Kabuuang bilang ng krimen sa Bikol, bumaba ng 6%
LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 30 (PIA) -- Bumaba ng anim na porsyento ang bilang ng naitalang krimen sa rehiyong Bicol sa unang tatlong buwan ngayong 2013, ayon kay Bicol police regional spokesman P/Supt. Renato Bataller sa isang panayam sa kanya noong nakaraang linggo.
Ayon kay Bataller, mula Enero hanggang Marso, mayroong naitalang 2,419 na bilang ng krimen sa buong rehiyon. Naitala ang 155 na insidente o katumbas ng anim na porsyento ang ibinaba nito mula sa 2,574 na insidenteng naitala noong Enero hanggang Marso noong nakaraang taon.
Ayon sa tala ng PNP sa rehiyong ito, sinabi ni Bataller na, ngayong taon, mayroong kabuuang bilang na 1,390 na mga kaso ang index crimes o mga kasong paglabag sa revised penal code, mababa ng 115 kumpara sa 1,505 na naitalang kaso noong 2012.
Samantala, 655 naman ang napapabilang sa non-index crimes o mga krimeng paglabag sa special laws at mga local ordinances. Bumaba ito ng 66 na kaso o katumbas ng 9.15 percent.
Ito ay mababa kumpara sa 721 na naitalang kaso ng non index crime noong nakaraang taon.
Sinabi rin ni Bataller na kagaya ng mga nakalipas na taon, physical injury pa rin ang may pinakamataas na crime volume. Mayroon itong 547 na kabuuang bilang, sinundan ito ng pagnanakaw na mayroon namang 397 na kaso, 215 para sa robbery, sinundan ito ng rape na mayroong 77 na kaso, at panghuli ang homicide na mayroon lamang 25 na kaso.
Idinagdag pa ni Bataller na ang Albay ay ang may pinakaraming naitalang insidente ng krimen sa kaabuuang bilang na 540, sinundan naman ito ng Masbate na mayroong 511 na kaso.
Samantala, ang Sorsogon ay ang may pinakamababang bilang ng krimen na naitala mula Enero hanggang Marso ngayong taon. Mayroon lamang itong 118 na naitalang kaso, pinalitan nito ang Catanduanes na dati ay mayroon lamang 105 na naitalang kaso—ang pinakamababang bilang ng krimen na naitala noong nakaraang taon.
Sa kabuuang bilang na naitalang krimen, 675 na kaso dito ang naresolba na kumakatawan sa crime solution efficiency rate na 27.9 percent, mataas kumpara sa 25.8 percent rate mula pa rin noong Enero hanggang Marso ng nakaraang taon.
Dagdag pa ni Bataller ang pagbaba ng crime volume at ang pagtaas ng crime solution ay resulta lamang ng determinasyon ng PNP dito sa Bikol na masugpo ang krimen.
Subalit ayon pa rin dito, inaasahang tataas ito ngayong papalapit na ang eleksyon.
Ayon sa kanya, isang hamon ito sa mga kapulisan at iba pang tagapagtaguyod ng kapayapaan na mas paigtingin pa ang kampanya laban sa krimen. (MAL/MZEser-OJT-BU/PIA5)
No comments:
Post a Comment