Saturday, May 4, 2013


DOLE Bicol nagbabala sa ‘barangayan modus’ sa illegal recruitment

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 4 (PIA) -- Masusing minamanmanan ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng Bicol kasama ng Philippine National Police (PNP) ang gawain ng mga suspetsadong illegal recruiters na gumagala sa mga liblib na pamayanan ng rehiyon.

“Nakatanggap kami kamakailan ng mga ulat ukol sa pagsasagawa ng illegal job recruitment ng mga suspetsado sa mga barangay,” sabi ni DOLE Bicol Public Information Officer (PIO) Raymund Escalante sa isang panayam na isinagawa ng Philippine Information Agency (PIA) Region V. “Tinawag namin itong ‘barangayan’ na modus operandi dahilan sa tinutumbok ng mga illegal recruiters ang mga barangay,” sabi ni Escalante.

Sadyang hindi binanggit ng DOLE Bicol ang eksaktong lokasyon at pangyayari ng mga iniulat na insidente upang hindi mabulilyaso ang operasyon ng DOLE at pulisya, ayon kay Escalante. “Subalit kailangan naming bigyan ng babala ang publiko upang maging mapagmatiyag sila para hindi sila mabiktima,” ani Escalante.

Sa modus na ‘Barangayan’ tinutumbok ang mga liblib na lugar dahil sa madali silang mabiktima sa kanilang kakulangan sa impormasyon, pangunang mga serbisyo at trabaho, ayon kay Escalante. “Kailangang pagdudahan ang mga recruiters na nangangako ng masyadong mataas na sahod,” sabi ni Escalante.

Kailangan usisahin ng mga opisyales ng barangay kung ang recruiter ay lisensyado ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung sila ay naghahandog ng trabaho sa ibang bansa, habang ang lokal na trabaho ay nangangailangan ng local special recruitment permit o Special Recruitment Authority (SRA) galing sa DOLE o sa lokal na Public Employment Service Office (PESO), ayon kay Escalante.

“Magsasagawa kami ng regular na information drive ngayong Hunyo sa mga opisyales ng barangay upang turuan sila sa pagtitiyak ng mga pekeng lisensiya at recruitment permits bilang bahagi ng aming pagsulong ng kampanya laban sa mga illegal recruiters,” sabi ni Escalante.

May mga residente sa bayan ng Daraga sa Albay na nabiktima noong nakaraang taon ng ilegal na mga recruiter na bumaba sa bus na kanilang sinasakyan sa bayan ng Ligao sa pagkukunwaring may mga pasasakayin pang mga na-recruit subalit tumakas na tangay ang pera ng mga biktima. Tinulungan ng DOLE at PNP ang mga biktima upang makauwi sa kanila. (JJJP-PIA5/Albay)


Itatayong bambusetum sa Ligao Albay inihahanda na ng DENR

By Sally A. Atento

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 4 (PIA) -- Kasalukuyang pinag-aaralan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang iminumungkahing lugar para sa pagtatayo ng bambusetum sa baranggay Bonga sa lungsod ng Ligao ng probinsiyang ito.

Ang bambusetum ay isang lugar kung saan pinararami ang iba’t ibang uri ng kawayan upang magsilbing pagkukunan ng pananim o ng maipapakitang uri sa mga nais magkaroon ng kaalaman tungkol dito.

Ayon kay DENR regional director Gilbert Gonzales, pangungunahan ng Research Service Department ng kanilang ahensya ang pagtatayo ng bambusetum sa nabanggit na lugar samantalang ang pag-aaral ay pamamahalaan ni Technology Transfer Division chief Lida Borboran.

Ayon sa impormasyon, ang mga kawayan para sa demonstration farm ng bambusetum ay napalago na ng Ecosystems Research and Development Service (ERDS) kung saan 21 dito ay "exotic" na uri na galing pa sa ibang bansa kasama na ang ibang uri na "endemi"c o uri na dito lamang matatagpuan sa Pilipinas.

Kasalukuyang may 354 na kawayan na pinauusbong at pinalalaki sa nursery ng DENR Research samantalang patuloy pa rin ang pagpapadami ng bagong pananim o planting stock.

Dagdag pa ni Gonzales ang pagtatayo ng bambusetum ay isang paraan sa pagpapatatag ng pagtutulungan ng DENR at lokal na pamahalaan ng Ligao upang makamit ang adhikain laban sa panganib na dala ng pagbabago ng klima, turismo at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya na naka-ugnay sa agrikultura. (MAL/SAA– PIA5/Albay)



Oplan Baklas suportado ng DENR

By Sally A. Atento

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 4 (PIA) -- Kaisa ang Department of Environment and Natural Resources sa Joint Task Force Oplan Baklas na pinangungunahan ng Commission on Elections (Comelec) kung saan layunin nitong alisin ang mga campaign materials na inilalagay sa labas ng itinakdang common posters area o idinidikit sa mga punong kahoy.

Ayon kay DENR regional executive director Gilbert Gonzales naging matagumpay ang resulta ng pinag-isang kampanya ng task force na binubuo ng Comelec, DENR, Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Armed Forces of the Philippines.

Kaugnay nito kanya ring binanggit ang isinagawang operation baklas sa lungsod ng Legazpi nitong Mayo 1 na pinangunahan ni Community Envronment and Natural Resources Office chief Marlon Francia kasama ang joint task force.

Tambak-tambak na campaign materials ang tinanggal at nakumpiska ng grupo dahil sa pagsuway sa mga ito sa Presidential Decree 953 at Republic Act 9006 o Fair Elections Act.

Sa ngayon ay nakasalalay na sa task force kung ano ang ukol na aksyon laban sa mga sumusuway na kandidato. (MAL/SAA – PIA5/Albay)

No comments:

Post a Comment