Monday, May 20, 2013



TESDA Bicol, may 427 slots para sa scholarship sa Albay

By Princes S. Dupitas

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 20 (PIA) -- Ang Technical Education and Skills Development Authority o Tesda Bicol ay magbibigay ng 427 scholarship slots para sa mga bagong batch ng mga iskolar dito sa probinsiya ng Albay.

Ayon kay Aileen Lozada, technical education and skills development specialist sa rehiyon ang nasambit na scholarship slots ay bahagi parin ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng kanilang ahensiya.

Dagdag pa ng opisyal na ang programang ito ay di lamang naglalayong mabigyan ng oportunidad ang mga kapos na kabataan na mapataas ang kamalayan na makakatulong sa pag-abot ng kanilang mga pangarap bagkos nilalayon rin nito na ipromote ang technical-vocational courses.

Dagdag pa ni Lozada na sa ilalim ng programang ito ng Tesda mabibigyan ng oportunidad ang mga mahihirap na high school graduates na makakuha ng mga kurso tulad ng commercial cooking, housekeeping, dress-making, food and beverage, welding, machining and refrigeration at air-conditioning.

Ayon din sa opisyal, mayroong 102 slots na ibibigay sa dalawang training centers sa Albay—60 slots dito ay ibibigay sa Guinobatan at 42 naman sa Malilipot. Samantalang ang natitirang 325 slots naman ay ibibigay para sa Trainers Methodology Training Program.

Sa pahayag din ni Lozada ang naturang programa ay epektibo na ngayong ikalawang semester sa Guinobatan samantalang sa ikatlong semester naman ang sa Malilipot. (MAL/PSD-OJT-BU-PIA5)



P1.4M halaga ng planta ng asukal sa Albay, itinayo

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 20 (PIA) -- Inaasahang malaking tulong sa pamumuhay ng mga Albayanong magsasaka lalo na ang mga kasapi ng Maysua Farmers Association (MFA) sa bayan ng Polangui matapos maisakatuparan ang P1.4 milyon halaga ng Muscovado Sugar Processing Facility

Ang proyekto ay ipinatutupad sa ilalim ng Agrarian Reform Community Connectivity & Economic Support Services (ARCCESS) ng Department of Agrarian Reform (DAR) na suportado ng Spanish Agency for International Development Cooperation (AECID).

Ayon sa DAR Bicol, layunin ng proyekto na magkaroon ng trabaho at itaas ang kita ng mga magsasaka sa pagbibigay at paggamit ng makabagong teknolohiya sa paggawa ng asukal na muscovado.

Ang muscovado na asukal ay isinusulong dahil mainam ito sa kalusugan. Kumpara sa ordinaryong asukal, napapanatili nito ang natural na sustansiya ng tubo sa dahilang hindi na ito sumasailalim sa karagdagang pag-init, pagsala at proseso ng pagtanggal ng kulay na nagiging sanhi ng pagkawala ng sustansiya, ayon sa DAR Bicol.

Ang nasabing planta sa pagproseso ng asukal ay naitayo sa pagtutulungan ng Paz y Desarollo (PyD), Local Government Unit (LGU) ng Polangui, Third District Congressman Fernando Gonzalez, Aquinas University Foundation Inc. (AQFI) at MFA, ayon sa DAR Bicol.

Ang proyekto ay pinamamahalaan ng MFA sa ilalim ng pagmamanman at paggabay ng AQFI at Project Management Board (PMB) ng Polangui, Albay. Isinusulong ng proyekto ang participatory community development upang mabawasan ang kahirapan sa buong bansa, ayon sa DAR Bicol.

Ayon kay DAR Albay Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Estreluna G. Ante, nakahanda nang ibigay sa MFA ang 4-wheeled drive tractor bilang suporta sa produksyon ng tubo.

“May mga gagawing pagsasanay para sa MFA bilang bahagi ng pagtutulungan para sa produksiyon ng tubo sa Albay,” sabi ni Ante. Sinabi pa niya na ang mungkahing pagsasaayos ng mga daan sa Purok 3 hanggang 7 ng Barangay Maysua ay nasuri na ng probinsiya.

Ayon sa DAR Bicol, umaasa ang LGU Polangui na maibigay ngayong taon ang trak na hinihingi ng MFA sa ilalim ng ARCCESS upang madala ang mga materyales o raw material sa planta. Nauna nito, nangako ang LGU na magbibigay ng karagdagang P100,000 para ipatayo ang karadagang gusali at tangke ng tubig para sa nasabing planta.

Bilang karagdagan, nangako si Congressman Gonzales na magbibigay ng P300,000 para makabili ng mga multicab para sa MFA para sa delivery ng muscovado, ayon sa DAR Bicol.

Ang planta ay kasama rin sa proyektong pagpapalakas ng sektor ng produksiyon sa kanayunan at pagpapa-unlad ng kalusugang sekswal at pagbubuntis sa mga rehiyon ng Bikol at Caraga, ayon sa DAR Bicol. (MAL/JJJP/DAR5/PIA5/Albay)


Bicol express railway system tampok sa summit sa susunod na buwan

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 20 (PIA) -- Anim na oras na lamang ang paglalakbay galing lungsod ng Legaspi papuntang Maynila kung magkakaroon ng riles ng tren hanggang Matnog sa Sorsogon kung saan mayroong roll-on, roll-off (RORO) sea port.

Ang mga ito at iba pang mga mungkahi ang ipipresenta ng Regional Development Council (RDC) ng rehiyon Bikol sa gaganaping Railway Development Summit sa Hunyo 21 sa Metro Manila.

Ayon sa RDC secretariat, tinukoy sa Philippine Development Plan at Bicol Regional Development Plan ang pagpapasigla, pagsasaayos at pagmomoderno ng railway system bilang prayoridad na programa sa pagpapaunlad ng imprastruktura.

Ang mga istasyon ng tren ay gagawing sona ng komersiyalismo upang mapabilis ang pag-unlad ng ekonomiya sa paligid nito. Ang mga pasilidad sa mga tren at istasyon ay ilalagay gaya ng koneksiyon sa internet, security cameras, malinis na palikuran, serbisyong medikal, amusement centers, online booking, intermodal tickets at modernong pampasaherong bagon na angkop sa mga matatanda, kababaihan at may kapansanan, ayon sa RDC secretariat.

May mungkahi rin na buhayin ang spur lines sa Legaspi at Tabaco ports, paglalagay ng spur lines sa Daet, Caramoan at sa iba pang pangunang mga bayan sa Bikol para sa serbisyong pampasahero at multi-purpose freight.

Ayon kay National and Economic Development Authority (NEDA) Bicol Assistant Regional Director Luis Banua, ang mga rehiyon sa Luzon, kasama ang Metro Manila Development Authority (MMDA), ay nagpahayag ng interes sa pinapangunahang pagpapaigi ng mga railway ng RDC para sa pag-uugnay ng north at south railways at Metro Manila railway system.

Iminungkahi ng RDC ang railway development summit noong Disyembre 7 ng nakaraang taon sa pamamagitan ng isang resolusyon sa pagsulong ng pagpapasigla, pagpapalawak at pagpapaunlad ng railway system sa Bikol. Ang summit ay inaasahang makuha ang suporta ni Pangulong Benigno Aquino III na iimbitahang keynote speaker, ayon sa RDC secretariat.

Nagkaroon ng mga pagsangguni sa mga probinsiya na ginawa sa Camarines Sur noong Enero 30, sa Sorsogon noong Pebrero 27 at sa Camarines Norte noong March 20. Ang regional consultation ay ginawa sa lungsod ng legaspi noong Abril 25 na nilahukan ng mga kasapi ng RDC, mga kinatawan ng local government units (LGU), akademya, media, chambers of commerce and industry at non-government organizations. Isinagawa din ang technical consultations noong Disyembre hanggang Abril upang pag-usapan ang bilis, serbisyo, kakayahan, kapital at halaga ng maintenance, ayon sa RDC secretariat.

Binigyang diin ng sektor ng negosyo na ang serbisyong cargo at passenger train ay magpapalago ng kalakalan at industriya sa Bikol. Pinag-usapan din ang mga mungkahi sa pagtugon sa mga isyu at usapin sa squatting sa tabi ng riles, ilegal na railroad crossings, papel ng Philippine National Railways (PNR), pagsasapribado at paglalagay ng world class railways system na konektado sa iba pang uri ng transportasyon, ayon sa RDC secretariat.

“Ang mga mungkahing ito ay isusumite sa Department of Transportation and Communication (DOTC) para pag-usapan at pagpasyahan sa loob ng summit,” sabi ni Development Administration Committee (DAC) Chairman Rev. Fr. Ramoncito Segubiense.

Kilala sa tawag na “Bicol Express” noong mga nakaraang dekada dahil sa papel nito bilang pinakatanyag na uri ng transportasyon sa Bikol, ang industriya ng tren ay nagkaroon ng pagbagal at nalihis ang direksyon sa mga kasalukuyang panahon na nagresulta upang maungusan ito ng iba pang mas maasahan at episyenteng uri ng transportasyon sa rehiyon.

Inaasahan na magsisilbing gasolina ang summit upang muling palakasin ang makina ng Bicol Express balik sa sa dati nitong landas upang maibalik ang dati nitong katanyagan bilang paboritong transportasyon sa rehiyon. (MAL/JJJP-PIA5 Albay)

No comments:

Post a Comment