Wednesday, March 27, 2013


Tagalog news: Kampanya laban sa kriminaliad at lahat ng uri ng ilegal na gawain pinalakas ng pulisya

By Rogelio Lazaro

LUNGSOD NG MASBATE, Marso 27 (PIA) -- Nagbigay ng kautusan ang commander ng Regional Special Task Group na si Sr. Supt. Arnold Albis na mobilisahin ang lahat ng unit ng RSOTG at Philippine National Police sa Masbate para lalo pang mapalakas ang pagtugon sa lahat ng uri ng kriminalidad at ilegal na gawain sa lalawigan.

Partikular na nakapaloob sa kautusan ang pagtugis sa Private Armed Groups, organisadong grupong kriminal, gangs, ilegal na operasyon ng sugal, mga taong pinaghahanap ng batas at ang mga may hawak ng loose firearms.

Sa ulat ng pulisya, nitong buwan ng Marso umabot na sa 1,521 wanted persons ang naaresto, 1,555 illegal firearms ang nakumpiska simula nang ipatupad ng kapulisan ang gun ban sa buong kapuluan noong January 13, 2013. Nagresulta rin ito ng pagkakasamsam ng 13, 804 deadly weapons at iba pang ipinagbabawal na gamit.

Ayon sa Police Investigation and Detection Management Branch, noong Marso 21, umabot sa 41 firearms ang nakumpiska, 77 ang na-impound na motorsiklo, 17 ang naarestong may kinalaman sa illegal number games, ito’y simula ng paigitingin ng pulisya ang kampanya laban sa kriminalidad noong nakalipas na buwan at bunga rin ito ng masigasig na pagkilos ng RSOTG sa lalawigan.

Sa buwang kasalukuyan at sa bisa ng search warrants na inilabas ng korte, sunod-sunod ang matagumpay na magkakahiwalay na operasyon ng mga elemento ng pulis na nagresulta ng pagkakahuli sa apat na suspek at pagsamsam sa iba’t-ibang uri ng kalibre at mga bala, nasampahan na rin ng kaukulang kaso ang mga nahuling suspek.

Ang kaganapang ito’y bunga ng masigasig na pagtupad sa kautusan ng mga otoridad na habulin ang sinumang sangkot sa anumang uri ng krimen sa lalawigan.

Nanawawagan din sila sa mga mamamayan na huwag mag-atubiling ipagbigay-alam sa may kapangyarihan ang kanilang nalalamang ilegal na gawain ng ilang grupo o indibidwal, maari nilang itong isumbong sa mga sumusunod, Dial 117 o i-Text sa 2920; Isumbong mo kay TSIP: 0917-8475757; Twitter: @PNP_SAFE2013 and Facebook: pnpsafe2013@yahoo.com. (MAL/RAL-PIA5/Masbate)


Tagalog news: DSWD 5 paiigtingin ang kampanya laban sa epal

LUNGSOD NG LEGAZPI, Marso 27 (PIA) -- Sa opisyal na pagsisimula ng panahon ng pangangampanya ng mga kandidato sa lokal na mga posisyon, lalong paiigtingin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Rehiyon Bikol ang kampanya nito laban sa mga Epal upang hadlangan ang binabalak ng ilang politiko na pagsamantalahan ang mga programa at proyekto ng ahensiya para sa mahihirap upang maging popular at magkaroon ng positibong imahe.

“Ilulunsad namin ang kampanyang Bawal Ang Epal sa Abril 4 sa pakikipagtulungan sa COMELEC at ng medya,” sabi ni DSWD Regional Director Arnel Garcia sa isang panayam sa programa sa radio na “Aramon Ta Daw” ng Philippine Information Agency (PIA) sa Rehiyon Bikol.

Nakakatanggap ang DWSD ng mga ulat at sumbong galing sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na higit na kilala sa tawag n 4Ps tinatakot ng ibang nasa posiyon na mga politiko ang mga benepisyaryo na tatanggalin sila diumano sa listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps kung hindi sila iboboto sa darating na halalan, ayon kay Garcia.

Mayroon din ng mga insidente na isinusumbong naman ng mga katunggaling politiko ang kanilang mga kalaban sa pwesto na diumano’y ginagamit ang mga programa ng DSWD para sa kanilang kapakanan, ayon kay Garcia.

“Ang DSWD Central Office lamang ang may kapangyarihan upang tanggalin sa listahan ang mga benepisyaryo ng 4Ps at hindi ang mga lokal na opisyal,” sabi ni Garcia.

Magsisimula ang information drive sa Albay at pupunta sa mga probinsiya ng Camarines, Masbate at sa iba pang probinsiya sa Bikol, ayon kay Garcia.

“Hindi dapat matakot ang publiko na ipagbigay-alam ang mga katiwalian dahilan sa inililihim ng ahensiya ang pagkakakilanlan ng mga nagsusumbong,” sabi ni Garcia. Mahalaga ang papel ng medya sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko tungkol sa kampanaya upang lumakas ang kanilang loob upang iulat ang mga pananakot o mga pang-aabuso ng mga tiwaling politiko, ayon pa kay Garcia. (Joseph John Perez/MAL/PIA5/Albay)



Tagalog news: Paglabag sa Gun Ban muling naitala sa Sorsogon

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 27 (PIA) -- Apat na kalalakihan ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mapatunayang lumabag ito sa Comelec Resoulution No. 9561-A o pagdadala ng baril nang walang pahintulot at inamit pang panakot sa panahong ipinatutupad ang gun ban.

Sa ulat ng Sorsogon Police Provincial Office, agad na rumesponde ang mga awtoridad matapos na matanggap ang ulat na isang Jail Officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nakabase sa Brgy Balogo, lungsod ng Sorsogon, nung Biyernes ang tinutukan ng baril ng apat na suspek at isang menor de edad sa Brgy. Penafrancia, lungsod ng Sorsogon matapos na tumanggi ang Jail Officer sa alok ng mga ito na makipag-inuman sa kanila.

Nakumpiska mula sa mga ito ang isang Cal. 9mm Perabellum na may serial number 8481 at gawa sa Hungary; 11 bala at isang magazine para sa Cal. 9mm Perabellum at isang Cal. 45 na Toy Gun Replica na may tatak na Colt Double Eagle Sorsogon kaugnay ng paglabag dito.

Samantala, patuloy din ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na batas nang sa gayon ay maiwasang maharap sa mabibigat na mga kaparusahan o suliranin. (MAL/BAR-PIA5/Sorsogon)


Tagalog news: Comelec magsasagawa ng PCOS Machine Orientation Seminar sa mga guro na magsisibi sa eleksyon 2013

Ni Francisco B. Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 27 (PIA) -- Bilang paghahanda sa nalalapit na National Election sa Mayo 13, 2013 ay inihahanda na rin ng Commission on Election (Comelec) ang mga gurong itatalaga sa mga voting precinct sa pamamagitan ng pagbibigay oryentasyon sa mga ito.

Kahapon ay isinagawa ang PCOS Orientation Seminar Vera Mariz sa Bayan ng Gubat, Sorsogon upang ituro sa mga guro ang tamang paggamit at operasyon ng PCOS Machine.

Ayon kay Comelec Sorsogon Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino Jr. tutuon ang oryentasyon sa general guidelines na binuo ng Comelec na siyang susundin ng mga guro sa darating na halalan sa Mayo 13, 2013. Ito umano ang magsisilbing gabay ng mga guro sa mga alituntunin dapat gawin bago, sa mismong araw, at pagkatapos ng botohan.

Dagdag pa ni Atty. Aquino na abala na rin ang lahat ng mga Board of Election Inspector Supervisor sa buong Sorsogon na siyang mangangasiwa at aasiste sa naturang seminar.

Obserbasyon ng ilang mga guro sa lungsod ng Sorsogon na halos ay pinili din ang mga bata pa sa kanilang distrito na sumailalim sa nasabing oryentasyon.

Pagkatapos ng unang batch kahapon ay ipagpapaliban ito ng siyam na araw upang bigyang-daan ang obserbasyon ng Semana Santa at pagkatapos ay muling ipagpapatuloy ito sa Abril 4 -11, 2013.

Tiniyak din ng Comelec na tatanggap ng honorarium ang bawat guro na dadalo sa nasabing oryentasyon. (MAL/FB Tumalad, PIA Sorsogon)


Tagalog news: Resulta ng pag-aaral sa limang barangay sa Sorsogon City inilatag ng Coastal CORE, Inc.

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 27 (PIA) -- Iprinisinta kahapon ng Coastal Community Resources (CORE) and Livelihood Development, Inc. sa kanilang mga partner at iba pang mga stakeholder ang resulta ng kanilang mga isinagawang pag-aaral sa mga barangay ng Caricaran, Bogna, Bato, Salvacion at Gatbo sa distrito ng Bacon, lungsod ng Sorsogon sa ilalim ng Convenio Project.

Sa paliwanag ni Coastal CORE Executive Director Shirley Bolanos, inilatag nila sa kanilang mga partner at iba pang stakeholder ang resulta ng ginawa nilang Household Income Profiling Result sa lungsod ng Sorsogon; Imbentaryo ng mga gamit pangisda, limang pangunahing isdang huli sa bawat gamit pangisda at panahon kung kailan malaki ang mahuhuli ng kagamitang ito; Screwpine Study o pag-aaral ng “Karagumoy,” kasama na ang Feasibility Study para sa pasilidad sa pagpapatuyo ng Karagumoy at Bariw.

Ang Household Income Profiling na ginawa nila ay isa umanong pag-aaral upang makita ang antas ng ibinigay na kontribusyon ng Convenio o ng partnership project na pinopondohan ng AECID sa Pilipinas, kumpara sa kinikita ng pamilyang benepisyaryo ng proyekto.

Sa presentasyon, lumalabas na tumaas ng 66 porsyento ang kabuuang kita ng pamilya ng mangingisda sa tulong ng Convenio Project sa loob ng limang taon.

Sa bahagi naman ng imbentaryo, iba’t ibang mga mekanismo na suportado ng Convenio ang ginamit upang matukoy ang iba’t ibang mga gamit pangisda, mga isdang nahuhuli gamit ito at ang panahong angkop gamitin ito. Ang pag-aaral ay isinagawa sa Sugod Bay sa distrito ng Bacon, lungsod na Sorsogon.

Lumalabas na karamihan sa mga mangingisda ay gumagamit ng single ply at 3-ply na lambat dahilan sa mataas na huli ng magagandang uri ng isda limang buwan sa loob ng isang taon. Habang ang bunuan na pumapangatlo lamang sa gamit sa pangisda ay may magandang huli ng isda anim hanggang limang buwan sa loob ng isang taon.

Inilahad din ang katayuan ng pagpapalaki at produksyon ng karagumoy sa Miguel A. Deniega Ecofarm at ang ginawang feasibility study para apat na modelo sa pagpapatuyo ng karagumoy at bariw na maaaring gamitin ng mga household beneficiaries.

Ang karagumoy at bariw ay mga uri ng materyal na ginagamit sa paggawa ng mga handicraft tulad ng bayong, bag, banig at iba pa.

Ayon pa kay Bolanos, maliban sa nais nilang mailahad ang resulta ng kanilang mga pag-aaral sa komunidad, nais din nilang kunin ang mga pananaw, komento, ideya at commitment ng mga dadalo bilang basehan para sa mga mas konkreto pang hakbang para sa pag-unlad pa ng mga komunidad na kanilang tinutulungan.

Ginawa umano ang mga pag-aaral sa iba-ibang mga panahon at limang taon ang ginugol para sa pagpapatupad ng buong proyekto. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)

1 comment:

  1. Do you need free Facebook Followers?
    Did you know that you can get these AUTOMATICALLY AND ABSOLUTELY FREE by registering on Like 4 Like?

    ReplyDelete