhan ng DENR lalo na ang mga extension officers ay nasa labas upang ipaliwanag sa mga stakeholders ang programa para nag-iisip ang stakeholders na seryoso talaga ang opisina sa programa ng ating gobyerno” ayon sa kanya.
Ipinaliwanag niya na mahalaga ang pagbibigay pabuya sa mga PO upang masigurong mapapangalaan ng husto ang mga naitanim na punong kahoy maging ang mga binhing nasa nursery.
Ayon din kay Community Environment and Natural Resources Office chief Gerry Arena ng Mobo, ang pagtatag ng magandang nursery ang siyang susi ng matagumpay na pagpapatupad ng NGP kung kaya ang kanyang opisina ay gumagawa ng mga kaparaanan na maitaguyod ang kooperatiba na siyang nangangalaga ng mga nursery ng probinsiya. (MAL/ RLMendones-DENR5/PIA-5)
Tagalog news: Pagtatanim ng bakawan, patuloy sa Camarines Norte
By Reyjun Villamonte
DAET, Camarines Norte, Marso 1 (PIA) -- Patuloy ang pagtatanim ng mga bakawan sa mga baybaying lalawigan ng Camarines Norte sa pamamagitan ng Mangrove Rehabilitation Project na ipinatutupad ng Fisheries Development Division ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg-FDD) ng pamahalaang panlalawigan.
Isinasagawa ito ng naturang tanggapan sa mga barangay kung saan bawat lugar na tataniman ay mayroong nakalaan na 50,000 binhing bakawan sa 10 ektarya ng bawat taon.
Katuwang sa pagtatanim ang mga fisherfolks organization ng mga barangay na doon din kumukuha ng binhing pantanim sa pagpaparami ng puno ng bakawan.
Ayon kay Senior Agriculturist Danilo T. Guevarra ng OPAg-FDD, ang bakawan ay nakatutulong sa kalikasan at pang-ekonomiko at pangsosyal na benepisyo kung saan ito ay lugar para sa pagpapalaki ng mga isda, hipon at alimango at tumutulong sa produksiyong pangisdaan sa mga katubigang-baybayin.
Aniya, nagbibigay din ito ng mga mahahalagang pinagkukunan ng pagkain ng mga hayop at proteksiyon ito sa mga baybaying lugar at pamayanan kung mayroong bagyo, malakas na alon, agos ng tubig at malakas na hangin.
Dagdag pa ni Guevarra, pinipigil ng bakawan ang mga nakalalasong organiko na malapit sa mga baybaying-tubig/dalampasigan at ang carbon dioxide mula sa hangin para gawing organic biomass (carbon) sa tulong ng sinag ng araw.
Maaari rin itong gawing hanapbuhay sa pag-aalaga ng mga alimango sa pakatan, pangongolekta ng mga kabibe, pagpaparami ng seaweeds at iba pang gawaing pangpangisdaan ayon pa rin kay Guevarra.
Ang bakawan ay mayroong tatlong uri ng tanim na kinabibilangan ng bakawan-lalaki, bakawan-babae at bakawan-bangkau.
Ang bakawan-lalaki ay makikilala na maikli ang bunga katulad rin ng bakawan-bangkau na kadalasan ay nabubuhay na malapit sa dagat samantalang ang bakawan-babae naman ay mataba at mahaba ang bunga na nabubuhay naman malapit sa ilog.
Ang bakawan ay sumisibol sa kahabaan ng mga tidal mudflats gayundin sa mababaw na katubigan sa may baybaying dagat na umaabot sa kahabaan ng mga ilog, sapa at mga sangandaan kung saan ang tubig ay karaniwang maalat-alat.
Matatandaan na nakapagtanim na ng naturang binhi sa barangay Catandunganon sa bayan ng Mercedes nang nakaraang 2012 at nakatakda naman sa taong ito sa barangay Gumaos ng bayan ng Paracale. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)
No comments:
Post a Comment