Wednesday, May 15, 2013


BFAR nanguna sa pagtititipon ng mga Commercial Fishing Vessel operators at mangingisda sa Bicol

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Mayo 15 (PIA) -- Pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bicol ang Fisheries Summit and Dialoque / Consultation ng mga Commercial Fishing Vessel Operators at iba pang kliyente nito noong Mayo 8, sa Villa Caceres Hotel sa lungsod ng Naga.

Halos 166 ang lumahok sa naturang aktibidad kasama na ang 23 fishing vessel operators upang pag usapan at magkaroon ng konsultasyon tungkol sa mga programa ng pamahalaan at mga regulasyon sa paghahanap buhay sa dagat.

Ayon kay Regional Director Dennis V. Del Socorro ng BFAR-Bicol, layunin ng pagtitipon na iparating sa sektor ng mga mangingisda, gayundin sa mga commercial fishing vessel operators ang kasalukuyang situwasyon sa fisheries, marine ecosystem partikular sa Burias-Ticao Pass sa lalawigan ng Masbate. Dito kasi nanggagaling ang mga isda na ginagamit sa paggawa ng sardinas.

Pinag-usapan din ang problema sa overfishing na nagiging resulta ang pagkawala ng trabaho, biological diversity at pagbagsak ng ecosystem. Tinalakay din sa naturang pag uusap ang pagpaptupad ng fishery law sa bansa upang maging malinaw sa mga commercial fishing boat operators ang mga kautusang ito.

Sa isang araw na aktibidad binigyan ng kahalagahan ang sektor ng mangingisda dito sa Bicol dahil sa pagbibigay nito ng makabuluhang trabaho at kita mula sa pag eexport ng produktong dagat.

Katuwang ng BFAR-Bicol sa ginawang okasyon ang Greenpeace Southeast Asia, World Wide Fund Philippines (WWWF-Phils), Bicol Consortium for Development Initiatives (BCDI), Lingap para sa Kalusugan ng Sambayanan, Inc. (LIKAS,Inc), Social Action Center ng Archdiocese of Caceres, Bicol Diocese at Clergy, kasama ang Bicol University.

Ang mga kalahok ay mula sa Commercial Fishing Vesel Operators, LGUs, People’s organizations, NGOs, Academe,Civil Society Groups at Gov’t Line Agencies at iba pa. (LSM/DCA-PIA5 Camarines Sur)


LP ticket sa lungsod ng Masbate, halos buo ang tagumpay

By Ernesto A. Delgado

LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 15 (PIA) -- Dahil nabilang na ang mga boto sa 57 ng kabuuang 58 precinct clusters, iprinoklama na ng Masbate City Board of Canvassers ang kandidato ng Liberal Party sa pagka-alkalde na si Rowena Tuason at ang kanyang runningmate na si Ruby Sanchez kahapon.

Si Tuason ay nakakuha ng botong 19,506 o mahigit 60 porsyento ng kabuuang boto. Ang kanyang katunggaling si outgoing Vice Mayor Allan Cos ng Nationalist People’s Coalition ay nakakuha lamang ng botong 12,607 na katumbas ng 39 porsyento.

Halos buo ang tagumpay ng LP ticket sa lungsod dahil ang siyam sa may kabuuang 10 pwesto sa konseho ay sigurado nang napanalunan ng mga nasa partido ni Pangulong Noynoy Aquino.

Ang isa sa hanay ng LP ay maaaring malaglag sa karera dahil ang pangsampung pwesto sa konseho ang inuukupa ngayon ng kandidato ng Nacionalista Party na si Joel YbaƱez.

Hindi muna iprinoklama ang mga nananalong konsehal dahil ang mga boto sa nalalabing precinct cluster ay maaari pang makaapekto sa kanilang pagraranggo sa konseho.

Ipinaliwanag ni City Election Officer Anthony Villasis na ang memory card ng precinct count optical scan machine sa naturang cluster ay corrupted umano at walang laman na election returns.

Ang mayor-elect na si Tuason ay hahalili sa kanyang asawang si Mayor Socrates Tuason na magreretiro muna sa pulitika. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)


Ama, puwedeng makatulong sa pagpapasuso

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 15 (PIA) -- Mayroong mahalagang papel ang mga tatay sa buong proseso ng pagpapasuso ng ina sa sanggol.

Kinakailangan ang tulong ng tatay kung ang ina ay nakakaranas ng hirap sa paglalabas ng gatas sa kanyang suso, ayon kay Dr. Virgilio Ludovice, ang hepe ng Hospital ng Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital sa lungsod ng Ligao sa isinagawang “Sarabayan na Pagpadodo sa Daragang Magayon” o sabayang pagpapadede sa loob ng Albay Astrodome sa pagdiriwang ng taunang Daragang Magayon Festival sa Albay kamakailan.

Pinuri ni Dr. Ludovice ang mga amang nakiisa sa nasabing aktibidad sa pagsama sa kanilang mga asawa na umabot sa 700 na mga ina.

Hinamon din ni Dr. Ludovice ang mga tatay na paangatin pa ang kanilang suporta na tulungan na mailabas ang gatas mula sa suso ng kanilang mga asawa alang-alang sa kanilang mga sanggol kung ang gatas ay hindi gaanong o kung talagang hindi ito lumalabas. “Ang ama ang magbibigay ng stimulus,” sabi ni Dr. Ludovice.

Batay sa temang “Pagpadodo, Eksklusibo, Aprobado sa mga Albayano (Sang-ayon ang Albayano sa Eksklusibong Pagpasuso),” hinikayat ni Dr. Ludovice na gamitin lamang ang gatas ng ina sa pagpapasuso sa sanggol sa loob ng unang anim na buwan nito. “Kailangang mapakinabangan ng sanggol ang Colostrum na galing sa kanyang ina,” sabi ni Dr. Ludovice.

Ang Colostrum ay isang uri ng gatas na galing sa ina na mayroong antibodies na nagsisilbing proteksiyon ng sanggol laban sa sakit. Mababa rin ang fat nito at mataas ang protina kumpara sa ordinaryong gatas.

Mayaman ang Colostrum sa protina, vitamin A at sodium chloride, subalit may mababang taglay na carbohydrates, lipids at potassium kumpara sa normal na gatas.

Ang pinakamahalagang bioactive na mga sangkap ng Colostrum ay ang growth factors at antimicrobial factors. Ang antibodies sa colostrum ang nagbibigay ng immunity, habang ang growth factors ang tumutulong sa paglaki ng sanggol.

Ang sustansya ng Colostrum ay puro pero sa mababang volume. Mayroon itong mahinay na epektong laxative na tumutulong upang makapagdumi ang sanggol ayon kay Dr. Ludovice.

Ang pagpapasuso ay angkop sa lahat ng antas sa lipunan. “Ang mahirap at mayaman ay kailangang parehas magpasuso,” sabi ni Dr. Ludovice.

Ligtas ang gatas ng ina, hindi kailangang magpakulo, tama lagi ang temperatura nito at ang pinakamahalaga ay palaging nakahanda na at libre pa, ayon kay Dr. Ludovice said.

Ang ina na hindi sapat ang nutrisyon ay maari pa ring magsuso sa kanilang sanggol ayon kay Dr. Ludovice. “Pakalipas ng anim na buwan, kailangang bigyan ng karagdagang pagkain ang sanggol gaya ng prutas at gulay,” sabi ni Dr. Ludovice.

Pinayuhan din ni Dr. Ludovice ang mga mag-asawa na nakilahok sa kaganapan na sundin ang dalawa hanggang tatlong taon na pagitan sa panganganak upang mabigyan ng sapat na panahon ang katawan ng ina na makabawi sa hirap sa pagdadalangtao. “Kailangang bigyan ng panahon ang katawan ng ina na makabalik sa normal nitong ayos,” sabi ni Dr. Ludovice.

Higit sa lahat, ang pagpapasuso ay nagbibigay ng matibay na pagniniig na emosyonal at pisikal sa pagitan ng ina at anak at siyempre, kasama na rin ang ama. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)


Halalan sa Sorsogon naging mapayapa sa pangkalahatan

By Benilda A. Recebido

LUGSOD NG SORSOGON, Mayo 15 (PIA) -- Sa kabila ng ilang mga ulat ng pagkakaroon ng mga armadong kalalakihang umano'y umaali-aligid sa ilang mga lugar sa probinsya, nanatiling mapayapa ang naging halalan sa buong Sorsoogn.

Ito ang kinumpirma ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni OIC Provincial Director PSSupt Ramon S. Ranara at ng Philippine Army sa pangunguna ng Task Sub-unit “Charge” ng 31st Infantry Battalion.

Sa naging panayam naman ng PIA kay Provincial Election Supervisor Atty Calixto Aquino Jr. sinabi niyang sa provincial level, wala pa silang idinedeklarang nanalo sapagkat hindi pa kumpleto ang election returns na natatanggap nila. Aniya hanggang sa kasalukuyan wala pang transmitted result ang Sorsogon City at Bulan.

Tanging ang Precinct Counting Optical Scan (PCOS) machine ang magdedesisyon kung sino ang nanalo sa katatapos na halalan.

Sa mga humihingi naman umano ng opisyal na resulta mula sa kanila, sinabi nito na mayroon silang sinusunod na direktiba na kailangang kumpleto ang lahat na election returns mula sa 14 na munisipyo at isang lungsod ng Sorsogon bago sila makapagbigay ng opisyal na resulta ng halalan sa Sorsogon.

Aniya, dalawang barangay pa sa lungsod ng Sorsogon, ang Sampaloc at Balete, at Brgy. Beguin sa bayan ng Bulan ang hindi pa makapag-transmit sa municipal canvassers dahil hindi pa dumadating ang Compact Flash (CF) Cards na hinihintay nila mula sa Maynila.

Dagdag pa ni Atty. Aquino na inaasahan nilang darating ang mga CF cards mamayang hapon at maipadadala na ang opisyal na resulta sa kanila ng natitirang nabanggit na lugar.

Samantala, alas-nuebe ng umaga kanina ay pansamantalang itinigil muna ang bilangan ng Provincial Board of Canvassers at muling sinimulan ito alas-dos ng hapon. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)


2 bayan sa Camarines Norte hindi pa nakakapagsumite ng resulta sa Provincial Board of Canvassers

By Reyjun Villamonte

DAET, CAMARINES NORTE, Mayo 15 (PIA) -- Dalawang bayan sa lalawigan ng Camarines Norte na hangggang sa ngayon ay hindi pa nakakapagsumite ng resulta sa Provincial Board of Canvassers sa Sangguniang Panlalawigan ng kapitolyo dito kaugnay sa isinagawang halalan.

Ayon sa pahayag ni acting provincial election supervisor III Atty. Romeo G. Serrano ng Comission on Elections (Comelec) sa Camarines Norte, transmission ang naging problema sa isang presinto sa bayan ng Daet dahil hindi ito nakaka-transmit papuntang MBOC.

Ang bayan naman ng Capalonga ay tatlong presinto ang may problema dahil nasira ang Compact Flash o CF Cards ng PCOS machine.

Ayon pa rin sa pahayag ni Serrano, tinawagan na niya ang election officer ng naturang mga bayan na humingi na ng pahintulot sa kanilang central office upang ilagay ito sa Compact Disc o CD at dalhin ito sa kanila ngunit naghihintay pa rin ito ng pahintulot hanggang sa ngayon.

Nakatakda naman iproklama ngayong araw ang mga mananalong kandidato sa provincial level sakaling makapagsumite o maka-transmit na sa MBOC ang isang presinto sa bayan ng Daet.

Samantala, sinabi ni PSSupt. Moises Pagaduan, provincial director ng Camarines Norte Police Provincial Office ng PNP dito na naging mapayapa sa pangkalahatan ang isinagawang halalan sa lalawigan, ayon pa rin sa opisyal, walang malaking insidenteng nangyari subalit nakaalerto pa rin ang kanilang hanay kasama ang mga sundalo sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lalawigan. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)

No comments:

Post a Comment