Tuesday, April 2, 2013


Tagalog news: 36 bahay naitayo sa Camarines Norte kaugnay ng Bayani Challenge 2013

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Abril 2 (PIA) -- Umabot sa 36 na bahay ang naitayo sa Gawad Kalinga (GK) Friendship Village, Brgy. Laniton, bayan ng San Lorenzo Ruiz dito kaugnay ng isinagawang Bayani Challenge 2013 noong ika- 23-27 ng Marso ngayong taon na may temang “Isang Bayan, Isang Bayanihan”.

Ayon kay GK Provincial Coordinator Honorio Estravez sa 36 bahay, 30 dito ay hanggang biga na at malapit ng mabubungan samantalang ang 6 ay nasimulan na ring maitayo.

Aniya ito ay pagtutulungan na tapusin ng mga volunteers mula sa 13 GK sites sa lalawigan upang agad na ring maigawad sa 36 pamilyang walang tirahan.

Nagpapasalamat rin siya sa suporta na ibinigay ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Daet at San Lorenzo Ruiz at ganon din ng pamahalaang panlalawigan.

Ganon din pasasalamat sa humigit kumulang na 2,000 volunteers mula sa Team ng Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Laguna, Metro Manila at mula sa ibat-ibang GK sites ng Camarines Norte at ganon din sa ibat-ibang kaugnay na ahensiya ng pamahalaan.

Ayon naman kay Mayor Tito Sarion masaya siya dahil maraming tao ang tumulong at nagbigay ng kanilang oras at mga materyales upang makita ang isang konkretong proyekto.

Aniya kahit ano pa man ang mangyari sa paglipas ng panahon ay makikita na nabigyan ng mga bahay at lupa ang mga nangangailangang kababayan.

Sinabi naman ni Arnold Montero, 37 taong gulang, isang volunteer galing ng Manila na ito ang kanyang unang pagsali sa GK sapagkat nais niyang gamitin ang kanyang oras at naipon na pera upang makatulong sa mga higit na nangangailangan sa isang bayanihan.

Aniya ito ang ikalawang pagpunta dito kung saan una na siyang nabighani sa Bagasbas Beach at ngayon naman sa GK.

Ayon naman kay Jhoannie Saturno, 27 taong gulang mula rin sa Manila na ang pagiging volunteer ay isang pagkakataon upang matugunan ang kanyang social responsibility kung saan naramdaman niya ang kasiyahan sa kanyang ginawang pagtulong.

Samantala binigyan rin ng mga kagamitan na ‘pala’ ang mga benepisyaryo sa pagtatapos ng Bayani Challenge 2013 sa naturang barangay. (MAL/RBM-PIA5/Camarines Norte).



Tagalog news: PNP Walk for Peace isinagawa sa Masbate para sa payapa at malinis na eleksyon

By Rogelio Lazaro

LUNGSOD NG MASBATE, Abril 2 (PIA) -- Naniniwala ang pamunuan ngpulisya sa Masbate na hindi malayong makamit ang patas, matiwasay at payapang eleksyon sa lalawigan ng Masbate matapos na idaos noong Linggo ang tinawag nilang “Walk for Peace” and “Music for Peace.”

Maliban sa suportang ipinamalas ng PNP Masbate sa nasabing kaganapan maraming sektor din ang sumali at sumuporta kabilang na ang mga kawani ng pamahalaang nasyunal at lokal, negosyo, relihiyon, NGOs, mga lokal na kandidato, at iba pa.

Layunin ng nasabing aktibidad na maging mahinahon, maganda at kagalang-galang kasabay sa misang pinanguhanan ng Senyor Obispong si Jose Bantolo na nataon naman sa araw ng palaspas bilang tanda ng pagsisimula ng Semana Santa.

Nag-alay ng panalangin an mga nagsidalo sa makabuluhang pagtitipon na isinagawa sa isang coliseum sa lungsod ng Masbate upang ipamalas ang kanilang sama-samang pagkondena sa dayaan at karahasan na maaring maganap sa darating na eleksyon.

Ayon kay Masbate PNP Provincial Director Sr. Supt. Heriberto Olitoquit, humigit kumulang 7,000 mamamayan ang dumalo mula sa iba’t ibang sektor sa pagmamartsa sa mga pangunahing lansangan ng siyudad.

Nahikayat din ang mga cause oriented group na sumali sa Unity Walk para ipakita ang kanilang tapat na panawagan, dagdag pa ni Olitoquit.

Hinihikayat din ng pamunuan ng PNP ang mamamayan na mariing kondenahin ang kaguluhan, pangingikil katulad ng "Permit to Campaign" o "Permit to Win" na gagawin ng makakaliwang grupo dahil ito’y panlilinlang sa "electoral mandate" ng mamamayan.

“Mariing naming kinokondena an extortion activities dahil ito’y katumbas ng pananakot at pang-iimpluwensya sa kalalabasan ng eleksyon at pabor naman doon sa mga kandidatong may kakayahang magbigay ng salapi sa mga rebelde,” pagtatapos pa ni Olitoquit. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)


Tagalog news: Paggunita ng Semana Santa sa Camarines Norte payapa at maayos

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Abril 2 (PIA) -- Naging maayos at mapayapa ang paggunita ng Semana Santa sa lalawigan ng Camarines Norte ayon kay Provincial Director PSSupt. Moises Pagaduan ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO).

Sinabi niya na naging alerto ang pamunuan ng CNPPO sa panahon ng Semana Santa at patuloy pa rin para sa kanilang balak sa Summer Vacation o SUMVAC kung saan nagtalaga ng mga pulisya sa iba't ibang bahagi ng lalawigan.

Aniya, kasama rin sa SUMVAC ang paghahanda sa darating na halalan sa Mayo 13, gayon din ang mga fiesta at iba't ibang kapistahan kung saan dadagsa ang mga bakasyunista sa lalawigan.

Kaugnay pa rin ng Semana Santa wala namang naitalang kaso ng sunog sa lalawigan ayon kay OIC Provincial Fire Marshal Major Benito L.Salcedo ng Bureau of Fire Protection (BFP) dito.

Matatandaan na nakaalerto rin ang naturang tanggapan sa panahon ng Semanta Santa, kung saan naglibot ang kanilang mga fire trucks sa mga lugar na dinadagsa ng mga bakasyunista.

Maging ang Philippine Army (PA), Department of Public Works and Highways, kabalikat at ilang mga volunteers ay naging katuwang ng pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa paggunita ng Semana Santa sa lalawigan. (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment