Saturday, March 23, 2013


Tagalog news: Kampanya iwas sunog pinaigting ng PNP sa Masbate

By Rogelio Lazaro

LUNGSOD NG MASBATE, Marso 26 (PIA) -- Maspinaigting pa ng Masbate Police Provincial Office ang kampanya kontra sunog na madalas mangyari sa panahon ng tag-init.

Sa ulat ng pulisya, may isang insidente ng pagkasunog ng sasakyan na nagaganap noong Marso 20, kung saan isang pampasaherong van ang nagliyab sa tapat ng Masbate City Bus and Jeepney Terminal.

Sa kabutihang palad nakababa ang mga pasahero bago naganap ang sunog sa nasabing pampasaherong van na biyaheng lungsod ng Masbate patungong bayan ng Placer, kaya’t walang naiulat na nasaktan sa nasabing insidente.

Dahilan sa isa rin ang mga sasakyan sa itinuturing na nagiging sanhi ng sunog, maspinaigting pa ng PNP Masbate at Bureau of Fire Protection ang pagbibigay kaalaman at kamalayan sa pag-iwas sa sunog bilang bahagi na rin ng gawain sa Fire Prevention Month.

Tinuturing ng pulisya na hindi solong responsabilidad ng tagapamatay sunog ang mapaminsalang sakunang ito, kaya’t nananawagan sila sa mamamayan na sundin ang fire safety rules na “Be informed, Plan ahead and be Safe.”

Ayon sa kanila ang pag-iwas pa rin ang pinakamabisang hakbang para maiwasan an pagkaabo ng mga ari-arian at pagkawala ng buhay, kaya’t nagbigay sila ng ilang alituntunin ukol dito.

Ilan sa mga ito ay ang pagbunot sa saksakan ng appliances kung hindi ginagamit; pagpatay ng electric stove o anumang gamit pangluto bago matulog; hindi paggamit ng sinsabing octopus connection o ang pagsaksak ng maramihan sa saksakan; palagiang pagsusuri sa kawad ng kuryente na maaring maging sanhi ng overheating at overloading; at panghuli, ang hindi pag-iimbak sa loob ng tahanan ng anumang nakakasunog na bagay katulad ng gasolina, pintura at iba pa. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)



Tagalog news: Bilang ng kriminalidad sa Sorsogon malaki ang ibinaba – SPPO


Ni FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 23 (PIA) -- Malaki ang ibinaba ng kriminalidad sa probinsya ng Sorsogon ayon sa istatistika ng Sorsogon Police Provincial Office-Provincial Investigation and Detective Management Branch (PIDMB) sa pamumuno ni PSI Armando Lopez.

Ayon sa record ng PIDMB, mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2012 ang bilang ng krimen ng Index Crime (CI) at Non-Index Crime (NIC) na naitala sa Sorsogon ay umabot ng 572 insidente o 34 na porsyento, masmababa kung ikukumpara noong nagdaang 2011 na umabot ng 871.

Sa dalawang klase ng krimeng binigyan ng classification ng SPPO na Index at Non-Index Crime, 320 kaso o 55.94 na posyento nito ay CI habang 252 na kaso o 44.05 na porsyento ay NIC.

Ang Index Crime ay kinabibilangan ng paglabag sa penal code na may kaugnayan sa ekonomiyang pangsosyudad.

Ang Non-Index Crime naman ay malimit na walang sangkot na biktima katulad halimbawa kung malalagay sa panganib ang seguridad ng ating bansa, paglikha ng kaguluhan sa gitna ng katahimikan, krimen laban sa moralidad at paglabag sa espesyal na mga batas.

Kung ikukumpara aniya sa datos ng nagdaang taon, 320 ang bilang ng index crime, 32 porsyento ang ibinaba nito habang ang Non-Index Crime naman ay 10 porsyento ang ibinawas mula 252 ngayong 2012 at 257 ng taon 2011.

Sa tala ng SPPO-PIDMB, ang Sta Magdalena MPS ang may pinakamababang kaso ng krimen bilang na 6, sinusundan ng Irosin MPS na may 73 kaso ng krimen at Sorsogon City na may 128 na kaso sa taong 2012.

Sa 572 kabuuang krimen sa probinsya ng Sorsogon, 315 na kaso ang nabigyan ng kalinawan ng SPPO noong 2012 na may katumbas na 55 porsyento cleared efficiency rating at 105 sa mga ito ang naresolba ang kaso o katumbas ng 18.36 percent Index Crime Solution Efficiency. (MAL/FB Tumalad-PIA5 Sorsogon)



Tagalog news: Presidente ng Kabalikat Civicom darating sa Sorsogon para sa isang Grand Eyeball

Ni FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 23 (PIA) -- Para sa mas epektibong serbisyo publiko at mabilis na pagtugon sa pangangailangang emerhensiyang pangkomunidad sa probinsya ng Sorsogon, bibisita si Gil De La Torre, National President at Founder ng Kabalikat Civicom.

Ang Kabalikat Provincial Council ang nag-organisa ng nasabing pagtitipon sa pangunguna ni Provincial Chairman Jasper Ian Ubaldo.

Sinabi ni KB 515 President Roel Atutubo na nakatakdang dumating si De La Torre sa Sorsogon sa ika-23 ng Marso ngayong taon para sa isang Grand Eyeball na aktibidad upang makipagtalastasan sa mga aktibong kasapi ng kabalikat Civicom Sorsogon Chapter sa probinsya ng Sorsogon sa Sorsogon State College, lungsod ng Sorsogon.

Ang Kabalikat Civicom ay isang non-government, non-profit organization at walang pinapanigang partido politikal. Ang bawat miyembro nito ay gumagamit ng sariling VHF portable radio transceiver para sa kanilang mga aktibidad tulad ng pagbibigay ayuda sa panahong may nasaksihan silang aksidente sa kalsada, mga sakuna, krimen at kalamidad.

Ayon pa kay Atutubo kasama sa mga adyenda ni De La Torre ang kumpirmasyon ng ibang chapter, pagdinig sa mga opinyon at suliraning kinakaharap ng mga ito upang mabigyan ng solusyon.

Sa kasalukuyan, nananatiling aktibo sa Sorsogon ang Kabalikat Civicom Sorsogon City Chapter, Bacon Chapter, Castilla Chapter, Bulan Chapter, Magallanes Chapter at Matnog Chapter habang ang grupo ng Pilar Chapter ay kasalukuyang inoorganisa pa lamang doon.

Magkakaroon din ng seminar ang National Telecommunications Commission (NTC) Regional Office No. 5 bago isasagawa ang ang VHF registration o pagrerehistro ng mga portable at base radio ng mga kasapi ng organisasyon upang legal nilang magamit ang mga ito. (FB Tumalad, PIA5 Sorsogon)

No comments:

Post a Comment