Monday, April 29, 2013


Comelec, mahigpit na tutukan, papanagutin ang sangkot sa vote-buying

By Edna A. Bagadiong

VIRAC, Catanduanes, Abril 29 (PIA) -- Muling pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) sa lalawigan ang publiko na ang pamimili ng boto o "vote-buying" ay matinding ipinagbabawal lalo na sa nalalapit na halalan sa Mayo 2013.

Ayon kay Comelec provincial election supervisor Atty. Maria Aurea C. Bo-Bunao, ang vote-buying at vote-selling ay mahigpit na ipinagbabawal sa batas.

Dagdag pa niya, ang sinumang mapapatunayang sangkot dito at maging sa iba pang election offense ay maaaring maparusahan ng pagkabilanggo nang hindi bababa sa isang taon at hindi rin lalampas ng anim na taon.

Maaari rin umanong madiskuwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan ang sinumang mapatunayang nagkasala dito.

Ayon sa Comelec, ang pamimigay ng mga souvenir items tulad ng mugs, t-shirts, payong at iba pa bilang bahagi lamang ng kampanya at hindi upang mamili ng boto ay hindi ipinagbabawal ngunit kung gagawin ito kung malapit na ang eleksyon ay maaari nila itong ikonsidera bilang vote-buying.

Hinihikayat naman ng Comelec ang publiko na makipagtulungan sa kanila upang matiyak ang malinis at mapayapang halalan.

Katulong rin ng Comelec sa kampanya laban sa vote-buying ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng PNP, DILG, Philippine Army at ang media. (MAL/EAB-PIA5 Catanduanes)


8 bilanggo ng Camarines Norte Provincial Jail nakapasa sa Alternative Learning System

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Abril 29 (PIA) -- Walong bilanggo ng Camarines Norte Provincial Jail (CNPJ) ang nakapasa sa Alternative Learning System (ALS) kaugnay ng isinagawang pagsusulit sa elementarya at sekondarya noong buwan ng Disyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay acting provincial warden Reynaldo Pajarillo ng Provincial Custodial and Security Services Division (PCSSD) ng pamahalaang panlalawigan, sila ay tatanggap ng diploma sa ika-9 ng Mayo ngayong taon sa agro-sports center ng kapitolyo probinsiya kung saan sila ay magiging kwalipikado sa Serbisyo Sibil.

Aniya, ito ay batay sa Civil Service Commission Resolution No. 00499, “Recognizing the Non-Formal Education (NFE) A & E elementary and secondary certificate as valid documents for permanent appointment to government position provided the requirement are met.”

Ang diploma ay may lagda ni Secretary Bro. Armin A. Luisito ng Department of Education (DepEd) upang magamit nila sa paghahanap ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan batay sa kanilang kaalaman at natutunan.

Ayon naman sa tanggapan ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) dito, sinabi ni Senior TESD Specialist Flora Raña, maaari rin silang pumunta sa kanilang tanggapan upang kumuha ng iba't ibang pagsasanay para sa kanilang dagdag na kaalaman na magagamit nila sa paghahanapbuhay.

Kabilang sa mga nakapasang bilanggo sa elementarya ay sina Ana H. Baldonaza; Teresita C. San Rafael at Denmark B. Longa samantalang sa sekondarya naman ay sina Jalilah M. Mira-ato; Rolly Q. Rala; Marcelo P. del Pilar Jr. at Guitsy A. Beltrano.

Ito ay sa ilalim ng Literacy Class Program ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Custodial and Security Services Division at sa pakikipagtulungan ng Department of Education (MAL/ROV-PIA5/Camarines Norte)



‘Library in a box,’ ipinamahagi ng DOST sa Masbate

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Abril 29 (PIA) -- Namahagi kumakalawa sa Masbate ang Department of Science and Technology ng digital science library, ang kasangkapan na makakatulong sa mga estudyante na matanggap sa science schools.

May official name na STARBOOKS na ang katumbas ay Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk Station, ang computer server na "nakahimuntada sa lectern" ay binansagan din ng mga opisyal ng DOST ng “library in a box” dahil kamukha nito ang isang kiosk.

Ang mga nakatanggap ng research kiosk ay ang Masbate National Comprehensive High School, ang Dr. Emilio B. Espinosa Sr. Memorial State College of Agriculture, at pamahalaang bayan ng Aroroy.

Pinangunahan ni DOST Regional Director Tomas Briñas ang turn-over ceremonies na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga naturang institusyon at mga kinatawan ng non-government organizations.

Makikita ng mga mananaliksik ang kiosk sa pampublikong silid-aklatan ng dalawang paaralan at lokal na pamahalaan.

Malamang na dumami pa ang library in a box sa Masbate kung tatanggapin ng NGOs ang alok ng DOST na software ng STARBOOKS upang magkaroon din sila ng library in a box.

Ayon kay DOST Regional Director Tomas Brinas, ang research kiosk na binuo ng Science and Technology Information Institute ay naglalaman ng libu-libong digitized resources sa agham at teknolohiya na mapapakinabangan hindi lamang ng mga mag-aaral na nais makakuha ng scholarship para sa science schools.

Naglalaman din ito ng mga kaalaman na kailangan ng entrepreneurs, manggagawa, at iba pang kliyente ng agham at teknolohiya.

Aniya, sa klik lang ng daliri sa kiosk ay makukuha na nila ang libu-libong impormasyon sa agham at teknolohiya.

Binigyang diin ng opisyal ng DOST na ang proyektong ito ang paraan ng administrasyong Aquino upang madaling makuha ng bawat Pinoy ang impormasyon sa agham at teknolohiya.

Ang kuwalipikadong magkaroon ng STARBOOKS ay local government units, non-government organizations at educational institutions. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)

No comments:

Post a Comment