Wednesday, April 3, 2013


'Rodeo parade', inabangan ng libu-libong tao sa Masbate City

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Abril 3 (PIA) - Nagsiksikan ang madla na nag-abang sa mga tabing kalsada upang masaksihan ang parada kahapon na naghudyat sa pagsisimula ng "Rodeo Festival 2013".

Bakas ang pagkatuwa at paghanga ng madla sa mahabang parada ng floats at mga nakabihis cowboys at cowgirls na umikot sa mga pangunahing kalsada sa lungsod ng Masbate.

Pagsapul ng parada sa Rodeo Arena, ginanap ang fireworks display na minsan sa isang taon lamang nasasaksihan sa lalawigan.

Kasunod ng opening program, binuksan sa mg turista at publiko ang horseback rides, calesa rides at rodeo saloon. Ang rodeo saloon ang orihinal na bahay inuman at kainan ng cowboys at cowgirls.

At para sa pihikan ang panlasa, napa-yum-yum sila sa iba’t ibang luto ng karneng baka na itinampok sa beef cooking contest kahapon.

Bihis na bihis na ngayon ang mga hotel, restaurants at entertainment houses. Ayon sa Rodeo MasbateƱo Inc., ang pinakamagandang bihis rodeo sa kanila ay gagawaran ng premyo.

Subalit ang touristic events kahapon ay patikim pa lang.

Ang hitik sa aksyon na limang araw ng Rodeo National Finals ay magsisimula sa Abril 9 sa pamamagitan ng isang parada ng mga kabayo na minamaneho ng mga totoong cowboys at cowgirls .

Ang rodeo ang sports ng cowboys at cowgirls. Ang Masbate ang tinaguriang rodeo capital ng Pilipinas.

Sasabak sa tagisan ang cowboys at cowgirls ng Masbate sa kanilang mga kapwa kampeyon sa kanilang mga lalawigan at unibersidad na nagdadaos din ng rodeo. Ilan sa lalahok ay manggagaling pa sa ibang bansa katulad ng Australia at United States.

Tiniyak ni Attorney Felimon Abelita III ng Rodeo MasbateƱo na ang Rodeo Festival 2013 ay hindi karaniwang replay ng rodeo festival nang nagdaang taon.

Ayon sa pangulo ng Rodeo Masbateo, ang maraming bagong gimik at sorpresa na kanilang inihanda ay tiyak na papatok sa mga turista at publiko. (MAL/EAD/PIA5)


Tagalog news: Pedya Kamp para sa mga 'special children' isasagawa sa bayan ng Daet

By Rosalita B. Manlangit

DAET, Camarines Norte, Abril 3 (PIA) -- Isasagawa sa bayan ng Daet ang Pedya Kamp, isang pagtitipon ng mga batang may mga pangangailangan o "special children" sa pangunguna ng God’s Special Children, Inc. sa ika-4 hanggang 13 ngayong buwan ng Abril.

Ayon kay Redentor Bobot Gecijo, Asst. Kamp Director ang pagsasagawa ng Pedya Kamp sa Daet ay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ni Mayor Tito Sarion kung saan hinikayat sila na ngayong taon ay dito isagawa aktibidad para sa mga batang may pangangailangan.

Aniya tinatayang 260 delegado na kinabibilangan ng mga special children at mga volunteers ang mangagaling sa Manila samantalang nasa 100 naman ang mangagaling sa bayan ng Daet at ibang bayan sa lalawigan ang kasama sa Pedya Kamp ngayong taon.

Ang Pedya Kamp ay 10 araw na mga gawain para sa batang may kapansanan tulad ng kakulangan sa pag-iisip, may pisikal na kapansanan, may autism, mga ulila, iniwanan, mga batang lansangan at iba pa na pinangungunahan ng God’s Special Children Inc. isang non-stock, non-profit organization.

Ito ang kanilang ika-24 taong pagsasagawa ng Pedya Kamp na nagsimula pa noong 1991 sa Dinalupihan Bataan at sa ibat-ibang lalawigan sa mga sumunod pang mga taon.

Layunin nito na iparamdam sa mga bata na sila ay mga espesyal kahit na sila ay may kakulangan at may pangangailangan sa pamamagitan ng paglalakbay sa ibat-ibang lugar sa bansa.

Kabilang sa mga gawain ay ang bayanihan sa ika-4 ng Abril kung saan ito ang pambukas na programa ng pagtanggap sa mga delegado at pagbibigay pasasalamat sa bayan ng Daet bilang host ngayong taon samantalang sa susunod na araw ang paglilibot sa bayan upang ipakita ang mga magagandang lugar dito.

Sa ika-6 ng Abril ay ang palarong pambata, pista sa nayon, sagalahan at Volunteer’s Talents Night samantalang kinabukasan ang Sunday Mass, Bisitang Bahay at Diskuhan.

Sa Bisitang Bahay ay ang pagkupkop ng foster family sa volunteer at sa bata pagkatapos ng misa upang magkaroon ng pansamantalang pamilya at mabigyan ng pansamantalang pangangailangan sa hapon.

Sa mga susunod na araw hanggang sa pagtatapos sa ika-13 ng Abril ang Provincial Tour, Operetang Musmos, Pedyalympics, Cheerlympics, Munting tinig, Swimming, Alay ni Ate’t Kuya, Arts and Crafts, Story Telling, Kite Flying, Gabi ng Parangal, paglilinis sa Kampsite at ang pag-uwi ng mga delegado.

Dagdag niya na sa mga nais maging foster family maaring bumisita sa kanilang kampsite sa Daet Elementary School. (MAL/RBM/PIA5).

No comments:

Post a Comment