Friday, May 17, 2013


Resulta ng halalan sa Camarines Norte inaasahang matatapos ngayong araw

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Mayo 17 (PIA) -- Inaasahang matatapos ngayong araw ang resulta ng halalan dito sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ito ay upang maiproklama na ang mga natitira pang mga nanalong kandidato sa bise-gobernador at representante sa unang distrito ganundin ang mga provincial board member.

Sa mga nakaraang araw ay tatlong CF cards ng precinct-count optical scan (PCOS) machine sa tatlong presinto sa bayan ng Capalonga ang naging dahilan upang hindi makapagsumite o maka-pagtransmit ng resulta sa Provincial Board of Canvassers.

Ganundin ang isang presinto sa bayan ng Daet na CF card din ang naging problema at hindi ito maisumite sa MBOC sa PBOC.

Sisikapin ngayong araw na ito na matapos ang pagsusumite na kung saan isang presinto na lang ang natitira sa bayan ng Capalonga at nagsimula ng magre-scan kaninang 6:30 ng umaga at inaasahang maitatransmit ang resulta bago sumapit ang 12:00 ng tanghali.

Nagsimula na rin magre-scan kaninang alas-nuebe ng umaga ang isa pang natitirang presinto sa bayan ng Daet at inaasahan din ngayong ala-una ng hapon ay maitatransmit na ito sa Provincial Board of Canvassers.

Ayon sa pahayag ni acting provincial election supervisor III Atty. Romeo G. Serrano ng Comission on Elections (Comelec) sa Camarines Norte, nagsasagawa ngayon ng scan ang dalawa pang natitirang presinto na hindi magkaroon ng problema ang PCOS machine upang ngayong hapon ay makapagtransmit na ito sa PBOC mula sa MBOC ng Daet at Capalonga.

Samantala, nauna nang naiproklama noong Miyerkules, Mayo 15, sa Sangguniang Panlalawigan ng kapitolyo probinsiya sina Incumbent Governor Edgardo Tallado at reelectionist Congressman Elmer Panotes ng ikalawang distrito ganundin ang limang provincial board member batay sa Comelec Resolution No. 9700. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)



Phivolcs daragdagan ang instrumento sa Mayon

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 17 (PIA) -- Sa nangyaring hindi inaasahang pagbuga ng abo ng Bulkang Mayon noong Mayo 7, magdaragdag ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng mga kagamitan sa pagmamanman o monitoring instruments upang mas lalong mapag-ibayo ang pag-obserba sa galaw ng bulkan.

“Mayroon na kaming maraming instrumento sa paligid ng Bulkan Mayon, subalit kailangan pa ring paunlarin ang visualization ng geophysical at geodetical trending nito,” sabi ni Phivolcs Resident Volcanologist Eduardo Laguerta.

Ang mga instrumento ay patuloy na nagtatala ng graphical output na nagsasaad na ang lahat ng parameters ay nagpapakita na walang anumang panganib, ayon kay Laguerta. “Walang gaanong kaganapan sa loob ng bulkan simula pa noong 2012,” sabi ni Laguerta.

Ayon sa geophysical activities ng Mayon, ang galaw ng magma ay normal, ayon kay Laguerta. “Ang lumalabas na gas sa Mayon ay patuloy na nasa normal na dami kung saan ang lumalabas na sulphur dioxide dito ay normal din,” sabi ni Laguerta. “Ang nangyari noong Mayo 7 ay normal,” sabi ni Laguerta.

Ang Mayon, isa sa mga pinaka-aktibong bulkan sa buong mundo ay nagkaroon ng phreatic explosion noong Mayo 7 na nagdulot ng pagkamatay ng limang mountaineers at pagkakasugat ng walong iba pa. Ang phreatic explosion ay nangyayari kapag ang mga maiinit na bato sa loob ng bulkan ay nasasalubong ang tubig o water system na nagiging sanhi ng usok pataas sa bunganga ng bulkan upang magkaroon ng ash cloud.

Bilang reaksiyon sa posibilidad ng pagkakaroon ng malaking pagsabog sa susunod na taon base sa nangyari noong 2008 na nagkaroon muna ng maliliit na pagsabog bago ang isang malaking pagsabog noong 2009, ang sabi ni Laguerta ay, “Maaring hindi, maaaring oo.”

“Mahirap manmanan ang maliliit na pagsabog, ang mga alert levels ay ginagamit para sa malaking pagsabog,” sabi ni Laguerta. Kailangang istriktong ipatupad ang permanent danger zone sa bawat oras, ayon kay Laguerta. Nasa alert level zero ang Mayon Volcano nang magbuga ito ng abo noong nakaraang linggo.

“Ang six-kilometer permanent danger zone ay ayon sa pag-aaral geolohikal ng Phivolcs, morpolohiya ng Mayon at ang kasaysayan ng mga nakaraang pagsabog nito,” sabi ni Laguerta. “sa taas nitong 2.5 kilometro at 40 degrees slope, ang steepness nito ay takaw aksidente sa pagkahulog at ang mga lindol ay magsasanhi ng paggulong ng mga bato galing sa taas nito,” sabi ni Laguerta.

Ang aviation protocol ay dapat ring ipatupad ng mahigpit ayon kay Laguerta. “Hindi dapat dumaan ang mga sasakyang panghimpapawid sa ash cloud dahil posible itong maging sanhi ng pagbagsak ng eroplano,” Laguerta said.

Ang pagdaragdag ng mga instrumento ay hindi lamang kinakailangan para sa kasalukuyang paggamit kundi para din sa mga gagawing pagsaliksik sa hinaharap. “Ang lahat ng mga datos ay maaaring gamitin sa hinaharap at para din sa mga sayantipiko sa hinaharap para sa kanilang pag-aaral,” sabi ni Laguerta. (JJJP-PIA5 Albay)

No comments:

Post a Comment