Tagalog news: 'Peace and Order' summit ginanap sa lungsod ng Naga
By Danilo C. Abad
LUNGSOD NG NAGA, Marso 5 (PIA) -- Pinangunahan ng Naga City Police Office (NCPO) ang isang "Peace and Order" summit kahapon upang iparating sa mga mamamayan nito ang kasalukuyang kalagayan o peace and order situation dito sa lungsod.
Sa ginawang pagtitipon kahapon, sinabi ni PS/Supt. Abdulkadil Mato Guialani, pinuno ng NCPO, na nabawasan ang kriminalidad at bumaba ang insidente ng krimen sa lungsod dahil na rin sa pakikipagtulungan at kooperasyon ng mga residente mula sa 27 barangay ng lungsod sa sa pagbabantay ng kapayapaan.
Ayon pa sa ulat ni Guialani, ang pagbaba ng bilang ng krimen ay bunsod ng pagpapalakas ng Philippine National Police ng "internal security force," "community emersion initiatives" at "security support" ng bawat barangay.
Dumalo sa pagtitipon ng NCPO ang mga barangay official, partikular ang Chairman ng Peace and Order Council ng bawat barangay at mga miyembro nito. Naging katuwang din sa pagpupulong ang Liga ng mga Barangay sa pamumuno ni ABC Federation President Toti Importante.
Samantala, sa pagtitipon naman ng mga miyembro ng Naga City Peace and Order Council, inihayag ni Guialani na bumaba ang bilang ng krimen sa lungsod ng Naga na nagtala ng 78 nitong nakalipas na buwan kumpara sa dating 127 na naitala ng opisina noong Enero.
Umaasa si Guialani na magkakaroon ng "zero crime incident" sa lungsod gaya ng ipinangako niya ng tanggapin nito ang obligasyon na pamunuan ang NCPO.
Sa kasalukuyan, mayroon 10 police outpost, apat na maneuver forces at isang advance command post ang NCPO. Ito ay matatagpuan sa upper barangay ng Carolina. Layunin nito na madala ang serbisyo ng pulis ng masmalapit sa tao lalo na sa malalayong lugar at upang masmadaling matugununan ang anumang insidente. (MAL/LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)
Tagalog news: 1.2 milyon punongkahoy layuning maitanim ng DENR Bicol
Ni Sally A. Atento
LUNGSOD NG LEGAZPI, Marso 5 (PIA) -- Layunin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa rehiyon ng Bicol na makapagtanim ng 1.2 milyong indigenous na punongkahoy bilang bahagi ng proyekto nitong National Greening Program (NGP).
Ang nasabing bilang, ayon kay DENR 5 Director Gilbert Gonzales, ay bahagi ng 25 milyong indigenous punongkahoy na nilalayong malikom sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon pa kay Gonzales kanilang pinaiigting ang pagtatanim ng indigenous na uri ng mga punongkahoy sa halip na mga exotic na uri alinsunod sa direktiba ni DENR Secretary Ramon Paje kung saan layunin nitong maipakita ang pagkaPilipino ng nasabing programa.
Bilang bahagi ng adhikaing ito, kanyang inatasan ang DENR-Ecosystem Research and Development Service (ERDS) na pamahalaan ang paglilikom sa nasabing bilang ng indigenous na punongkahoy.
Nitong nakaraang taon umabot sa 807,000 na iba’t ibang uri ng indigenous na punongkahoy ang naiambag ng DENR-ERDS sa 5,901,432 kabuuang bilang na nalikom sa buong bansa para sa NGP.
Ayon sa ERDS kabilang sa mga indigenous na punongkahoy na ito ang sambulauan, kupang, bagras, kalumpit, bagalunga, malapapaya, banaba, molave, bitaog, narra, batino, dao, lamio, akleng parang, lumbang, baguilumbang, white lauan, bagtikan, red lauan, almon, mayapis species at iba pang uri ng dipterocarps. (MAL/SAA–PIA5 ALbay)
No comments:
Post a Comment