Tambak na basura naiwan matapos ang eleksyon
By Edna A. Bagadiong
VIRAC, Catanduanes, Mayo 14 (PIA) -- Tambak na basura ang naiwan ng mga botante sa iba’t ibang presito ng botohan sa 11 bayan ng lalawigan.
Ito’y sa kabila ng panawagan ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lalawigan na panatilihing malinis ang kapaligiran sa panahon ng halalan.
Maliban sa mga campaign paraphernalia ng mga kandidato na nagkalat, karamihan sa mga basura ay mula sa mga balat ng mga kendi, pagkain at inumin.
Ayon kay DENR Provincial Director Ed Joaquin Guerrero, kaakibat umano ng karapatang bumoto ang tungkulin sa pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran.
Dagdag pa niya, "halos lahat ng mga voting precincts sa lalawigan ay maraming basurang naiwan."
Nagtulong-tulong naman ang mga barangay officials, kawani ng Department of Education at DENR sa paglilinis ng kapaligiran partikular na ng mga lugar na pinagdausuan ng halalan kaninang umaga. (MAL/EAB-PIA5 Catanduanes)
No comments:
Post a Comment