Wednesday, May 22, 2013


'National Month of the Ocean' itinataguyod ang paglinang sa mga yamang-dagat

By Sally A. Atento

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 22 (PIA) -- Nagsagawa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng exhibit para sa pagdiriwang ng Ocean Month ngayong buwan ng Mayo upang itaguyod ang adbokasiya sa paglinang at pamamahala sa mga yamang-dagat.

Ayon kay DENR regional Executive Director Gilbert Gonzales sinimulan ang nasabing eksibit nitong Mayo 14 sa pangrehiyon na tanggapan ng DENR sa Rawis, lungsod ng Legazpi sa pangunguna ng Protected Areas Wildlife and Coastal Zone Management Service (PAWCZMS).

Tema ng nasabing pagdiriwang ang “Ang bahura ang kagubatan sa karagatan, ating pangalagaan.”

Ang National Month of the Ocean ay ipinagdiriwang taon-taon kada buwan ng Mayo sa pakikipagtulungan ng DENR at Department of Agriculture sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ahensya ng pamahalaan, state colleges and universities (SUCs) at mga korporasyon na pagmamay-ari ng pamahalaan na may mahalagang gawain sa paglinang at pamamahala sa mga yamang-dagat.

Ayon kay Gonzales kabilang sa mga kaganapan sa pagdiriwang ng Ocean Month ang isang forum ukol sa karagatan at mga natural na yaman nito lalo na ang mga coral reefs.

Tampok din dito ang palabas tungkol sa mga inisyatiba sa pangangalaga at pagbigay halaga sa ating karagatan.

Paliwanag pa ni Gonzales ang pagtampok sa mga bahura o coral reefs ay paraan upang bigyang-diin ang kahalagan nito na siyang natural na pansangga ng mga baybayin gayundin ang pagbibigay buhay nito sa milyon-milyong Pilipino lalo na sa pangingisda at turismo.

Kasabay nito, layunin din ng pagdiriwang ng Ocean month sa ating bansa na maipaalala sa bawat Pilipino ang kanilang tungkulin na pangalagaan at gamitin ng nararapat ang ating mga yamang-dagat. (MAL/SAA-PIA5 Albay)


DAR, PCA naglagda ng MOA sa pagpapadami ng niyog sa Bicol

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 22 (PIA) -- Nagkasundo ang Department of Agrarian Reform (DAR) at ang Philippine Coconut Authority (PCA) kamakailan sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na pabilisin ang pagtatanim ng niyog sa buong rehiyon Bikol.

Ito ay upang palakasin ang industriya ng niyog na lubhang naapektuhan ng dalawang malalakas na bagyo noong 2006, ilegal na pagputol at mga peste ng mga nakaraang taon.

Nilagdaan ni DAR Bicol regional Director Maria Cristina Manlagñit Tam at PCA Bicol administrator Euclides Forbers ang MOA sa ilalim ng Coconut Seedling Dispersal Project (CSDP) ng PCA sa pagbibigay sa mga kuwalipikadong magsasaka ng mga punla ng niyog upang itanim sa kanilang mga niyugan.

Ayon kay Tam mabebenepisyuhan sa proyekto ang 700 ektarya sa agrarian reform communities (ARC) sa rehiyon kasama ang pagtatayo ng pitong nurseries sa mga estratehikong lugar sa Bicol.

Sa ilalim ng proyekto, magbibigay ang PCA ng mga itatanim gaya ng coconut seednuts, seedlings, tulong teknikal sa pagtayo ng nursery at pamamahala nito, extension services at regular na pagmanman ng pag-unlad ng proyekto.

Sa kabilang dako, ang DAR ang pipili ng angkop na lugar na puwedeng ipatupad ang proyekto sa mga probinsiya ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Masbate at Sorsogon.

Dagdag pa ni Tam na ang DAR Bicol din ang pipili ng mga munisipyo at barangay na mayroong Peoples Organizations (PO) na may kakayahan at makakatulong sa pagsasanay at pagpapa-unlad ng kakayahan ng mga benepisyaryong organisasyon.

Ang mga benepisyaryong organisasyon ang magtatrabaho sa pagtatayo at pagpapatakbo ng nursery, gagawa ng panuntunan sa pagpili ng mga magsasakang benepisyaryo at sa roll-over scheme, kung saan ibabalik ng DAR Bicol ang kaparehong halaga na natanggap na 100 magandang uri ng seednuts sa bawat ektarya pakatapos ng pitong taon na naitanim ito upang ipamamahaging muli sa mga susunod ng mga benepisyaryo, ayon sa DAR Bicol.

Sa kasalukuyan, ang DAR provincial offices ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Catanduanes, sa pakikipagtulungan sa PCA at mga benepisyaryong organisasyon ay nagtatag na ng mga coconut nurseries sa mga ARCs.

Sa Camarines Norte, ibinigay ang 20,000 coconut seednuts ng Laguna Tall variety na nagkakahalaga ng P300,000 sa CABILANG ARC ng mga bayan ng Daet at Talisay.

Sa Albay, ang karamihan ng plantasyon ng niyog ay nasa Albay Tres ARC Connectivity Cluster. Nakatanggap din ang Balogo ARC sa munisipyo ng Oas sa pamamagitan ng PANALA Farmers Association ng 20,000 seednuts sa DAR-PCA partnership at 15,000 seednuts galing sa lokal na pamahalaan ng Oas, Albay, ayon sa DAR Bicol.

Dagdag pa rito, binigyan ng 40,000 coconut seednuts ang Pambuhan, Garchitorena, Camarines Sur habang ang Sorsogon ay nasa proseso pa sa pagsasagawa ng pagbibigay impormasyon at orientation seminar upang makakuha ng suporta sa lugar.

Samantala sa Catanduanes, nakapili na ang mga ARCs ng mga lugar na puwedeng taniman sa ilalim ng proyekto, ayon sa DAR Bicol. (MAL/JJJP/DAR5-PIA5 Albay)

No comments:

Post a Comment