Kahit abala sa eleksyon, Masbate police pokus pa rin sa anti-drug drive; P880-libong halaga ng shabu, nasamsam
By Ernesto A. Delgado
LUNGSOD NG MASBATE, Abril 26 (PIA) -- Naaresto kahapon ang isang dating barangay captain sa isang raid na isinagawa sa lungsod na ito kung saan nasamsam ng mga pulis ang shabu na nagkakahalaga ng halos isang milyong piso.
Sa ulat ng hepe ng Masbate City Police na si Supt. Rodolfo Abella, kinilala ang suspek na residente ng barangay Centro.
Ang dating kapitan ng barangay ay kabilang sa prominenteng angkan sa Masbate at nagsilbing sa kanyang barangay noong dekada 90s.
Nasamsam ng mga pulis na naghalughog sa dalawang palapag na bahay niya ang 109.6 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na umano’y P880,000 ang halaga kapag maibenta sa drug users.
Bukod sa 108.6 grams ng shabu, nakumpiska rin sa bahay ang isang .22-caliber air gun at isang .357 magnum revolver na umano’y kabilang sa libo-libong loose firearms na sinisikap masamsam ng pulisya.
Nasamsam din sa bahay ang sari-saring drug paraphernalia at anim na bala para sa 357 magnum revolver.
Ang police operation laban kay sa dating barangay captain ay umani ng papuri kay Masbate City Mayor Socrates Tuason na nagsabing kahit aniya abala ang mga pulis sa mga iniaatas sa kanila ng Commission on Elections ngayong panahon ng eleksyon, hindi kinaligtaan ng mga tagapagpatupad ng batas ang kampanya laban sa ilegal na bentahan ng droga. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
DSWD, Albay lumagda ng MOA sa proyektong tugon sa kahirapan
LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 26 (PIA) -- Nilagdaan kahapon, Abril 24, dito ang memorandum of agreement (MOA) sa pagsubok ng estratehiyang Community-Driven Development (CDD) upang mapalawak pa ang pagpapatupad ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS).
Nanguna sa paglagda sina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Corazon “Dinky” Soliman at Albay Governor Jose “Joey” Salceda kasama si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Francisco Fernandez.
“Gusto naming maging bahagi ang Albay sa pangunang hakbang na ito at naniniwala kami na importante na subukan ito sa Albay,” ayon kay Secretary Dinky Soliman. Kinokonsidera ang Albay bilang modelo sa pagpapatakbo sa sariling lakas sa pag-unlad sa pamamagitan ng pagbabago sa pamamaraan ng pamamahala sa pamamagitan ng pagbibigay tugon sa pangangailangan ng mamamayan, ayon kay Soliman.
Ang estratehiyang CDD sa implementasyon ng Kalahi-CIDDS ay nagbibigay kontrol sa komunidad sa pagpapasya at yaman o resources sa pamamagitan ng pakikialam sa pagplano, pagdisenyo, pagmatyag at ebalwasyon kasama na ang pakikilahok ng komunidad sa implementasyon, ayon kay Soliman. “Lilikha ang CDD ng isang environment na may ‘inclusive growth’ na magbibigay benepisyo sa mahihirap,” sabi ni Soliman.
“Kailangan nating magtagumpay hindi para sa Albay kundi para sa buong bansa,” sabi ni Albay Governor Joey Salceda. Ang bagong estratehiya ay ang binabalak na ipalit sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program na mas kilala bilang 4Ps sa pamamagitan ng sistematikong pag-aalis nito... Nagpapasalamat kami na unang napili ang Albay, tinatanggap ko ang hamon ni (Secretary) Dinky,” sabi ni Salceda.
Kasama ang Albay sa tatlong probinsiya na susubukan ng DWSD kasabay ang Compostela Valley na gagawin ang paglagda sa MOA sa Mayo 2 at sa Leyte na wala pang naitakdang petsa.
“Ang kawalan ng paghihirap sa Albay ay hindi lamang pangarap kundi isa nang plano,” sabi ni Usec. Francisco Fernandez. Pinuri ni Salceda ang Asian Development Bank (ADB) sa maagap na pagtugon at ginamit ang slogan nitong “poverty-free Asia” habang sinasabi na nangangarap din ang Albay na maging "poverty-free province." “Ipagpatuloy natin ang lakas ng loob sa pagpaplano habang ang pakiki-ugnayan sa pambansang pamahalaan ay patuloy na umuunlad,” sabi ni Salceda.
“Ipapatupad natin ang gawaing "bottom-up" sa paglalaan ng pondo upang ang mga pangangailangan ng komunidad ay maikonekta o maisabay sa pambansang prayoridad,” sabi ni Soliman.
Napili ang Albay dahil sa positibong "track record" nito sa pagsuporta sa implementasyon ng Kalahi-CIDSS mula 2004 sa kabuuang total n bahaging kontribusyon ng Provincial Local Government Unit (PLGU) sa mga Kalahi-CIDSS na mga munisipalidad para sa kanilang proyekto na umabot sa mahigit PhP36 million, na isa sa pinakamataas na ibinigay ng isang PLGU sa nasabing proyekto. Nakatanggap din ang Albay ng ‘Seal of Good Housekeeping’ galing sa DILG. “Magkakaroon din tayo ng pagkakataon na subukan ang CDD sa pagtugon sa espesyal na konteksto tulad ng ‘disaster risk management’ na kung saan pinangungunahan ng Alba ang aspetong ito,” sabi ni Soliman.
Ang DSWD ang responsable sa pagpaptupad ng pilot testing, kasama ang Albay Provincial LGU. Magbibigay din ito ng tulong teknikal sa probinsiya tungkol sa implementasyon ng CDD. Ang DILG ay magbibigay ng tulong teknikal sa pamamahala at pagpaplanong lokal, habang ang Albay Provincial LGU ang mangunguna sa implementasyon ng proyekto at makikipagtulungan sa DSWD sa pagpatupad ng prinsipyo at gawaing CDD sa pagplano, pagpondo, pagpatupad ng inisyatibang pagbabawas sa kahirapan. Tutulong ang ADB sa pagpapalakas ng kakayahan ng lokal na pamahalaan ng probinsiya at munisipyo.
Magbibigay ang DSWD ng pondong P100 milyon, habang ang Albay Provincial LGU ay magbibigay ng P70 milyon para sa pilot testing. Ang pilot testing ay tatakbo ng 16 buwan, mula Abril 2013 hanggang Hulyo 2014. (MAL/JJJPerez/PIA5-Albay)
2 kutsarang kanin na nasasayang araw-araw, kayang pakainin ang 2M Pinoy sa iang taon -- DA
LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 26 (PIA) -- Kung nakasanayan nating magtapon ang sobrang kanin, panahon na para pag-isipan at baguhin ang nakaugaliang ito.
Inilahad ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) ang natuklasan kamakailan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa isang pag-aaral na ang bawat Pilipino ay nagsasayang ng dalawang kutsara ng kanin o siyam na gramong bigas bawat araw na sapat upang makakain ang dalawang milyong Pilipino sa loob ng isang taon.
Ayon kay DA Information Officer Jayson Gonzales sa panayam sa programang sa radyo na “Aramon Daw (Ating Alamin)” ng Philippine Information Agency (PIA) Bicol, ipinapaalala at hinihikayat ang taumbayan na maspahalagahan ng bigas alinsunod sa kampanya na “Sapat na Bigas, Kaya sa Pinas!” susog sa kautusan ni Pagulong Aquino na ang 2013 ay tinaguriang Pambansang Taon ng Bigas ayon na rin sa Proclamation No. 494 noong Oktubre 18, 2012 at itinalaga ang DA bilang pangunang ahensiya sa kampanya kasama PhilRice.
“Nais ng DA na maisakatuparan ang mithiing sapat na bigas bago matapos ang taong kasalukuyan sa pagpapatupad ng medium term agricultural and fishery sector mechanization and modernization na nagsimula noong 2011 na itataguyod hanggang 2016,” sabi ni Gonzales.
Nagsasaliksik din ang PhilRice upang magkaroon ng mataas na aning palay o high-yielding rice at mga teknolohiyang magpapabawas ng gastos para sa mga magsasaka bilang tugon sa kaparehong mithiing sapat na bigas sa pagtatapos ng 2013 at pinagtibay ito ng pagdami ng naaaning palay at unmilled rice sa nakalipas na 12 taon, ayon kay Gonzales.
“Nagbabago ngayon ang pamahalaan mula sa tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka patungo sa mechanized farming upang itaas ang produksyon sa agrikultura at makipagsabayan sa kakayahan sa kagamitan sa pagsasaka ng mga karatig bansa sa Asya na may produktong bigas,” sabi ni Gonzales. Tumaas din ang ani sa bigas at iba pang produkto sanhi ng mga proyekto sa irigasyon at pagsusulong ng masmaiging sertipikadong binhi, ayon kay Gonzalez.
“Nagsasagawa kami ng aktibidad na tinatawag naming "Usapang Palay" kasama ang mga lokal na pamahalaan upang ipamahagi ang mga teknolohiya at bigyan ang mga magsasaka ng impormasyon sa mga programa at proyekto ng DA,” sabi ni Gonzales.
Ito ay isang aktibidad na mayrooong interkasyon kasama ang mga magsasaka upang ipaliwanag ang mga isyu at makuha ang kanilang saloobin sa iba't ibang usaping agrikultural alinsunod sa Food Staples Self-Sufficiency Program (FSSP), ayon pa kay Gonzales. (MAL/JJPerez-PIA5/Albay)
Pamahalaang lokal binigyang parangal ang mga bayaning Albayano
LUNGSOD NG LEGAZPI, Apr 26 (PIA) -- Pinangunahan kamakalawa ng pamahalaang lalawigan ng Albay ang pag-alala at pagbigay parangal sa kanilang mga bayani sa idinaos na Memorial Day for Albayano Heroes of National Liberation sa lalawigang ito bilang bahagi ng pagdiriwang ng Magayon Festival 2013.
Ayon kay Albay governor Joey Salceda ang nasabing paggunita na kasalukuyan ay nasa ikalawang taon na ay taunan nang isasagawa upang bigyang pugay ang pamana ng mga matatapang na kalalakihan at kababaihan na nakibaka upang matamo ng probinsiya ang kalayaan laban sa mga mananakop nito.
Dagdag pa ni Salceda inaasahang sa kaganapan na ito ay mapalalawak ang kaalaman ng mga taga-Albay sa mga naiambag ng mga lokal na bayani at dahil dito ay mabibigyang halaga ang kanilang nagawang kabayanihan, magkaisa bilang isang lahi at pagyamanin ang dangal ng ating bansa.
Ang mga binigyang parangal ay sina Heneral Jose Ignacio Paua, Heneral Simeon Arboleda Ola at Camilio Jacob.
Si Paua ay isang intsik na rebolusyonaryo na pinadala ni Emilio Aguinaldo sa rehiyon ng Bicol noong 1899 upang maglikom ng pondo para sa katatayo pa lamang na Republika ng Pilipinas samantalang si Ola ay ang huling rebolusyonaryo na taga Guinobatan, Albay na sumuko sa mga Amerikano noong 1903.
Si Jacob, retratistang mamamahayag na taga Polangui Albay, ay isa sa mga 15 martir ng Bicol na binaril sa parehong lugar kung saan pinatay si Jose Rizal.
Tampok din sa nasabing kaganapan ang Sesquicentennial o 150 taong anibersaryo ng kaarawan ni Andres Bonifacio na tinaguriang Ama ng Rebolusyon sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Salceda na si Bonifacio ay napunta sa probinsiyang ito mula 1895 at 1896 upang magtrabaho at maghanap ng kasapi para sa Katipunan.
“Ang Albay noon ay napakayamang probinsiya at si Bonifacio ay napunta dito upang magtrabaho. Sa katunayan maituturing siyang middle class na Pilipino taliwas sa pagkakaalam ng nakararami na siya ay galing sa mahirap na pamilya,” ani Salceda.
“Ang kwentong ito ay naisulat din sa mga aklat ng kasaysayan ni Teodoro Agoncillo, Gregorio Zaide at Ambeth Ocampo,” dagdag pa ni Salceda.
Itinampok ang estatwa ng mga lokal na bayaning ito sa civil-military parade at wreath laying ceremonies na isinagawa sa Bicol University oval sa harap ng Camp Simeon Ola sa Albay.
Ang nasabing Memorial Day ay bahagi ng isang linggong kaganapan na pangungunahan ng lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng mga uniformed service departments sa probinsiya upang maitaguyod ang kapayapaan, kaunlaran at turismo sa probinsiya.
Kasama dito ang Office of the Civil Defense Region V (OCD V), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Bahagi rin sa mga nabanggit na kaganapan ang 2nd Youth Leaders Training on National Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation sa Cagraray Eco Park, Misibis, Cagraray Island sa Abril 22 -26.
Nakahanay naman para sa pagtatapos ng nasabing isang linggong kaganapan ang “Ang Sir kong Pogi 2013,” paligsahan ng mga uniformed officers, sa Abril 23 sa Albay Astrodome at “Adopt a Barangay (Barrio Fest)” sa Abril 28 sa Barangay Taysan, lungsod ng Legazpi. (MAL/SAA/PIA5 Albay)
No comments:
Post a Comment