Gagamiting official ballot sa eleksyon dumating na sa Sorsogon
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 30 (PIA) – Dumating na noong Biyernes ng umaga, Abril 26, sa probinsya ng Sorsogon ang kabuuang bilang ng mga opisyal na balota na gagamitin sa Mayo 13 lulan ng tatlong trak ng Air 21.
Bantay-sarado naman ang mga tauhan ng Philippine Army at Sorsogon Police Provincial Office na nagbigay ng security convoy sa cargo truck upang masigurong mapapangalagaan ito.
Ilalagak pansamantala sa Comelec Provincial Office ang mga balota at ibinigay naman ng Provincial Election Supervisor sa mga Municipal at City Election Officer na siya namang mamahala sa pamamahagi ng mga balota sa mga guro at kasamahan nito sa kani-kanilang mga area of responsibility para gamitin sa araw ng halalan.
Samantala nagbigay na ng abiso sa mga guro si Acting Sorsogon City Election Officer Atty. Neil B. Canicula, noon pang Lunes, Abril 22, 2013, na inaasahang naroroon ang mga guro sa kani-kanilang itinalagang polling precinct sa Mayo 6, 2013 para sa pagsasagawa ng Final Testing at Sealing ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine.
Sinabi pa ni Canicula na sa araw rin ng final testing ihahatid sa kanila ng Air 21 service provider ang PCOS machine habang ang lalagyan ng balota ay kukunin nila sa tanggapan ng ingat-yaman o treasurer ng lungsod sa Mayo 6, 2013 bago mag-alas nuebe ng umaga.
Makukuha naman sa tanggapan ng City Election Officer ang mga sobreng paglalagyan ng ginamit na test ballots, election return bago ang testing at pagseselyo, manual counting at PCOS print-out, at iba pang mga report. (FB Tumalad-PIA Sorsogon)
Gusali para sa mga kooperatiba ng Daet itatayo
By Rosalita B. Manlangit
DAET, Camarines Norte, Abril 30 (PIA) - Itatayo ang isang gusali para sa mga kooperatiba ng bayang ito upang makatulong na suportahan at mapaunlad ang ibat-ibang pangkabuhayang proyekto ng mga miyembro nito.
Ito ang ipinahayag ni Mayor Tito Sarion sa isinagawang First Daet Cooperative Congress noong Biyernes (Abril 26) sa Heritage Center dito na dinaluhan ng opisyales at miyembro ng mga kooperatiba ng naturang bayan.
Ayon sa kanya kinakailangang suportahan at panatilihin ang cooperativism sa bayan kung saan ang mga magagandang nagawa ay kailangang panatilihin at higit na paunlarin.
Sinabi niya na ang lokal na pamahalaan ay maglalaan ng P1 milyon at ang P4 na milyon naman ay manggagaling sa National Confederation of Cooperatives para sa naturang proyekto.
Sinabi ni Sarion na malaking oportunidad din sa mga kooperatiba ang paglago ng kalakalan sa Daet kung saan tatlong (3) malalaking negosyo ang bubuksan dito sa mga susunod na taon at ganon ang apat (4) na Business Processing Outsourcing (BPO) sa darating na Oktubre.
Aniya hamon ito sa mga kooperatiba upang palakasin ang purchasing power ng mga tao sa pamamagitan ng paghihikayat ng ibat-ibang kabuhayan ng kanilang mga kasamahan.
Sinabi rin niya sa mga kooperatiba na kinakailangan ilatag rin nila sa kanilang mga plano at ang kanilang mga pangangailangan upang ito ay matugunan ng pamahalaang bayan kaalinsabay rin ng pagsusulong ng One-Town-One-Product (OTOP) ng Daet.
Tinalakay naman ni regional director Atty. Maria Lourdes Pacao ng Cooperative Development Authority (CDA) ang ibat-ibang direktiba na kailangang sundin ng mga kooperatiba upang sila ay manatiling rehistrado sa naturang tanggapan.
Aniya kinakailangan ang mga buwanang pag-uulat ay isumite sa tamang petsa sa tanggapan ng CDA upang hindi mag multa o di kaya ay magkaroon ng mga paglabag na itinakda ng kanilang tanggapan.
Sa lalawigan ay mayroong 119 ang nakarehistrong kooperatiba na may miyembrong 35,581 samantalang 39 dito ay sa bayan ng Daet na may 16,571 na kasapi ayon naman kay Provincial Cooperative Officer Erlinda Valera.
Hinikayat naman ni Romeo LI. Clavillas, Provincial Cooperative Development Council (PCDC) Chairman/Manager ng Camarines Norte Cooperative Bank ang mga maliliit na kooperatiba na magsasama-sama upang maging malaki at ng mapalakas ang mga proyekto at higit na lumago ang magiging assets at ang kapital ng mga ito.
Tema ng pagtitipon ang “Converging for a strong collaboration and cooperative communication”. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte)
No comments:
Post a Comment