Wednesday, May 29, 2013

DTI inilahad ang iba pang maaaring pagkakitaan ng mga Sorsoganon

By Benilda A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, May 29 (PIA) -- Hindi lamang Pili ang maaaring gawing champion product ng lalawigan ng Sorsogon.

Ayon sa Department of Trade and Industry Sorsogon, sagana ang lalawigan ng Sorsogon sa iba’t ibang mga uri ng mga pananim na maaaring mapagkunan ng mga materyales na maaaring pagsimulan ng mga bagong produkto at pagkakitaan.

Isa sa mga isinusulong ngayon ng DTI Sorsogon ay ang pagpapalago ng industriya ng kawayan o bamboo mula sa pagpapadami nito hanggang sa maging panibagong produkto ito.

Ayon kay DTI Sorsogon Provincial Director Leah Pagao, nasa mga bayan ng Bulan, Castilla, Pto. Diaz at Pilar ang pinakamagagandang uri ng kawayan sa Sorsogon.

Aniya, dahil sa ang kawayan o bamboo ang isa sa tinitignan ngayon na may marketability potential at maaaring maging daan upang makilala ang Sorsogon pagdating sa mga produktong world class, hinihikayat nila ang mga Sorsoganon na bigyang-pansin ang industriya ng kawayan at patuloy na tumuklas ng mga disenyo at produktong gawa sa kawayan.

Kabilang sa mga produktong maaaring magawa mula sa kawayan ay mga muwebles tulad ng mesa, upuan at cabinet. Maaari ding maproseso ang malalaking kawayan at gawing pansahig, pandingding o kisame ang tabla ng kawayan.

Naririyan naman ang Provincial Small and Medium Enterprise Development Council (PSMEDC) na handang tumulong upang mapalago nang unti unti na ngayong nakikilalang industriya ng kawayan. Tumutulong din ang PSMEDC upang maisulong ang mga proyektong prayoridad gawin ngayong taon ng DTI tulad ng pagsasaayos ng sistema sa pagnenegosyo at paglilisensya, pagpapalago ng industriya ng kawayan, coco coir at paggawa ng pili geographical indicator.

Samantala, maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol ay pinag-aaralan na rin kung papaanong makapagtatayo ng Bambusetum o bamboo nursery nang sa gayon ay makapagpatubo ng mas marami at iba-ibang uri ng kawayan. Sa pamamagitan ng Bambusetum ay mas madaling makakakuha ng pananim ang sinumang nais pumasok sa industriyang ito. (MAL/BAR-PIA5 Sorsogon)


DTI Camarines Norte nagsasagawa ng monitoring sa presyo ng mga kagamitan sa eskuwela

By Reyjun Villamonte

DAET, Camarines Norte, Mayo 29 (PIA) -- Sa nalalapit na naman na pagbubukas ng klase ngayong buwan ng Hunyo ay nagsasagawa ng monitoring ang tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng lalawigan ng Camarines Norte sa mga pamilihan sa bayan ng Daet.

Ito ay kaugnay sa mga presyo ng bilihin sa mga kagamitan sa eskuwela ng mga mag-aaral kung saan naglagay ng Suggested Retail Price (SRP) sa mga tindahan at establisyemento na ipinatutupad ng naturang tanggapan.

Nakasaad sa SRP ang “Gabay sa pamimili ng school supplies” na makikita dito ang halaga ng iba't ibang mga kagamitan na kailangan bilihin sa mababa at tamang halaga.

Ayon kay Consumer Welfare Division Victor Zenarosa, Trade and Industry Development Specialist ng DTI, sa pagbili ng mga kagamitan, kailangan na hanapin ang mga label nito, katulad sa papel, dapat alamin ang bilang ng pahina, klase at sukat, pangalan, lugar ng produkto at kung saang bansa ito ginawa ganundin ang lapis at ballpen.

Katulad din sa krayola, dapat hanapin ang nakasulat na salitang “non-toxic” na nagpapahayag na ito ay nasuri at nakapasa sa “allowed toxicity level” na itinakda ng Food and Drug Administration (FDA) at kung saang bansa din ginawa ang produkto.

Ayon pa rin kay Zenarosa, dapat tignan pa rin ng mga magulang ang ipinatutupad na presyo ng kanilang tanggapan o listahan ng halaga ng mga kagamitan na makikita sa mga tindahan.

Aniya, dapat din na malaman ng mga mamimili ang magandang kalidad ng mga kagamitan kumpara sa mga walang SRP.

Wala namang nakikitang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing kagamitan sa eskuwela batay na rin sa kanilang monitoring sa mga establisyemento sa bayan ng Daet ayon pa rin kay Zenarosa.


Samantala, maaaring magsadya sa tanggapan ng DTI para sa mga katanungan at reklamo sa kalidad at presyo ng mga bilihin ang mga mamimili at doon ay maaari ring kumuha ang mga nagtitinda ng listahan ng presyo ng mga kagamitan o SRP para ilagay sa kanilang mga tindahan. (MAL/ROV-PIA5 Camarines Norte)


Gawad KALASAG 2013, inilunsad

By Joseph John J. Perez

LUNGSOD NG LEGAZPI, Mayo 29 (PIA) -- Simula Mayo 24, pipiliin ang pinakamagaling na mga Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMC), Civil Society Organizations (CSO) at kabayanihan ng mga indibidwal, grupo o institusyon sa mga naganap na sakuna, natural man o gawa ng tao.

Ibinalita ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 5 ang opisyal na pagsisimula ng Gawad Kalasag, isang parangal para sa nagsagawa ng kagalingan sa disaster risk reduction and management (DRRM) at humanitarian assistance sa rehiyon na magtatapos hanggang Hunyo 16. Nagpulong ang regional search committee noong Mayo 23 upang pag-usapan ang pagbabago sa patakaran at iba pang mahalagang usapin tungkol sa parangal, ayon sa OCD Bicol.

Inilunsad noong 1998, ang Gawad KALASAG (KAlamidad at Sakuna, LAbanan, SAriling Galing ang Kaligtasan) ay isang mekanismong parangal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang ipagpatuloy at palakasin pa ang suporta at sinumpaang tungkulin sa pamamagitan ng pagkilala ng kahanga-hangang gawain ng mga disaster risk reduction practitioners sa pagpapaunlad ng galing at kakayahan ng bansa at mga pamayanan sa mga panganib dala ng mga sakuna.

Layunin din nito ang isulong ang konsepto ng bayanihan sa pagitan ng mga ahensiya at mga indibidwal sa pagbigay ng agarang tulong sa pagtugon sa mga sakuna, ayon sa OCD Bikol.

Nakaabang ang 28 kategorya kung saan ang mga pangunang parangal ay para sa pinakamagaling na LDRRMCs sa mga probinsiya, siyudad, munisipyo at barangay. Ang iba pang kategorya ng Gawad Kalasag ay para sa CSOs, pribadong organisasyon, volunteer organizations, government emergency response management, paaralan, ospital, kabayanihan ng indibidwal o grupo na nagbigay tulong sa pamayanan. Bibigyan din ng natatanging pagkilala ang mga indibidwal, ahensiya at media.

Ang mga maitatanghal na panalo sa pambansang kategorya ay makatatanggap ng perang gantimpala: unang gantimpala – P100,000; pangalawang gantimpala – P75,000 at pangatlong gantimpala – P50,000. Ang mga gantimpala ay maaring gastahin para sa gawaing may kaugnayan sa DRRM ng mga nanalong LDRRMC, ayon sa OCD Bicol.

Ang huling araw sa pagtanggap ng mga kalahok sa regional selection committee ay sa Hunyo 17. Ang talaan ng mga nanalo sa rehiyon ay isusumite sa national search committee sa Hunyo 20, ayon sa OCD Bicol.

Ang regional search committee ay binubuo ng mga regional directors ng Departments of the Interior and Local Government, Health, Education, Social Welfare and Development, Science and Technology, National Economic and Development Authority, Philippine Red Cross, Philippine Information Agency at Office of Civil Defense.

Ang national search committee ay binubuo ng mga kalihim o kinatawan ng DILG bilang pinuno, OCD bilang pangalawang pinuno, na may mga kaspi mula sa DOH, DepEd, DSWD, DOST, Climate Change Commission, NEDA, PIA, National Anti-Poverty Commission, Philippine Red Cross, Union of Local Authorities of the Philippines, mga pangulo ng liga ng mga probinsya, lungsod, munisipyo at barangay, civil society organizations at pribadong sektor.

Ang seremonya ng parangal ay nakatakda sa pagitan ng ikatlo at ikaapat ng linggo ng Hulyo ngayong taon. (MAL/JJJP-PIA5/Albay)


MasbateƱo news: Biyaheng Cebu-Masbate paga tunaan na san Cebu Pacific

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 29 (PIA) -- Isad kasemana na lang tuna yana magatuna an an paglupad san Cebu Pacific hali Cebu pakadi sa Masbate.

Segun sa opisyal sa Masbate, an budget carrier magatuna na pagbiyahe pasulod sa ciudad san Masbate sa maabot na Sabado, Hunyo 1, kag an eroplano na ATR 72-500 an gagamiton san nahunambitan na airline.

Mapapakusog daw san Cebu Pacific an turismo kag negosyo sa tunga san Masbate kag Cebu pinaagi sa bag-o na biyahe dahilan kay magkakaigwa na san tiempo an lokal kag dayuhan na turista na magbisita sa duha na destinasyon.

Segun sa pamunuan san Cebu Pacific, upat na beses kada semana na magabiyahe an nasabi na airline na may ruta Cebu-Masbate kag balikan, maga biyahe ini sa adlaw san Martes, Huwebes, Sabado kag Domingo.

Sa advisory na bulag na guin paguwa san kumpanya kag Masbate City Hall, eksakto alas 6:15 san aga mahali sa Cebu an eroplano kag 7:10 san aga maabot sa Masbate. Magabalik naman hali Masbate alas 7:30 san aga kag ma-landing sa Cebu eksakto alas 8:25 san aga.

An Masbate bantog saiya scuba diving spots kag rodeo festival.

P688 an pamasahe sa ruta Cebu-Masbate. (RAL/MAL-PIA5)


MasbateƱo news: Masbate PRC team, madayo sa Masbate agod serbisyuhan an mga propesyonal

By Rogelio Lazaro

CIUDAD SAN MASBATE, Mayo 29 (PIA) -- Sa karkulasyon lampas isad kalibo na propesyonal sa probinsya san Masbate na magapaso na ang lisensya hali sa Professional Regulatory Commission an makatipid sa gastos dahilan kay magapadara an komisyon san mga tawuhan agod magproseso sa mga aplikante para sa bag-o na lisensya.

Maabot sa ciudad san Masbate an PRC team hali sa Legazpi City sa Hunyo 5 kag magatiner san tulo kaadlaw para magproseso sa mga aplikasyon sa bag-o na lisensya san mga maestro, enhenyero, nars kag iba pa na propesyonal.

Makatipid an mga aplikante san dako na parte sa sobra tres mil de pesos na magagastos sa duha kaadlaw na pagtiner kag biyahe kung makadto pa sinda sa ciudad san Legazpi o Cebu para makakuha sa bag-o na lisensya.

Kadamuan sa mga aplikante magahali pa sa halayo na munisipyo sa isla san Masbate kag Ticao.

Segun kan City Councilor Andrie Diez, nagbilog pwersa an administrasyon ni Masbate City Mayor Socrates Tuason kag PRC agod maihatag san PRC an serbisyo sani sa mga propesyonal sa Masbate yana na tuig.

An mobile licensing service san PRC sa maabot na Hunyo pangtulo na beses na guin hiwat san ahensya sa Masbate kun-diin dumayo man sinda san tuig 2011 kag 2012.

An lisensya hali sa PRC magahatag sa isad na propesyonal san deretso na magpraktis san iya propesyon sa sulod san tulo katuig. (MAL/RAL-PIA5 Masbate)


2 araw na Balik Eskwela Caravan sa distrito ng Bacon, natapos na

By Francisco B. Tumalad, Jr.

LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 29 (PIA) -- Matapos ang matagumpay na aktibidad ng Department of Education na Brigada Eskwela sa mga pampublikong paaralan nitong nakaraang linggo, nagtapos din noong Biyernes, Mayo 23, 2013 ang malawakang proyekto ng Department of Trade and Industry Sorsogon na “Diskwento Caravan” Balik Eskwela Edition sa distrito ng Bacon.

Ang dalawang araw na aktibidad na isinagawa sa apat na lugar ng Bonga Integrated High School, Rawis National High School, Gatbo at L. Martinez Memorial High School distrito ng Bacon ay nagtapos noong Mayo 22-23 na dinayo at lubos na pinakinabangan ng mga mamamayan.

Ang diskwento caravan balik eskwela edition sa Sorsogon ay naisakatuparan sa pakikipagkawing sa Department of Education, Sorsogon Consumer’s Association at mga nakiisang establisimyento.

Samantala may mga balita ring kumakalat sa Metro Manila ukol sa mga school supplies na kontaminado diumano ng lead at iba pang kemikal, subalit sinabi ng opisyal na alerto sila at ginagawa ang kanilang mga tungkulin nang sa gayon ay hindi makalusot ang mga ito.

Nagbigay rin nang babala sa mga negosyante si Senen Malaya, DTI information officer na huwag mananamantala at iwasan ang pagbebenta ng mga substandard na mga kagamitan na kontaminado ng nabanggit na kemikal lalo pa’t karamihang gumagamit nito ay mga bata.

Abiso din nito sa publiko na maging mapanuri sa pagpili at pagbili ng mga kagamitan ng kanilang mga anak para hindi mabiktima at makaiwas sa anumang ng epekto nito at sakaling may mapunang kakaiba sa biniling produkto ay agad itong ireport sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng agarang atensyon. (MAL/FBT-PIA5/Sorsogon)

No comments:

Post a Comment