Thursday, May 23, 2013


'Diskwento Caravan-Balik Eskwela Edition' inilunsad ng DTI

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 23 (PIA) -- Nakaalalay ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga mag-aaral at magulang sa kanilang mga gastusin sa kagamitan sa pag-aaral sa pamamagitan ng kanilang “Diskwento Caravan-Balik Eskwela Ediiton” ngayong taon.

Halos dalawang linggo na lamang ang natititira bago ang pasukan kung kaya’t abala na naman ang mga mag-aaral at magulang sa pagbili ng mga kagamitan bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.

Ayon kay DTI Sorsogon Information Officer Senen Malaya, inilunsad ng DTI ang proyektong Diskwento Caravan nang sa gayon ay matulungan ang mga mamimili na makabili ng mga kagamitan at produkto sa mas mababang halaga nang hindi nasasakripisyo ang kalidad nito.

Aniya, para sa lalawigan ng Sorsogon, ang Diskwento Caravan-Balik Eskwela Edition ay isasagawa sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd) kasabay ng pagsasagawa nito ng “Brigada Eskwela" sa Sorsogon Consumers Association at sa iba't ibang mga establisimyentong nangakong makikilahok dito tulad ng Centro Department Store, Duka Variety Store; Goodluck Commercial at Jeanee’s Supermarket.

Kabilang sa mga ibebenta sa may diskwentong halaga ay mga kagamitang tulad ng kwaderno, papel, lapis, pambura, pangtasa, bag, sapatos at uniporme, mga pambaon at iba pa.

Ang dalawang araw na aktibidad ay sinimulan nitong Miyerkules, ika-22 ng Mayo at matatapos ngayong araw ng Huwebes, Mayo 23, sa Distrito ng Bacon, lungsod ng Sorsogon.

Kahapon, Mayo 22, ang “Diskwento Caravan-Balik Eskwela” ay ginanap ng alas otso hanggang alas-onse y medya ng umaga sa Bonga Integrated High School; ala-una hanggang alas-kwatro y medya ng hapon sa Rawis National High School; at sa araw na ito naman, Mayo 23, gagawin naman ito alas-otso hanggang alas-onse y medya ng umaga sa Gatbo Integrated High School; habang ala-una hanggang alas-kwatro y medya naman ng hapon sa L. Martinez Memorial High School.

Subalit nilinaw ni Malaya na hindi nila nililimitahan ang “Diskwento Caravan” sa mga nabanggit lamang na barangay kundi bukas umano ito sa mga katabing mga barangay at sa sinumang interesadong makabili ng mga kagamitan sa murang halaga. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)



Brigada Eskwela sa Camarines Norte binisita ni USec Deriquito ng DepEd

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Mayo 23 (PIA) -- Bumisita kahapon si USec. Mario A. Deriquito ng Department of Education (DepEd) sa lalawigan ng Camarines Norte at nagpasalamat sa mga boluntaryong tumutulong sa isinasagawang Brigada Eskuwela sa mga paaralan dito.

Kabilang sa mga binisita ang Daet Elementary School at Camarines Norte National High School ng bayan ng Daet at ang D.Q. Liwag National High School sa bayan ng Labo.

Una rito, naging panauhin pandangal si USec. Deriquito sa isinagawang Talakayan kahapon na pinangunahan ng Philippine Information Agency (PIA) sa library hub ng DepEd Camarines Norte kasama sina regional director Orfelina O. Tuy, schools division superintendent Arnulfo Balane at assistant SDS Norma B. Samantela.

Aniya, ito ay 10 taon nang isinasagawa ng DepEd at sa mga nakaraang taon ay maganda ang nakukuhang tugon sa mga stakeholders, mga magulang, barangay, mga ahensiya ng pamahalaan, business sector at non-government organizations.

Ayon pa rin kay Usec Deriquito, nagsisikap ang pamunuan ng DepEd para tugunan ang mga pangangailangan ng mga paaralan kabilang na ang mga silid-aralan, aklat at lamesa, higit sa lahat ang mga guro dahil marami ang nag-aaplay at sa ngayong taon ay pupunuan ang 61,510 items sa bansa at ang lahat ng lugar sa Pilipinas ay magkakaroon nito.

Ipinahayag naman ni DepEd Bicol regional director Orfelina O. Tuy na nais din nilang makita ang implementasyon ng Brigada Eskwela dahil mayroong nadagdag dito hindi lang ang pagkukumpuni ng mga gusali sa mga silid aralan kundi mayroon ding kautusan mula kay Secretary Bro. Armin Luistro na magkaroon ng gulayan sa paaralan na dapat asikasuhin at dapat pagtulungang ihanda ng mga boluntaryo.

Dagdag pa niya na nais ding ipaalam ang tuloy-tuloy na pagtatanim ng mga punongkahoy at ang adbokasiya na huwag magputol ng mga kahoy para sa Green Environment.

Ang gulayan sa paaralan ay para sa mga bata at mga guro upang sapat ang kanilang pagkain hindi lang lahat ay puro karne dahil mainam din ang gulay, ayon pa rin kay Tuy.

Ang naturang takalayan ay dinaluhan ng mga miyembro ng media sa lalawigan ng Camarines Norte at mga guro na nagsasanay para sa paghahanda sa implementasyon ng K-12. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)


Lungsod ng Naga, nakiisa sa 2013 Brigada Eskwela

By Danilo C. Abad

LUNGSOD NG NAGA, Mayo 23 (PIA) -- Kalahok ang lungsod na ito sa mga paaralan sa buong bansa na sabay sabay na nakiisa sa pagsasakatuparan ng 2013 Brigada Eskwela na ipinapatupad sa pangunguna ng Department of Education o DepEd.

Ito ay alinsunod sa Division Memorandum No. 13 na ipinalabas ni Naga City Schools Division Superintendent Emma I. Cornejo noong May 14 na nagsasaad ng mga alituntunin tungkol sa pagpapatupad ng 2013 Brigada Eskwela.

Ayon kay Dr. Dolores Q. Mapusao, assistant city school division superintendent ng DepEd, inaasahan ang muling pagdagsa ng mga magulang, estudyante, kabilang na ang ilang mga katuwang ng kagawaran sa paghahanda ng mga silid-aralan at paglinis ng kapaligiran ng paaralan bago magsimula ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 3 ngayong taon.

Dagdag pa ni Mapusao, ang naturang aktibidad ay walang kaugnayan sa enrollment ng mga bata kaya't ipinaliwanag ng naturang opisyal na hindi batayan ang pagliban o di pagtulong sa Brigada Eskwela o ang hindi pag bo-boluntaryo ng mga magulang upang di makapasok ang mga estudyante sa pagbubukas ng klase sa pasukan.

Ipinaala naman ng naturang opisyal ng DepEd na hindi kailangan na magbigay ng pera ang mga magulang at estudyante para sa nasabing aktibidad upang makapag enroll.

Batay naman sa DepEd Memorandum No.40 S.2013 para sa Brigada Eskwela 2013, kailangang lumahok ang lahat na empleyado ng DepEd sa nasabing programa para ibahagi ang kanilang kasanayan at makapagbigay ng suporta sa mga pampublikong paaralan na malapit na sa kanilang tahanan. Kelangan ding ipaalam sa kanilang punong tanggapan ang kanilang intensyong lumahok para sa official time na pagtratrabaho sa pamamagitan ng volunteer work.

Imbitado naman noong Lunes si DepEd Undersecretary Mario M. Deriquita dito sa lungsod ng Naga upang obserbahan ang ginagawang Brigada Eskwela sa Camarines Sur National High School at iba pang paaralan dito sa lalawigan ng Camarines Sur. (LSM/DCA-PIA5/Camarines Sur)


DAR naglunsad ng tracking system sa pagkuha at pagbahagi ng lupa

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 23 (PIA) -- Sa papalapit na katapusan ng implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER), ang Department of Agrarian Reform (DAR) ay naglunsad ng sistema sa pagsusog o tracking system sa kalagayan ng land acquisition and distribution (LAD) upang estriktong manmanan sa pagpapatupad nito at magkaroon ng tamang pag-uulat.

Ginawa ni dating DAR Negros regional director Elmo Bañares ang computer program noong 2011 at ganap na ginamit ito noong 2012 sa nasabing probinsiya na nagkaroon ng magandang resulta sa pagpapatupad ng LAD.

Kilala ang probinsiya ng Negros sa mga maseselan na isyu sa repormang pansakahan at palaging may matataas na balanse sa LAD.

Sa kasalukuyan, ang kagawaran ay nagbibigay ng pagsasanay sa mga kawani nito sa buong bansa lalo na ang nasa Land Tenure Improvement (LTI) Division at field operations staff kasama ang mga municipal agrarian reform officers (MARO) at technologists sa pamamagitan ng pagpapangkat-pangkat o batches sa ilalim ng Intervenors’ Validation Strategy, ayon sa DAR Bicol.

Sa Bicol, dalawang pangkat na ang ipinadala sa tatlong araw na pagsasanay sa paggamit at pagpapatupad ng LAD Tracking System at ang pangatlong pangkat ay naghahanda na rin para sa pagsasanay.

Ayon kay Bañares, ang computer-based tracking system ay naglalayong susugin ang mga gawain sa bawat buwan upang mabigyan ng mapagkakatiwalaang datos ang mga provincial agrarian reform officers (PARO) at MAROs sa paraan ng pagkuha ng lupa o mode of land acquisition, bahagi ng Carper at mga tanim upang maplano ang napapanahong gawain sa pamamagitan ng tama at totoong ulat.

Nakadisenyo rin ang sistema na tugunan o itama ang maling datos o ulat na nasa Planning Monitoring and Evaluation Unit, field personnel at database administrator ng kagawaran, ayon kay Bañares.

Ang tracking system ay magiging gabay din ng mga field personnel sa kanilang mga responsibilidad sa LAD at maitaas ang antas ng kanilang kakayahan sa pagpapaunlad ng itinalaang gawain sa ilalim ng kasalukuyang sitwasyon ng papalapit na katapusan ng implementasyon ng Carper na marami pa rin ang balanse sa LAD, ayon sa DAR Bicol.

Ayon kay DAR Bicol Regional Office Chief Agrarian Reform Program Officer for Operations Nida Santiago, ang LAD Tracking System ay magiging mahalaga sa DAR Bicol dahil sa dami ng balanse sa LAD nito. Ang mga probinsiya ng Albay, Camarines Sur, Masbate at Sorsogon, ay kabilang sa nagungunang 20 probinsiya sa bansa na may mataas na balanse sa LAD, ayon kay Santiago. (MAL/JJJ/DAR5-PIA5 Albay)

No comments:

Post a Comment