Kampanya laban sa pagnanakaw ng kuryente isinasagawa sa Camarines Norte
By Rosalita B. Manlangit
DAET, Camarines Norte, Mayo 21 (PIA) -- Isinasagawa ngayon (Mayo 21) ang kampanya kaugnay ng Republic Act 7832 o batas laban sa pagnanakaw ng kuryente at mga bahaging tore nito ng National Grid Corporation (NGCP) sa pamamagitan ng radio hopping o pagtalakay sa mga istasyon ng radyo at telebisyon sa lalawigan.
Ang pagtalakay ay isinasagawa ni Nelson Bautista, Regional Corporate Communications Officer ng NGCP kung saan sinabi niya na layon nito na maisahimpapawid ang ilang public safety tips upang makaiwas sa anumang kapahamakan na maaring idulot ng matataas na boltahe ng kuryente.
Aniya sa pamamagitan din ng pagtalakay ay mabibigyang linaw kung saan maaring tumawag kung nagkakaroon ng power interruptions sa lalawigan.
Ganon din napakahalaga ng pagbibigay ng impormasyon upang bigyang linaw ang anumang katanungan ng mga mamamayan sa larangan ng elektrisidad.
Dagdag pa ni Bautista ito ay ginagawa hindi lamang sa lalawigan kundi maging sa ibat-ibang panig ng bansa. (MAL/RBM/PIA5-Camarines Norte)
Kasapi ng SWAT na nakaligtas sa ambush pinarangalan
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 21 (PIA) -- Pinarangalan kanina ang tatlong kasapi ng grupo ng Special Weapons And Tactics (SWAT) ng police headquarters dito na nakaligtas sa naganap na ambush noong ika-10 ng Mayo sa distrito ng Bacon, lungsod ng Sorsogon.
Matatandaang pinasabugan ng improvised landmine ang grupo ng SWAT Team alas-kwatro kwarenta y singko ng hapon sa Barangay Bato, Bacon District, lungsod ng Sorsogon habang nagsasagawa ang mga ito ng checkpoint at roving security sa lugar dalawang araw bago ang halalan.
Pinaniniwalaang grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng nasabing ambush.
Mismong si Philippine National Police (PNP) Bicol regional director Police Chief Superintendent Clarence V. Guinto ang naggawad ng parangal sa isang simpleng seremonya kaninang alas-otso ng umaga sa loob ng Camp Salvador Escudero Sr., lungsod ng Sorsogon.
Ang mga magigiting na pulis na pinarangalan at nakarating sa awarding ceremony ay sina PO3 Joey M. Vallespin, PO2 Jeric A. Elquiero at PO2 Rodel DL Dioquino habang nasa bakasyon pa at nagpapagaling pa rin sina PCInsp Juancho B. ibis at PO2 Ruel G. Guel.
Maliban sa medalya, nakatanggap din ng tig-lilimang libong piso ang limang SWAT members dahil sa katapangang ipinakita ng mga ito.
Sa naging mensahe ni RD Guinto, pinuri nito ang ipinakitang katapangan at katatagan ng loob ng mga kasapi ng SWAT dahil walang buhay na nabuwis lalo na sa panig ng pamahalaan.
Pinasalamatan din niya ang lahat ng mga kapulisan sa ipinakitang pagtutulungan ng mga ito upang makamit ang mapayapang halalan hindi lamang sa lalawigan ng Sorsogon kundi sa buong rehiyon partikular sa lalawigan ng Masbate.
Isa umano itong indikasyon na sa pagsasanib pwersa ng mga otoridad at mamayan, hindi imposibleng makamit ang kapayapaan at kaayusan ng bawat komunidad. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Pulis na nasawi sa eleksyon, itinanghal na bayani
By Ernesto A. Delgado
LUNGSOD NG MASBATE, Mayo 21 (PIA) -- Itinanghal kahapon ni Interior Secretary Mar Roxas bilang “bayani” ang pulis na namatay habang naglilingkod sa katatapos na halalan sa probinsya ng Masbate.
Ayon sa hepe ng National Police Commission sa Masbate na si Myrna Guban, kinilala ni Roxas ang kabayanihan ni PO2 Jesus Apostol nang ang kalihim ng DILG ay magsalita sa lingguhang flag raising ceremony sa Camp Crame sa Quezon City.
Si Apostol ay inatake sa puso nang ito’y mahulog mula sa bangka at maduro ng makamandag na dikya habang naghahatid ng precinct count optical scan o PCOS machine sa bayan ng San Pascual sa Burias Island.
Si Apostol ay isa sa dalawang pulis na nasawi habang tumutupad ng kanilang tungkulin sa eleksyon. Ang isa pa ay si PO1 Agerico Afable ng bayan ng Borongan sa probinsya ng Samar na binaril ng hindi nakilalang mga armado habang ito’y nagbabantay sa PCOS machine sa isang presinto sa Barangay Calingatngan.
Ibinahagi ni Guban sa local na media na tinawag ni Roxas ang dalawang pulis na “simbolo ng pagsasakripisyo ng Philippine National Police at isang inspirasyon” sa buong tropa.
Ayon umano kay Roxas, tinupad ng dalawang namayapang pulis ang kanilang tungkulin at binayaran nila ito ng pagsasakripisyo kaya ang dalawa aniya ay bayani ng ating bansa.
Binati ng Kalihim ang buong kapulisan sa aniya’y ipinamalas nilang kakayahan sa pagpanatili sa katahimikan, kaayusan at katotohanan sa May 13 mid-term elections.
Ang katatapos na halalan ay itinuturing na masmapayapa kumpara sa eleksyon nung 2010 at 2007. (MAL/EAD-PIA5 Masbate)
Bicol news: Pulis na nadiskwedo san May 13 elections, kinilala na bayani
By Rogelio Lazaro
CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 21 (PIA) -- Kinilala kahapon ni Interior Secretary Mar Roxas bilang “bayani” an pulis na namatay mientas naga serbi sa katatapos na pirilian sa probinsya san Masbate.
Segun sa hepe san National Police Commission sa Masbate na si Myrna Guban, kinilala ni Roxas an kabayanihan ni PO2 Jesus Apostol san magdiskurso an sekretaryo sa semanal na flag raising ceremony sa Camp Crame sa Quezon City.
Si Apostol inatake sa puso san ini mahulog hali sa lantsa kag makulaputan san malara na salabay mientras nagaduhol san precinct count optical scan o PCOS sa munisipyo san San Pascual sa Burias Island.
Ang netibo san munisipyo san Palanas, Masbate isad sa duha na pulis na namatay mientras nagatuman sa inda election duties. An isad pa amo si PO1 Agerico Afable san munisipyo san Borongan sa probinsya san Samar sa binakbakan san wara makilala na mga armado mientras ini naga bantay sa PCOS machine sa isad na presinto sa Barangay Calingatngan.
Inpaabot ni Guban sa local media na tinawag ni Roxas an duha na pulis na “simbolo san pagsakripisyo san Philippine National Police kag isad na inspirasyon” sa entiro tropa.
Segun sa sekretaryo, guin tuman san nagtaliwan na mga pulis an inda obligsayon kag binaydan ini san pagsakripisyo kaya an duha segun kan Roxas bayani sa aton nasyon.
Guin paabot man san sekretaryo an iya paghatag onor sa bilog na kapulisan dahilan san inda guin pakita na kakayahan sa pagmantiner sa katuninongan, trangkilidad kag kamatuduan sa May 13 mid-term elections.
An katatapos na pirilian kinonsiderar na matuninong kumpara sa eleksyon san 2007 kag 2010. (MAL/RAL-PIA5/Masbate)
Brigada Eskwela sinimulan sa Sorsogon; BFP nagsasagawa rin ng inspeksyon
By Benilda A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 21 (PIA) -- Matapos ang ilang linggong bakasyon sa buong bansa, dinagsa simula kahapon ng mga mag-aaral, mga magulang at mga guro ang mga paaralan para sa opisyal na pagsisimula ng Brigada Eskwela 2013.
Ang Brigada Eskwela ay isang linggong preparasyon para maglinis ng mga silid aralan katuwang ang mga magulang ng mga estudyante para sa maayos, malinis at kaaya-ayang kapaligiran ng mga mag-aaral.
Maging ang mga pulisya ay aktibo nang ipinakalat ng kani-kanilang mga hepe para sa police visibility at pagmamantini ng trapiko sa inaasahang paglobo ng mga sasakyan at mga taong dadagsa sa mga paaralan.
Ayon kay Sorsogon City Bureau of Fire Protection (BFP) SInsp Walter Marcial, nakatakda rin silang magsagawa ng malawakang inspeksyon sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan at establisimyento sa lungsod ng Sorsogon.
Inatasan din nya umano ang kanyang mga fire inspector na makipag-ugnayan sa barangay at Department of Education para sa nasabing aktibidad.
Dagdag pa ng opisyal na ang “Oplan Balik Eskwela” ay taunang programa ng gobyerno na suportado ng BFP upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbubukas ng klase at masigurong mapapalawak ang kampanya at implementasyon ng Republic Act 9514 o Fire Code of the Philippines. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)
Bise gubernador, representante at mga bokal ng unang distrito naiproklama noong Biyernes
By Rosalita B. Manlangit
DAET, CAMARINES NORTE, Mayo 21 (PIA) -- Naiproklama na noong Biyernes, Mayo 17, ng gabi ang ikalawang grupo ng mga nanalo sa lalawigan para sa bise gubernador, representante at mga bokal ng unang distrito matapos maabala dahil sa pagkasira ng 4 na compact flash cards ng dalawang bayan ng Daet at Capalonga.
Muling naihalal ang kasalukuyang Bise Gubernador Jonah Pedro G. Pimentel ng Liberal Party (LP) laban sa katungaling si Casimiro Padilla Jr. ng National Unity Party (NUP).
Naiproklama rin ang bagong nahalal na si Catherine Barcelona-Reyes, NUP bilang bokal ng unang distrito ng lalawigan bagamat may protestang inihain kaugnay ng vote buying ang kanyang naging katunggaling dating Mayor ng Labo na si Winifredo Oco, LP.
Ganon din naiproklama ang mga bokal ng nasabing distrito na sina Pamela Pardo,LP; Teresita Malubay,NUP; Reynoir Quibral, NUP; Erwin Lausin, NUP at Arthur Michael Canlas, NUP.
Una rito naiproklama noong Miyerkules, Mayo 15, ng gabi ang muling nahalal na gubernador na si Governor Edgardo Tallado, LP laban sa katungali na si Congressman Renato Unico Jr., NUP.
Naiproklama rin noong Miyerkules ang muling naihalal na representante ng pangalawang distrito si Cong. Elmer Panotes ng LAKAS-CMD laban kay dating Congresswoman Liwayway Vinzons-Chato at Board Member Ruth Herrera.
Ang mga bokal naman ay sina Rodolfo Gache,LP; Senen Jerez,NUP; Romeo Marmol, LP; Gerardo QuinoƱez,NUP at Renee Herrera, NUP.
Nauna na ring naiproklama sa bayan ng Daet ang capital town ng Camarines Norte na panalo sa landslide na boto si Mayor Tito Sarion, LP sa kanyang huling termino samantalang sa bayan ng Labo ang bagong halal na punong bayan ay si Joseph Ascutia ng LP.
Kabilang pa rin sa mga muling naihalal na punong bayan ay sina Mayor Agnes Ang, LAKAS-CMD ng Vinzons; Mayor Dominador Davocol, LP ng Basud; Alexander Lo Pajarillo, LP ng Mercedes; Mayor Senandro Jalgalado,NUP ng Capalonga; Ricardo Padilla, PMP ng Jose Panganiban; Romeo Moreno, NUP ng Paracale at Ronnie Magana, LAKAS-CMD ng Talisay.
Samantalang ang mga nagbalik na mga Mayor ay sina Edgar Ramorez, LAKAS-CMD ng San Lorenzo Ruiz; Francis Ong, LP ng San Vicente at Bernardina Borja, LP ng Sta. Elena. (MAL/RBM-PIA5 Camarines Norte)
No comments:
Post a Comment