Tuesday, March 26, 2013


Tagalog news: Kaso ng pang-aabuso sa kababaihan bumaba sa Camarines Norte

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Marso 25 (PIA) -- Bumaba ng lima o kabuuang 56 ang naitalang kaso ng paglabag sa Republic Act 9262 o "Anti-Violence Against Women and their Children Act" ang naisampa sa korte sa taong 2012 kumpara sa 61 kaso ng nakaraang 2011 sa lalawigang ito.

Ito ang ipinahayag ni P/Insp. Ana Rose A. Domingo, hepe ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) sa isinagawang “Talakayan sa PIA” ng Philippine Information Agency ng Camarines Norte kung saan tampok ang “Women’s Month Celebration” kamakailan na may temang “Kababaihan: Gabay sa pagtahak sa Tuwid na Daan.”

Sinabi ni P/Insp. Domingo na ang pagbaba ng bilang ng mga kaso na isinampa ng mga kababaihan dahilan sa pang-aabuso ay ang kanilang patuloy na pagbibigay ng kamalayan o social awareness sa mga paaralan para sa mga mag-aaral at mga guro tungkol sa RA9262 o anti-violence against women and children.

Ayon sa kanya karamihan ng mga kasong naisampa ay panggagahasa, tangkang panggagahasa, panggagahasa batay sa RA 9262, physical injuries, acts of lasciviousness, pananakot, concubinage, qualified trespass to dwelling at unjust vexation.

Sinabi niya na sa karahasan laban sa mga kabataan ay nakapagtala sila ng 106 na kaso ng nakaraang taon masmataas kumpara sa 81 ng taong 2011. Ang dahilan nito ay ang mga bata ay mahina at hindi alam na sila ay naaabuso na.

Ipinaliwanag rin niya na ang kanilang opisina ay nagpapanatili ng pagtatago ng katauhan ng biktima ng pang aabuso sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng pangalan ng biktima at ng suspek upang maiwasan ang psychological distress sa bahagi ng biktima.

Sinabi naman ni SWAI Dolores Tresmonte, ang GAD Focal Person ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na sila ay nagbibigay ng paggabay o counseling sa mga naabusong kababaihan at kabataan lalong lalo na sa mga barangay na ginagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Aniya, ang pamahalaang panlalawigan ay nagpapanatili ng isang "Halfway Home" o isang tahanan ng mga naabusong kababaihan at kabataan kung saan isinasagawa ang counseling at pagsasanay sa mga kababaihan para sa alternatibong pangkabuhayan upang hindi umasa sa asawa o sa ibang tao.

Sinabi rin niya na isinasama ng ang pamahalaang panglalawigan ang Gender and Development (GAD) sa kanilang programa kung saan isa rito ang pagsagawa ng GAD orientation para sa mga empleyado nito sa pakikipagtulungan ng United Nations Population Fund (UNFPA).

Idinagdag niya na ang lalawigan ay may Provincial Council for the Protection of Children (PCWC), isang samahan ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong sektor upang matugunan ang mga isyu sa mga menor de edad na kababaihan lalong lalo na ang mga nagtratrabaho sa videoke bars sa lalawigan. Nagsagawa na rin sila ng ‘dikit paalala’ upang bawalan ang mga menor de edad na magtrabaho sa mga videoke bars.

Ang “Talakayan sa PIA” ay pinangungunahan ni ICM Rose Manlangit ng PIA at dinaluhan ng mga mamamahayag at brodkaster ng Hello Bicol at Dateline Camarines Norte ng STV6, Pipol Event News (PEN), Nation News, Bicolandia Updates, DWYD-FM Bay Radio, DWLB-FM Labo, DWSL-FM, DWCN-FM-Radyo ng Bayan at DWSR-FM-Power Radio. (MAL/RBM/PIA5)


Tagalog news: Buhay ng bawat pamilyang walang bahay ay aasenso ayon sa benepisyaryo ng GK

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Marso 26 (PIA) – “Ang buhay ng bawat pamilyang walang bahay ay aasenso sa pamamagitan ng Gawad Kalinga (GK) Bayani Challenge 2013,” ayon kay Zarena Bacerdo, 21 taong gulang ng Purok 2, Daculang Bolo ng bayan ng San Lorenzo Ruiz.

Si Zarena ay nagdadalantao para sa kanyang unang anak at isa sa benepisyaryo ng bahay sa GK Friendship Village, Barangay Laniton, San Lorenzo Ruiz sa lalawigan para sa ika-8 Bayani Challenge na nagsimula noong ika-23 hanggang 27 ng Marso ngayong taon.

Aniya sa pamamagitan ng pagtutulungan, ang pagtatayo ng mga bahay ay nagiging madali at mabilis.

“Napakaganda ng bayanihan dahil sa pagtutulungan ng mga volunteers kahit magkakaiba ang relihiyon” ayon naman kay Esperanza Prades, 50 taong gulang ng Purok 2, Barangay Laniton, San Lorenzo Ruiz. Siya ay isang vendor na may 9 na anak at benepisyaryo rin ng bahay.

“Masaya na hindi maintindihan, maraming tao at nagpapasalamat kami at kahit man lang sa pagod ay masuklian namin ang ibibigay na bahay sa amin”, ayon kay Mylene Samson, 35, Purok 2 ng Barangay Laniton, San Lorenzo Ruiz. Siya ay isang mangagawa na may 6 na anak.

Naging tampok ng unang araw ng Bayani Challenge noong Sabado Marso 23 ang pagbubukas , ang pag lagda ng isang Memorandum of Agreement (MOA) ng mga nangunguna sa gawain, pagsisimula ng pagtatayo ng mga bahay, pagtatanim ng binhi ng puno at misa.

Ipinagpatuloy naman ang pagtatayo ng bahay at iba pang gawain sa ikalawang araw nito noong Linggo hanggang ngayon sa ibat-ibang sites sa GK Friendship Village sa Laniton, San Lorenzo Ruiz, farm build sa GK Bibirao, Daet at GK Matacong, San Lorenzo Ruiz, pagtatayo ng paaralan, Paraisong Pambata sa Laniton at Bibirao, paglilinis at health mission.

Sa gabi ay nagkakaroon ng Kalinga Night at ganon din Governor’s Night, LGU night ng Daet at ng San Lorenzo Ruiz upang bigyan ng kasiyahan ang mga bayani ng Gawad Kalinga.

Samantala bukas ay paghahanda ng mga volunteer sa kanilang paglisan dito na susundan ng isang misa, sharing at awarding ceremony at ang send off at boodle fight.

Matatandaan na ito ay isang pambansang gawain kung saan ang GK Friendship Village ang tanging lugar sa rehiyong bikol at isa sa 37 lugar sa 34 na lalawigan sa bansa na kasama sa Bayani Challenge ngayong taon.

Target nito na makapagtayo sa GK Friendship Village ng 44 bahay kung saan 10 ay pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Daet, tig anim sa pamahalaang panlalawigan at San Lorenzo Ruiz o kabuuang 22 at tatapatan ng 22 ng GK Foundation.

Tema ngayong taon ng Bayani Challenge “Isang Bayan, Isang Bayanihan”. (MAL/RBM/PIA5)


Tagalog news: Seguridad para sa mga deboto at bakasyunista sa Sorsogon, pinaigting

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mar. 26 (PIA) -- Sa pagpasok ng Semana Santa, higit pang pinahigpit ng mga awtoridad sa Sorsogon ang seguridad upang mabigyang proteksyon at manatiling ligtas ang mga deboto at mga bakasyunista sa lalawigan.

Sa koordinasyon ng Land Transportation Office, Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan, muling ilalagay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang motorist assistance team sa Dona Pepita Park sa Brgy. Bucalbucalan, lungsod ng Sorsogon sa unang distrito ng Sorsogon at sa San Pedro, Irosin, Sorsogon para naman sa ikalawang distrito sa ilalim ng kanilang “Lakbay Alalay” program.

Ayon sa pamunan ng DPWH, ito ay bilang antisipasyon sa pagdagsa ng mga motorista kaugnay ng mahabang bakasyon dahilan sa obserbasyon ng Semana Santa at mga Sorsoganong dadalo sa mga gagawing class reunion.

Nakabantay din ang mga kasapi ng PNP na nagsimula nang ipuwesto sa mga istratehikong lugar lalo na sa mga malalaking simbahan sa lalawigan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng pagtitika, Visita Iglesia at mga prusisyon.

Malinaw din ang paalala ng Phiippine Ports Authority (PPA) sa mga pasahero sa pantalan na maging responsible din sa personal na kaligtasan at bantayan ang kasamang mga bata at pinaalalahan ang mga pasahero na hindi tourist spot ang mga pantalan lalo pa’t maraming mga bahagi ng pantalan ang konsideradong hazard prone.

Sinimulan na din ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang Oplan Lakbay Alalay noong Lunes na magtatagal hanggang sa Miyerkules habang alerto naman sila sa paggabay sa mga deboto sa Huwebes at Biyernes Santo para sa gagawing prusisyon. Magtatalaga naman sila ng mga tauhan sa mga beach resort sa ilalim ng kanilang “Oplan Baywatch.”

Samantala, nagbigay naman ng mga paalala sa publiko ang mga awtoridad nang sa gayon ay maiwasan ang mga sigalot at suliranin sa mga panahong may mga kaganapang tulad ng Semana Santa tulad halimbawa ng pagiging alerto ng mga pasahero sa kanilang mga dala-dalang bagahe, iwasan ang pagdadala ng mga mamahaling mga gamit o pagsusuot ng mga mamahaling alahas sa mga pampublikong lugar at iba pa. (MAL/BAR-PIA5)


Tagalog news: Mga pekeng titulo at paghadlang sa operasyon ng squatting, pag-uusapan sa pagtitipon

By Marlon A. Loterte

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mar. 26 (PIA) -- Bibigyan ng kasanayan ng Housing Urban Development Coordinating Council (HUDCC) ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa isang pagtitipon na gaganapin sa Sto. Domingo, Albay ngayon, Marso 26.

Sa nasabing pagtitipon, pagtutuunan ng pansin ng HUDCC and pag-alam sa pekeng titulo upang mahadlangan ang operasyon ng mga sindikato ng squatting.

Sa ginawang panayam kay Regional HUDCC head for Bicol Engineer Cristy Abaño sa programa sa radyo na “Aramon Ta Daw” ng Philippine Information Agency (PIA) Regional Office V, sinabi niya na ang mga personahe ng PNP ang karamihan sa dadalo sa nasabing pagtitipon na inaasahang aabot sa 150 upang turuan sila kung ano ang modus operandi ng mga professional squatters at squatting syndicates at pag-alam ng pekeng titulo sa lupa.

“Hindi lang pagpapatupad ng katahimikan at kaayusan sa demolisyon kundi kailangan ding malaman ng mga pulis kung paano magreresponde sa kaso ng syndicated squatting at paglaganap ng mga pekeng titulo,” sabi ni Abaño.

Ang HUDCC ay may mandato bilang lead agency sa ilalim ng Executive Order No. 153 na ipinatupad noong December 10, 2002 sa pinalakas na kampanya ng gobyerno laban sa professional squatters at squatting, sabi pa ni Abaño.

Ayon kay Abaño, maaaring malaman ang mga pekeng titulo sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. pagkilala ng mga nakikitang mga tanda gaya ng watermark, kulay ng hibla, planchettes, intaglio sa mga gilid ng papel, uri ng dokumento at kagamitan nito, at pagsusuri ng judicial form number,
2. pagsusuri ng petsa ng paglathala ng titulo kung tugma sa petsa sa pag-imprenta ng dokumento,
3. pagsusuri ng serial number, TCT number lalo na ang huling dalawang numero, ang mga inisyal at pirma ng mga awtoridad,
4. pagkukumpara ng kopya ng may-ari sa orihinal na titulo na nasa file at iba pang pamamaraan gaya ng acetate o light exposure.

Ang mga tinaguriang propesyonal na squatters ay malalaman na kung sa una ay gumagawa muna ng temporaryong tirahan na kung hindi mapupuna ay gagawa na ng konkretong estruktura.

Mayroon namang tatlong kategorya ang sindikato sa squatting at ito ay ang mga sumusunod; Class A, na nagsasagawa ng kanilang operasyon sa pamamagitan ng mga dokumento na madaling mapeke sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga ahensiya ng pamahalaan at korte; Class B, na naghahanap ng malaking komunidad ng squatters upang i-organisa at turuan sila sa tungkol sa Titulo de Propiedad 4136 at OCT 01-4 Protocol; at Class C, na nag-oorganisa ng samahan ng mga maralitang taga-lungsod upang gawing fronts.

Ayon kay Abaño ang Pilipinas ay may tinatayang populasyon na 94 milyon na mayroong 1.9 porsyento na growth rate kada taon na kung saan 62 porsyento ang tinatayang bahagi ng populasyon sa mga lungsod at lolobo ng 84 porsyento sa taong 2050.

Ang national poverty incidence ay nasa 32 porsyento subalit ang poverty incidence sa kalungsuran ay 17 porsyento lamang na kinokonsiderang pangunahing dahilan ng rural-urban migration, na magreresulta sa pagdami ng mga squatters, dagdag pa ni Abaño. (Joseph John Perez/MALPIA5)


Tagalog news: MOA nilagdaan sa pagbubukas ng Bayani Challenge sa Camarines Norte

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Mar. 26 (PIA) -- Nilagdaan ang memorandum of agreement (MOA) noong Sabado, Marso 23, sa Barangay Laniton sa bayan ng San Lorenzo Ruiz kaugnay sa pagbubukas ng Gawad Kalinga Bayani Challenge 2013.

Ito ay sa pamamagitan nina Gobernador Edgardo A. Tallado, Board Member Romeo Marmol, Mayor Tito Sarion ng bayan ng Daet, Mayor Nelson delos Santos ng bayan ng San Lorenzo Ruiz at Punong Barangay Eduardo Cabaña ng Laniton at si Provincial Coordinator Honorio Estravez ng Gawad Kalinga Foundation.

Sa bahagi ng programa, nauna ng naisagawa ang parada mula sa eco athletic field patungo sa paaralan ng Daet Elementary kung saan nagbukas ang naturang programa.

Isinagawa din sa naturang araw ang pagtatayo ng bahay at ang pagtatanim ng mga puno kung saan nakiisa dito ang mga pribadong organisasyon, mag-aaral at mga indibidwal.

Isinagawa naman kahapon ang paglalagay sa mga boluntaryo ng bayanihan sa ibat-ibang lugar sa pagbubuo ng bahay, taniman, paaralan, paglilinis sa lugar at pagtatanim.

Ngayong araw ay patuloy ang isinasagawang aktibidad ng bayanihan at mamayang gabi naman ay pangungunahan ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Daet ang Kalinga Night sa Bagasbas beach dito.

Ang Camarines Norte ay isa sa 34 na probinsiya na sabay-sabay na nagsasagawa ngayon ng naturang aktibidad kung saan 44 na bahay dito ang maitatayo sa pamamagitan ng bayanihan sa pakikipagtulungan ng mga boluntaryo mula sa ibat-ibang lugar sa rehiyong bikol at ibang probinsiya. (MAL/ROV/PIA5)



Tagalog news: Kampanya iwas sunog pinaigting ng PNP sa Masbate

By Rogelio Lazaro

LUNGSOD NG MASBATE, Marso 26 (PIA) -- Maspinaigting pa ng Masbate Police Provincial Office ang kampanya kontra sunog na madalas mangyari sa panahon ng tag-init.

Sa ulat ng pulisya, may isang insidente ng pagkasunog ng sasakyan na nagaganap noong Marso 20, kung saan isang pampasaherong van ang nagliyab sa tapat ng Masbate City Bus and Jeepney Terminal.

Sa kabutihang palad nakababa ang mga pasahero bago naganap ang sunog sa nasabing pampasaherong van na biyaheng lungsod ng Masbate patungong bayan ng Placer, kaya’t walang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente.

Dahilan sa isa rin ang mga sasakyan sa itinuturing na nagiging sanhi ng sunog, maspinaigting pa ng PNP Masbate at Bureau of Fire Protection ang pagbibigay kaalaman at kamalayan sa pag-iwas sa sunog bilang bahagi na rin ng gawain sa Fire Prevention Month.

Tinuturing ng pulisya na hindi solong responsabilidad ng tagapamatay sunog ang mapaminsalang sakunang ito, kaya’t nananawagan sila sa mamamayan na sundin ang fire safety rules na “Be informed, Plan ahead and be Safe.”

Ayon sa kanila ang pag-iwas pa rin ang pinakamabisang hakbang para maiwasan an pagkaabo ng mga ari-arian at pagkawala ng buhay, kaya’t nagbigay sila ng ilang alituntunin ukol dito.

Ilan sa mga ito ay ang pagbunot sa saksakan ng appliances kung hindi ginagamit; pagpatay ng electric stove o anumang gamit pangluto bago matulog; hindi paggamit ng sinsabing octopus connection o ang pagsaksak ng maramihan sa saksakan; palagiang pagsusuri sa kawad ng kuryente na maaring maging sanhi ng overheating at overloading; at panghuli, ang hindi pag-iimbak sa loob ng tahanan ng anumang nakakasunog na bagay katulad ng gasolina, pintura at iba pa. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)



Tagalog news: PNP, Army pinaigting ang seguridad para sa Semana Santa

By Edna A. Bagadiong

VIRAC, Catanduanes, March 26 (PIA) -- Pinaigting ng pulisya sa lalawigan ang seguridad sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga lokal at iba pang turista ngayong panahon ng Semana Santa.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Provincial Director Senior Superintendent Eduardo G. Chavez, nakataas ang alerto ng buong kapulisan sa 11 bayan ng lalawigan.

Magtatalaga rin umano ng checkpoint sa mga piling lugar sa probinsya upang matiyak ang kaligtasan ng mga turista at masiguro ang kaayusan sa pagdagsa ng deboto sa ilang mga simbahan at lugar sa Catanduanes.

Samantala, tiniyak naman ni Lt. Col. Bernardo Fortez Jr., commander ng Philippine Army 83rd Infantry Battalion ang kanilang partisipasyon sa pagsiguro ng maayos na pagdiriwang ng Kwaresma.

Ayon kay Fortez, magtatalaga sila ng ilang tauhan sa iba’t ibang lugar partikular na sa Virac downtown para sa isasagawang prosisyon at iba pang mga tradisyon ngayong Semana Santa tulad ng Bisita Iglesia at pagbisita sa pilgrimage sites.

Naka-alerto na rin ang Philippine Coast Guard sa mga pangunahing daungan sa lalawigan upang matiyak na walang "overloading" ng mga barko at upang maiwasan ang trahedya sa dagat. (MAL/EAB-PIA5 Catanduanes)


Tagalog news: Oryentasyon sa Gender and Development isinagawa sa mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Marso 26 (PIA) -- Isinagawa ngayong araw sa Audio Visual Room ng kapitolyo probinsiya ang oryentasyon sa Gender and Development (GAD) kabilang na ang Magna Carta of Women provisions on Reproductive Rights at Gender Based-Violence para sa GAD Focal Point System.

Pinangunahan ito ng Provincial Social Welfare and Development Office kung saan dinaluhan ito ng mga empleyado mula sa bawat tanggapan ng pamahalaang panlalawigan.

Naunang tinalakay ang konsepto ng GAD at ang gender sensitivity kaugnay ng mga isyu at usapin ganundin ang Magna Carta sa karapatan ng mga kababaihan at ang Republic Act 9262 o “Violence against women and children.”

Tinalakay naman ni Population Program Officer II Helen Marqueses ng Provincial Health Office dito ang Reproductive Rights of Women, ayon kay Marqueses, ito ay karapatan ng mga kababaihan na maging ligtas sa anumang pananakit lalo na sa usaping sekswal at malaman ang impormasyon kaugnay sa kanilang mga karapatan.

Ipinahayag din ni Marqueses ang batas ng Reproductive Health upang mapangalagaan ang mga kababaihan sa panganganak dahil na rin sa kakulangan sa impormasyon at mabawasan ang mga batang namamatay.

Aniya, matutulungan ang mga mag-asawa sa pagpaplano ng pamilya at mabawasan ang kaso ng abortion at mapigilan ang maagang pagbubuntis.

Karapatan din ng mga kababaihan ang magdesisyon sa kanilang sarili at maprotektahan sa lahat na uri ng Reproductive Health at tumanggap ng mga serbisyo na ibinibigay ng pamahalaan lalo na sa kalusugan ng kanilang panganganak.

Ayon pa rin kay Marqueses, mabibigyan din sila ng sapat na gamot kapag mayroong sakit at tumanggap ng serbisyong pangkalusugan lalo na ang mga may kapansanan at lumahok sa mga nagbibigay ng impormasyon sa usaping pangkababaihan.

Kasunod din nito ang pagtalakay sa Gender-Based Violence na pangungunahan ni P/Insp. Ana Rose A. Domingo ng Philippine National Police (PNP) at Women in Government naman mula kay Melody Relucio ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang naturang aktibidad ay bahagi pa rin sa pagdiriwang ng buwan ng kababaihan ngayong Marso sa temang “Kababaihan: Gabay sa pagtahak sa tuwid na daan”. (ROV-PIA5 Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment