Thursday, April 25, 2013


LTO, PNP nagsagawa ng 'deputation training'

By Marlon A. Loterte

LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 23 (PIA) -- Ang Police Regional Office 5 (PRO5) at Land Transportation Office (LTO) regional office dito ay nagsasagawa ng pagsasanay sa Land Transportation at Traffic Enforcement Deputation na isinagawa sa Camp Gen. Simeon A. Ola.

Ayon kay PO2 John Barbonio, regional deputy information officer, hindi bababa sa 50 ang dumalo sa dalawang araw na training kasama ang mga sibilyang empleyado mula sa mga ahensya ng pamahalaan at mga pulisya mula sa iba’t ibang sangay ng PRO 5.

Ang mga dumalo ay sumailalim sa unang araw ng diskusyon na ibibigay ng ilang mga kawani sa LTO 5 samantalang nang sumunod na araw ay ang aktuwal na mga pagsasanay upang madagdagan ang kanilang kaalaman at mapabuti ang kanilang kasanayan sa traffic law enforcement.

Sinabi rin ni Barbonio na ang Regional Director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (o LTFRB) ng rehiyon ng Bikol na si Engr. Roel V. Asisto ay inanyayahan din sa nasabing training at tumalakay ang mga kaukulang isyu na may kinalaman sa pagpaprangkisa.

Pagkatapos ng naturang training, magtatalaga mula sa mga dumalo ang LTO ng mga bagong traffic law enforcer sa Lungsod ng Legazpi o sa alin mang bahagi ng rehiyon na may pangangailan sa mga ito.

Ipinaliwanag din ni Barbonio na ang mga law enforcers ay tunay na sumasailalim sa pagsusuri ng LTO. Dagdag pa niya ang mga hindi itinalaga ng LTO ay hindi maaaring basta na lang magpatupad ng mga alituntutunin o batas trapiko.

Ang pinagsamang LTO at PNP deputation training ay naglalayong madagdagan pa o mapunan ng sapat na bilang ang mga traffic law enforcers para sa mas epektibong pagpapatupad ng batas trapiko. (MAL/MZEser-OJT-BU/PIA5)


Serbisyo ng Post Office sa Sorsogon magpapatuloy pa rin

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 23 (PIA) -- Sa kabila ng pagbawas ng bilang ng mga koreo sa Sorsogon at kakaunting bilang ng tauhan nito, sinisikap pa rin umano ng Philippine Postal Corporation Sorsogon Service Office na makakaabot pa rin sa mga kinauukulan ang mga padala o sulat mula sa mga nagpapadala nito.

Ito ang inihayag ng isang opisyal ng koreo kung saan inamin nitong anim na koreo sa buong Sorsogon ang isinara na nila dahil sa pagbaba ng bilang ng mga nagpapadala at tumatangkilik dito.

Wala na ring regional post office sa Bicol bagkus ay isinama na ito sa Region IV ng PhilPost kung saan ang central office ay nasa San Pablo, Laguna.

Aniya, maliban sa matagal nang plano ng local post office na bawasan ang kanilang area of coverage, aminado rin siyang ang pagdami ng bilang ng mga gumagamit ng cellphone at internet ang malaking dahilan kung bakit mataas rin ang ibinawas ng mga tumatangkilik ngayon ng serbisyo ng koreo.

Dagdag din dito ang pagkuha na rin ng contractual services ng mga cellphone company na dati ay nagpapadala rin sa kanila.

Kabilang sa tuluyan na nilang ipinasara ay ang postal services office sa mga bayan ng Barcelona, Castilla, Donsol, Juban, Prieto Diaz at Sta. Magdalena.

Tanging ang mga bayan na lamang ng Bulan, Casiguran, Gubat, Irosin, Matnog, Pilar, Bulusan, Magallanes at lungsod ng Sorsogon ang mananatiling aktibo sa pagbibigay ng postal services sa mga Sorsoganon.

Klinaster na lamang nila umano ang pagdedeliber ng mga padala o sulat na idinaan sa koreo nang sa gayon ay matatanggap pa rin ito ng mga pinadalhan ayon sa itinakdang panahon.

Aminado naman si Ramon Dino, isang lokal na manunulat na mahalaga pa rin ang papel na ginagampanan ng koreo na hindi rin matutumbasan ng cellphone, internet at iba pang makabagong teknolohiya lalo’t hindi naman lahat ng lugar sa Sorsogon ay nabiyayaan ng magandang signal ng mga service provider nito.

Samantala, upang matugunan ang sitwasyong kinakaharap ng PhilPost, isinailalim ito ni Pangulong Benigno Aquino noong nakaraang taon sa Office of the President sa bisa ng Executive Order 47 at nagbigay din ng kaukulang pondo upang masuportahan ang pinansyal na pangangailangan nito. (MAL/BAR/PIA5-Sorsogon)


Tagalog news: Lungsod ng Sorsogon negatibo sa rabis

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 23 (PIA) -- Walang naitatalang nagpositibo sa rabis na mga hayop na nakakagat ng tao partikular ang mga pusa at aso dahil sa pinaigting na kampanya ng Sorsogon ukol sa rabis.

Ayon kay Health Surveillance Team Head Registered Nurse Socorro Dimaano ng Sorsogon City Health Office, 265 na ang naitala nilang insidente ng pangangagat ng pusa at aso dito sa lungsod ng Sorsogon, subalit ni isa ay wala umanong nagpositibo sa rabis.

Aniya, hindi na nila ikagugulat kung tumaas pa ang bilang nito lalo pa’t panahon ngayon ng tag-init at bakasyon kung saan kadalasang makikita sa labas ng bahay ang mga tao dahil sa init ng panahon lalong lalo na ang mga batang naglalaro at naghahabulan na siyang palagiang nabibiktima ng mga kagat ng hayop.

Subalit hindi umano nila itinitigil ang kanilang panawagan sa publiko na mag-ingat at sa mga may-ari ng hayop na maging responsable.

Sakali umanong makagat ng hayop, dapat na mahugasan ito ng malinis na tubig sa loob ng 10 minuto, sabunin ng maigi at hugasang mabuti at agad na sumangguni sa doktor upang maiwasan ang anumang epektong maaaring dalhin ng kagat ng hayop. (MAL/BAR/PIA5-Sorsogon)


Tagalog news: Paghahanda sa eleksiyon at voters education tampok sa 'Talakayan sa PIA' Cam Norte

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Abril 23 (PIA) -- Naging tampok ang paghahanda sa halalan sa Mayo at voters education sa isinagawang “Talakayan sa PIA” ng Philippine Information Agency (PIA) ng Camarines Norte noong Huwebes (Abril 18) dito.

Ayon kay provincial election supervisor Atty. Romeo Serrano ng Commission on Elections nakapagsagawa na sila ng mga pagsasanay para sa mga guro bilang mga Board Election Inspectors (BEI) at sa mga Technicians at Supervisors para sa PCOS machine.

Aniya ang mga guro o BEI ang kanilang deputized agency sa panahon ng halalan sapagkat sila ang nasa presinto samantalang ang pulisya naman ay may nakalatag na ring plano upang mabantayan ang mga PCOS machine.

Sinabi naman ni diocesan coordinator Fr. Edwin Visda ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting na patuloy ang kanilang isinasagawang pagsasanay ng mga volunteers na kanilang itatalaga sa mga presinto at ganon din ang pagsasagawa ng candidates forum at voters education sa mga bayan.

Pinaalalahanan rin niya ang mga botante na kung maari ay huwag tatanggap ng pera upang hindi makompromiso ang boto sapagkat maari pa ring makonsensiya kapag tumanggap dahil naman sa ugali ng Pilipino na "utang na loob."

Ayon naman kay provincial director Edwin Garcia ng Department of Interior and Local Government (DILG) na tumutulong ang kanilang tanggapan sa pagpapaalala sa mga botante na tamang kandidato lamang ang kanilang iboboto lalong lalo na sa mga barangay.

Aniya, sila rin ang nagmamatyag sa katahimikan at kaayusan ng lalawigan kung saan may komiteng kaugnay nito na Provincial Management Committee na kinabibilangan ng DILG, Bureau of Jail Management and Penology, Phil. Army, Phil. National Police, National Police Commission at Bureau of Fire Protection.

Nagalak naman si PENRO Elpidio Orata ng Department of Environment and Natural Resources sapagkat epektibo ang kanilang kampanyang pagbabawal ng paglalagay ng mga campaign posters sa mga punong kahoy dahil wala na silang nakikitang nakasabit sa mga punong malapit sa national highway at mangilan-ngilan na lamang sa mga barangay.

Ang “Talakayan sa PIA” ay pinangungunahan ni ICM Rose Manlangit ng PIA at dinaluhan ng mga mamamahayag at brodkaster ng Hello Bicol at Dateline Camarines Norte ng STV6, Pipol Event News, Nation News, DWYD-FM Bay Radio, DWLB-FM Labo, DWSL-FM, DWCN-FM-Radyo ng Bayan at DWSR-FM-Power Radio. (MAL/RBM/PIA5 Camarines Norte)


Tagalog news: Kasanayan sa sining, pag-arte, pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Cam Norte

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Abril 23 (PIA) -- Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ang isang "Summer Workshop" upang mahubog ang kakayahan at kasanayan ng mga kabataan sa iba't ibang talento sa sining at pag-arte.

Ayon kay Abel Icatlo, tagapangasiwa ng programa, ang Summer Workshop ay taon taon ng ginagawa para sa mga kabataan upang magamit naman nila nang makabuluhan ang kanilang panahon ngayong bakasyon.

Kabilang sa mga naituro na simula pa sa unang araw ng Abril ang aerodance, folkdance, flute, banduria at charcoal painting samantalang patuloy ang acrylic painting hangang sa Biyernes (Abril 26) at sisimulan naman sa ika-29 ng Abril ang pagsasanay sa pagtugtog ng gitara at ang theater arts o pag-arte.

Sa ika-7 ng Mayo ang ang showcase of talents o pagpapakita ng kanilang natutunan sa pagsasanay sa iba't ibang larangan ng sining sa pamamagitan ng isang programa.

Taon-taon na itong isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan tuwing panahon ng bakasyon. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte).


Tagalog news: CHED scholarship program, bukas na para sa SY 2013- 2014

LUNGSOD NG LEGAZPI, Abril 23 (PIA) -- Ang Commission on Higher Education o CHED sa Bicol ay muling nanghikayat ng mga mag-aaral na magkokolehiyo na kumuha ng tatlong klaseng tulong pinansiyal sa ilalim ng Student Financial Assistance Program (StuFAP) ngayong 2013-2014.

Ayon kay Education Program Specialist Cyril Badiola, ang scholarship na buong merit (Full Merit) ay para sa mahihirap pero karapat-dapat na estudyanteng may General Weighted Average (GWA) na 90% pataas. Ang benepisyaryo ay maaring makakapag-enrol sa pampubliko o pribadong Universidad. Nagkakahalaga ng P15,000 ang kada semester.

Samantala ang kalahating merit (Half Merit) ay iniaalok sa mahihirap ngunit karapat-dapat na mag-aaral na ang GWA ay 85-89%. Ang benepisyaryo nito ay maaring ring mag-enrol sa pampubliko o pribadong Higher Education Institutions (HEIs). P7,500 naman ang matatanggap rito kada semestre.

Pangalawa ang Grant-in-Aid Program na "Tulong Dunong" na ang hinihinging grado (GWA) ay 80-84%, ito ay para sa mga miyembro ng cultural minority groups of the hill tribe, solo parents at senior citizens. Ang estdyanteng mabibiyayaan nito ay tatanggap ng P6,000 sa kalahating taon ng pag-aaral.

Pangatlo sa iniaalok ay ang Student Loans. Makakakuha ng loan ang karapat-dapat na estudyante sa ilalim ng tinatawag na "Study-Now-Pay-Later" na programa.

Ayon pa kay Badiola na ang CHED ay nag-aalok din ng tulong pinansyal sa ilalim na Office of Presidential Advicer on Peace Process- CHED Student Grant Program for Rebel (OPAPP CHED SGPRR) at (DND-CHED-PASUC ) Study Grant Program for Congressional District/ Senate.

Dagdag pa niya na ang mga benepisyaryo ng mga programang ito ay inaasahang kumuha ng mga kursong Information Technology, Teacher Education, Engineering, Agriculture, Science and Math at Atmospheric Science. (MAL/RBEbuenga-OJT-BU/PIA5)


Tagalog news: CSC: May mga bakanteng trabaho sa Masbate

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Abril 22 (PIA) -- Inihayag ng tanggapan dito ng Civil Service Commission na may 39 na bakante sa hanay ng mga nagtuturo sa Department of Education Masbate.

Ayon sa patalastas na ipinakita nung nakaraang Biyernes sa Facebook page ng CSC’s field office, ang mga bakante ay para sa mga guro, school principal, guidance counselor at librarian.

Ang teacher I ay may 24 na bakante; guidance counselor, 11; head teacher, tatlo; teacher III, isa; school principal I, dalawa; school principal II, isa; at librarian, dalawa.

Ang mga aplikante ay kailangang may current RA 1080 license. Hindi binanggit ng CSC ang tiyak na pook kung saan iaa-assign ang mga makakakuha ng trabaho.

Ang hiring ay bahagi ng hangarin ng pamahalaan na matugunan ang kailangang tauhan sa mga paaralang pampubliko sa probinsya na kung saan tumaas ngayong taon ang populasyon ng mga mag-aaral.

Ang mga nagnanais manilbihan sa mga pampublikong paaralan sa probinsya ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa CSC field office sa lungsod ng Masbate. (MAL/EADelgado-PIA5 Masbate)


Tagalog news: Paligsahan ng sanayang pangkaligtasan isinasagawa sa Cam Norte

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Abril 23 (PIA) -- Sinimulan ngayon araw na ito ang apat na araw na paligsahan ng sanayang pangkaligtasan upang maihanda ang mga volunteers sa iba't ibang kasanayan sa pagtugon sa panahon ng kalamidad at sakuna.

Ito ay sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction/Climate Change Adaptation Skills Olympics.

Ayon kay Carlos Galvez, tagapangasiwa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) dito, ang mga kalahok sa paligsahan ay mga piling kabataan at adults na emergency responders kabilang ang SK Emergency Response Teams (SK-ERT), Barangay Emergency Action Teams (BEAT) at ang Municipal Emergency Action Teams (MEAT).

Aniya ito ay bahagi pa rin ng programang BEAT “D” Risk o “ Building an Environment of Awareness and Trust through Disaster Risk Reduction Initiatives, Safety and Knowledge Management” na inilunsad noong 2011, isang multi-leveled capability building.

Ito ay isinasagawa sa gusali ng Sanayang Pangkaligtasan sa Sitio-Mat-I, Brgy. Sto. Domingo, Vinzons ng lalawigan.

Kabilang sa mga paligsahan ang disaster quiz relay; DANA problem solving; First Aid at Basic Life Support gaya ng rescue breathing at cardio-pulmonary resuscitation; bandaging relay; victims carry at transport relay; scenario fire rescue at evacuation; fire control techniques gaya ng bucket relay at fire truck operation; typhoon tracking and plotting; problem solving sa emergency response-Multi-Hazard Scenario at ganon din ang Obstacles Traverse.

Makakatanggap ng P20,000 ang pangkalahatang mananalo sa bawat kategoriya; P15,000 sa 1st runner-up (bawat kategoriya); P10,000 sa 2nd runner-up (bawat kategoriya); P5,000 sa 3rd runner-up (bawat kategoriya) at P1,000 ang event winners at iba pang pa premyo.

Ito ay sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na pinagunahan ng PDRRMO sa pakikipagtulungan ng Office of Civil Defense Region V, Department of Interior and Local Government, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police at Philippine Red Cross. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte).

No comments:

Post a Comment