Monday, March 25, 2013


Justice on Wheels nakarating na sa Sorsogon

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 25 (PIA) -- Mahigpit ang seguridad ng Sorsogon Provincial Command at City Police Station sa paligid ng Kapitolyo Probinsyal at sa Bulwagan ng Katarungan simula 6 n.u, kanina, lunes.

Ito ay kaugnay sa Justice on Wheels Program kasama si Supreme Court Justice Ma. Lourdes Sereno at mga kasamahan nito na lumilibot sa buong kapuluan.

Sa impormasyong nakalap ng PIA Sorsogon, ngayong araw nakatakdang ilunsad sa Sorsogon ang, “Justice on Wheels Increasing Access to the Poor Program” ng DOJ sa ilalim ng temang “Our Courts are Driven to Serve You Better.”

Layunin nitong repasuhin ang mga kaso ng mga bilanggo lalo na yaong mga hikahos sa buhay, yaong mga magagaan at matagal nang nakabinbin sa korte upang mapabilis ang pagdinig ng mga kasong ito at mabigyan nang agarang desisyon ng sa gayon ay hindi na ito makadagdag pa sa mga kasong isinasampa sa Korte Suprema.

Labis namang ikinatuwa ng mga bilanggo dito sa Sorsogon at ng mga kamag-anak nito ang paglulunsad ng Justice on Wheels at umaasa sila lalo na yaong naniniwalang wala silang kasalanan na sa wakas, mabibigyan na rin sila ng hustisyang matagal na nilang hinihintay.

Sa kasalukuyan, mayroong anim na mga Regional Trial Court sa buong lalawigan ng Sorsogon. (FBTumalad/BAR-PIA 5, Sorsogon)

No comments:

Post a Comment