Friday, May 24, 2013


Comelec Bicol nirekomenda ang pagbibigay kompensasyon sa pamilya ng namatay na pulis dahil sa halalan

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 24 (PIA) -- Inirekomenda ng Commission on Elections (Comelec) sa Bikol ang pagbibigay ng kompensasyon para sa pamilya ng namatay na pulis sa Masbate na una nang kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Hiningi ni Comelec regional election Director Romeo Fortes sa pamamagitan ng isang memorandum para kay Chairman Sixto Brillantes Jr. na bigyan ng benepisyong pinansyal ang pamilya ng yumaong si Police Officer 2 Jesus Apostol na nahulog sa dagat at inatake sa puso habang nagbibigay seguridad sa pagdadala ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine at mga kagamitan sa halalan sa Masbate halos isang linggo bago gawin ang halalan.

“Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 9640 tinukoy lang ang insurance at pinansyal na benepisyo sa mga guro na nakaranas ng aksidente o namatay habang tinutupad ang gawaing pang-halalan,” sabi ni Fortes. Ang halalan sa bawat sulok ng bansa ay hindi magtatagumpay at magiging mapayapa kung wala ang sigla ng mga tauhang unipormado," ayon kay Fortes.

“Kung hindi sa kanilang katapangan, ang seguridad ng ating Board of Election Inspectors (BEI) ay manganganib pati na rin ang mga PCOS machines,” ani Fortes. Ang kanilang partisipasyon ay dapat bigyang pansin, dadag pa niya.

“Dapat lang na bigyan sila ng kaparehas ng benepisyo na binibigay sa mga guro,” sabi ni Fortes.

Inirekomenda ni Fortes ang kaparehas na kompensasyon na binibigay sa mga BEI sa pamilya ni Apostol dahil sa nangyari ang kanyang kamatayan habang tinutupad ang gawaing pang-halalan.

Sinabi rin ni Fortes na kailangan ding bigyan ng kaparehas na benepisyo ang mga deputized agencies ng Comelec kung magkaroon man ng aksidente o kamatayan.

Si Apostol ang pinuno ng pangkat ng pinagsanib na pwersa ng Regional Public Safety Batallion at San Pascual Municipal Police Station sa Masbate. Aksidente siyang nahulog sa dagat habang nakasakay sa bankang de motor habang nagbibigay seguridad sa pagdala ng mga PCOS machines sa mga presinto sa San Jacinto. Nawalan siya ng malay at kalaunan ay namatay.

Una nang sumulat si PNP Bicol regional director Police Chief Superintendent Clarence Guinto sa Comelec sa pamamagitan ng Office of the Regional Election Officer sa Bicol sa paghingi ng kompensasyon para sa pamilya ni Apostol, ayon kay Fortes.

Si Apostol kasama si Police Officer 1 Agerico Afable ng Borongan, Samar na binaril at napatay ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin habang binabantayan ang PCOS machine sa Barangay Calingatngan ay kinilala bilang mga bayani ni DILG Secretary Mar Roxas sa ginawang flag raising ceremony sa Camp Crame sa Quezon City ngayong linggo. (MAL/JJJP-PIA5 Albay)

No comments:

Post a Comment